HomeCommentaryIlan o magkano ang ibabalik handog

Ilan o magkano ang ibabalik handog

Kung tayo ay mabuting katiwala magbabalik handog tayo. Ito ay tanda ng pagkilala na tayo ay katiwala kaya nagbibigay tayo ng bahagi ng may-ari. Ang balik handog ay pagpapasalamat sa Diyos. Ito ay tanda ng tiwala sa kanya na hindi naman niya tayo pababayaan. Ang balik handog ay tanda din ng ating pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Nagmamahal tayo kaya generous tayong nagbibigay. Ano ang ating binabalik handog? Ang ating panahon upang mapalalim ang ating kaugnayan sa Diyos, ang ating talento o kagalingan sa ating pagseserbiyo sa simbahan o sa lipunan, at ang ating kayamanan.

Ngayon ay tanong ay: magkano o ilan ang ating ibabalik handog? Ilang panahon ay ilalaan natin sa ating pagdarasal, gaano katagal tayo magseserbisyo? Magkano ang ibabalik handog natin? Sana makapagbigay tayo ng lahat. Ang una at pinakamahalagang utos ng Diyos ay: mahalin mo ang Diyos ng buong puso mo at ng buong lakas mo. Natuwa ang Diyos sa babaeng balo na nagbigay ng dalawang kusing lamang kasi ang lahat ng mayroon siya ay kanyang ibinigay sa templo.

Buo ang tiwala niya na hindi siya pababayaan at buo ang pagmamahal niya sa Diyos. Sa mayamang binata na lumapit sa Diyos na excited na nagtatanong kung ano ang gagawin niya upang magkaroon siya ng buhay na walang hanggan, ang sagot ni Jesus sa kanya noong malaman niya na ginagawa na pala niya ang mga utos ng Diyos mulang ng pagkabata niya, isa na lang ang kulang niya, na ipagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at ipamigay sa mga mahihirap at sumunod sa kanya.



Naghahanap ang Diyos ng lahat. Mahihingi ito ng Diyos kasi ang lahat ay nanggaling naman sa kanya. Mahihingi ito ng Diyos kasi ang lahat naman na mayroon siya ay binigay niya sa atin. Pinadala niya ang kanyang kaisa-isahang anak sa atin. Binigay ni Jesus ang buong buhay niya sa atin. Ito ang ipinagdiriwang natin sa ating Banal na Misa – ang pagpipiraso-piraso ng kanyang laman at ang pagdanak ng kayang dugo para sa atin

Kaya, kaya ba nating gawin ito? Nagawa iyan ng mga apostol. Iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus. Nagawa iyan ng mga martir. Ang buong buhay nila ay binigay nila kay Jesus. Ang sabi ni San Lorenzo Ruiz na kung may isang libong buhay siya ang bawat isa noon ay iaaalay niya kay Kristo. Nagagawa iya ng mga pari, mga madre, at mga consecrated persons. Itinalaga na nila ang buong buhay nila para sa Diyos. At gagawin din natin iyan sa panahon ng ating kamatayan. Bibitawan din natin ang lahat ng ari-arian natin at ang panahon at buhay natin kapag tinawag na tayo ng Diyos.

Pero kung hindi pa natin kayang bitawan ang lahat ngayon, magbigay tayo ng ating makakayanan. Tandaan natin, mas generous tayo, mas mabuti. Hindi natin matatalo ang Diyos sa pagiging mapagbigay. At siya ay marunong maggantimpala ng siksik, liglig at nag-uumapaw pa! Kung talagang naghahanap tayo ng halaga ng how much, magsimula tayo sa ten percent. Iyan ay ang ikapu na sinasabi sa bibliya. Sinabi ng Diyos sa pamamamagitan ni propeta Malakias: “Dalhin ninyo ng buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala.” (Mal 3:10)

Ang 10 percent ay hindi lang pera. Ganoon din ang panahon. Huwag lang tayo makontento ng nagdarasal tayo ng 5 minutes kada araw. Kada araw mayroon tayong 24 hours. Kada oras mayroong 60 minutes, kaya kada araw mayroong tayong 1440 minutes. Kung talagang bilangin natin ang 10 percent ng 1440 minutes ay 144 minutes na hingit na dalawang oras. Magsimula tayong magdasal ng kahit 30 minutes a day lang. Pwede ring magserbisyo tayo kalahating araw linggo-linggo. Madali naman kwentahen ang ikapu ng ating kinikita. Kung hindi pa natin kaya ito kasi kulang pa tayo sa tiwala at sa pagmamahal sa Diyos, magsimulang magbigay sa halaga na may kaunting kerot sa atin, hindi lang ng halaga na hinda nga natin nahalata na nagbigay pala tayo.

- Newsletter -

Ngayong narinig na ninyo ang paliwanag tungkol sa mabuting katiwala at sa balik handog, pakinggan natin ang sinulat ni San Pablo: “ Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay ng may kagalakan. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkawanggawa… Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami pa ang inyong matutulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin sa kanila.” (2 Cor 9:7-8.11)

Ang ating generosity ay nagmumulat sa maraming tao sa kabutihan ng Diyos.

Homilya ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay para sa ika-9 na Simbang Gabi.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest