Sa Tagalog, “hanapbuhay” ang tawag natin sa trabahong pinagkakakitaan ng pera. Pero kung pera pala ang hinahanap, bakit hindi na lang tinawag na “hanap-pera” ang trabaho? Narinig ko ang sagot sa isang kargador sa palengke. Kaya daw hanapbuhay ang tawag sa trabaho ay dahil ang hinahanap ay pantustos o ikabubuhay ng mga mahal sa buhay. Ibig sabihin, hindi talaga pera kundi ikabubuhay ang hinahanap. Napaisip ako. Oo nga naman. Ang kinikita ay paraan lang. Hindi talaga iyon ang layunin. Aanhin ko ang pera kung kailangan kong mandaya, o pumatay, o mang-agrabyado ng kapwa para kitain ito?
Noong nakaraang Linggo binasa natin ang unang bahagi ng ulat ni San Juan tungkol sa pagpapakain ni Hesus ng limang libo katao mula sa limang tinapay at dalawang isda, ang ang sobrang tira-tira na natipon nila pagkatapos ay labing-dalawang kaing. Layunin niya na bigyan sila ng palatandaan na magpapaunawa sa kanila tungkol sa misteryo ng buhay sa lupa bilang simula ng ng langit. Pero ang nakita nila ay iba—hindi tanda kundi milagro, magic, instant na solusyon sa gutom, kaya ibig daw siyang gawing hari. Gagawin yata siyang pabrika ng libreng tinapay at isda. Sa dulo ng kuwentong iyon, nagtago daw si Hesus dahil ayaw na siyang pakawalan ng mga tao.
Ang pagbasa natin ngayon ay karugtong ng kuwentong iyon. Hindi daw sumuko ang mga tao sa paghahanap kay Hesus hanggang sa matagpuan siya. Nang harapin niya sila, ganito ang sinabi niya, “Alam ko na hinahanap ninyo ako hindi dahil nakakita kayo ng tanda kundi dahil nakakain kayo at nabusog. Sana hanapin ninyo ang pagkaing magbibigay sa inyo, hindi lang ng panandaliang kabusugan kundi ng buhay na walang hanggan.”
Matalinghaga ang pangungusap ng Panginoon. Pero hindi kailangan ng mahabang paliwanag para maunawaan ito. Sa mga tao dito sa mundo na totoong naghahangad na magpakatao talagang hindi lang naman pagkakakitaan ng salapi ang importante kundi buhay na makabuluhan, buhay na may layunin, o may pinag-aalayan. Alam naman natin na hindi lang pagkaing pambusog ng tiyan ang kailangan ng tao para mabuhay siya, di ba?
Kung minsan sa America’s Got Talent, tinatanong ang ibang mga contestants—“Do you make money singing? Is being a musician your job?” Ang madalas na marinig kong sagot ay, “No. I just happen to love singing.” May isang nurse sa isang retirement home, ang ganda ng boses. Kinakantahan daw niya ang mga matatanda. Maligaya na siya makita lang silang napapayapa, nakakatulog o nag-eenjoy sa kanta niya. In short, maligaya siya kapag may napapaligayang tao sa kanyang pagkanta.
Ganyan ang tao. Kung bibigyan mo siya ng pagkain pero sasabihin mo, “O, laklakin mo iyan.” At minura ka pa, siguro kahit gutom ko, hindi mo kakainin dahil mahalaga man ang pagkain, mahalagang di hamak para sa iyo ang dangal ng iyong pagkatao.
Ang daming volunteer sa simbahan, kung minsan kinukutya sila ng sariling kapamilya—“Ano ba’t nagpapakapagod ka diyan e di ka naman binabayaran?” At ang sagot nila ay—volunteer work ang ginagawa ko, kusang loob na pagtulong o pakikibahagi sa gawain o misyon ng Panginoon, kahit walang bayad.
May kilala akong OFW na nagtatrabaho abroad. Halos lahat ng kinikita niya ipinapadala sa pamilya. Sabi daw ng amo niya—“Bat nagpapakatanga kang ganyan? Dapat ineenjoy mo ang kinikita mo para sa sarili mo. Bat di mo gamitin para sa gusto mong bilhin, o magbakasyon ka? Bat di mo enjoyin para sa sarili mo ang kinikita mo?” Sagot daw niya, “Mam, the joy of seeing my children finish their studies is more important to me than money.”
Sabi ni Hesus, “Hanapin ninyo ang pagkaing nagdudulot, hindi lang ng panandaliang kabusugan, kundi buhay na walang hanggan.” At sinabi daw sa kanya—“Bigyan mo po kami ng ganyang klaseng pagkain.” At sinagot niya sa kanila, “Ako ang pagkain ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, ang nananalig sa akin ay hindi mauuuhaw.”
Kaya tayo nagsisimba, di ba? Kaya natin pinaglalaanan ng oras ang makinig sa salita ng Diyos at tumanggap sa katawan ni Kristo. Kahit marami tayong pwedeng gawin sa oras na ito—pwedeng kumita online, pwedeng magpasyal, pwedeng gumimick. Pero pinili ninyo na pumarito at sa mata ng ibang tao, nagsasayang kayo ng oras. Pero hindi. Kaya kayo naririto, naghahanap-buhay talaga kayo. Buhay ang hinahanap, hindi lang pera o pagkakakitaan. Buhay na may pinaglalaanan, pinag-aalayan. Buhay na hindi kayang tapusin ng kamatayan.
Araw din po ngayon ng mga pari. Pakisama nyo kami sa inyong panalangin—na sana magampanan namin ang aming tungkulin bilang mga kapanalig ni Kristo sa pagpapastol, na matugunan namin ang pangangailangan ng bayan ng Diyos na lumalapit sa simbahan upang maibsan ang ibang klaseng pagkagutom. Na maging daan kami upang matulungan ang lahat ng naghahanap kay Hesus na matagpuan sa kanya ang Pagkain ng walang hanggang buhay.
Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon, 4 Agosto 2024, Juan 6:24-35