HomeCommentaryJust energy transition sa Pilipinas

Just energy transition sa Pilipinas

Imposibleng makamit ang pag-unlad kung wala ang tamang uri ng pinanggagalingang enerhiya. 

Sa mga nakalipas na taon, tumitindi ang debate pagdating sa usapin ng sektor ng enerhiya. Bagama’t sumasang-ayon ang marami na dapat nang iwan ng Pilipinas ang pagkadepende nito sa coal, lumalabas ang iba’t ibang opinyon kung ano ang dapat pumalit dito. 

Tatlong suhestyon ang pinapaboran ng kasalukuyang administrasyon: renewable energy (RE), natural gas, at nuclear.



Pero sadyang hindi gagana ang ganitong kombinasyon upang makamit ang likas-kayang pag-unlad, kung ikokonsidera ang hinaharap nating krisis sa klima, nagmamahal na mga produktong enerhiya, at ang isyu ng seguridad sa mga komunidad.

Ang proseso ng transisyon ng ating ekonomiya at lipunan mula sa coal ay hindi maaaring ipatupad sa pamamagitan ng nakasanayang pag-uugali at pamamaraan.

Sa tindi ng ating kasalukuyang pagkadepende sa coal, at iba pang mga fossil fuel katulad ng natural gas, hindi magiging madali ang pagsasagawa ng naturang proseso.

Pero kailangan itong ipatupad para sa ating kapakanan.

- Newsletter -

Mahalaga para sa ating pamahalaan na ipatupad ang ganitong pagbabago sa pamamagitan ng tinatawag na just energy transition (JET). Pero ano ang ibig sabihin ng ganitong malawakang pagbabago?

Nakatuon sa RE

Kailangang sabihin na ang tunay na hangarin ng JET ay ang pag-usbong ng RE na matatagpuan sa ating bansa upang maging ang pinakamalaking pinagkukuhanan ng ating enerhiya. 

Iniulat ng maraming eksperto na dapat solar, windhydrogeothermal, at biomass ang maging mga pangunahing enerhiya sa buong mundo dahil bumababa ang kanilang presyo at sila ang nananatiling pinakaepektibong paraan upang bawasan ang ibinubugang polusyong nagdudulot ng krisis sa klima.

Malaki ang potensyal para sa RE sa Pilipinas, kabilang ang mga lugar na may mataas na konsentrasyon ng cost-effective na RE at matinding interes para sa kanilang pag-usbong.

Ayon sa ulat ng Department of Energy (DOE), mayroong 152 GW na enerhiyang solar at wind at 650 GW na enerhiyang hydro na maaaring gamitin sa ating bansa.

Hindi dapat tayo malinlang sa pangako ng nuclear, na mayroong kuwestiyon pagdating sa pagiging sustenable, matinding gastos sa pagpapagawa, at pagiging ligtas na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot ng mga nagmumungkahi nito.

Hindi rin dapat paboran ang pag-usbong ng natural gas, na isa ring ini-import na fossil fuel kagaya ng coal na maaaring makasagabal sa ating pagbabawas ng polusyong pangklima at magdulot ng mas mahal na presyo ng kuryente.

Wala ring malinaw na proseso ng pag-iwan ng itatayong mga planta ng natural gas, base sa mga panukalang batas sa Kongreso, na magpapabagal ng kinakailangang paglago ng RE.

Hindi makatarungan na gamiting transitional fuel ang isa pang fossil fuel, na siyang nagdudulot ng krisis sa klima.

Hindi rin tamang paboran ang enerhiyang ang mismong dating Secretary ng DOE ang nagsasabing walang komunidad na gustong magpatayo nito malapit sa kanilang bakuran.

Kung seryoso ang hangarin ng Pilipinas, isa sa mga pinakananganganib na bansa pagdating sa krisis sa klima, na iresolba ang nasabing problema, ang JET patungong RE ang natatanging paraan upang ating makamit ang likas-kayang pag-unlad na nakatutulong sa pandaigdigang hangarin na limitahan ang pandaigdigang pag-init sa 1.5°C.

Nakasentro sa komunidad

Hindi sapat na tignan lamang ang teknikal na aspeto pagdating sa pagpili ng ipapatupad na solusyon. Kung hindi masusi ang pagtingin sa isang aktibidad at makakasakit ito sa komunidad o sa kalikasan nang walang plano upang iwasan ito, hindi ito tunay na solusyon. 

Ang tunay na JET ay inuuna ang kapakanan ng lahat ng Pilipino, lalo na ang mga pinakabulnerableng tao katulad ng mga katutubo, kabataan, at kababaihan.

Hindi sapat na sinasabi ng pamahalaan ang pagkokonsidera sa kapakanan ng mga komunidad; kailangang isama rin sila sa paggawa ng mga polisiya at programa sa ilalim ng nasabing proseso. 

May mandato ang pamahalaan na siguruhing irerespeto at poprotektahan ang mga karapatang pantao ng mga sektor na apektado ng mga programa at proyektong pang-enerhiya.

Kasama rito ang mga nagtatrabaho sa mga industriyang fossil fuel, mga residenteng malapit sa mga lugar ng pagmimina ng mga mineral na kailangan sa pagpapatayo ng mga solar panel at pagbuo ng baterya para sa mga sasakyang elektroniko, at mga komunidad na nanganganib na mapaalis sa kanilang tahanan dahil sa isang proyektong hydropower.

Kailangang makinig ang mga eksperto sa hinaing ng mga komunidad sa bawat proseso ng pagpapatupad ng mga program and proyektong pang-enerhiya, mula sa pagpaplano hanggang sa pagmomonitor.

Kailangan silang aktibong makilahok sa pagbuo ng mga polisiya sa halip na pigilan o hindi pansinin. Dapat ding ipaalam sa mga komunidad ang mga planong direktang makaaapekto sa kanilang pangangailangang pang-enerhiya at pang-araw-araw na pamumuhay.

Hindi rin dapat kalimutang ang ating kalikasan pagdating sa JET. May responsibilidad ang pamahalaan na ipatupad ang mga batas at polisiyang katulad ng pagpigil sa mga planong aktibidad na makasisira sa mga lugar na kritikal para sa saribuhay o itinuturing na ancestral domain.

Walang anumang halaga ng kikitaing pera na makatutumbas sa importansya ng naturang mandato.  

Napapanahon nang isama ang JET sa mga batas, polisiya, at planong pangklima, pang-enerhiya, at pag-unlad sa Pilipinas.

Sa pagpapatupad nito, hindi dapat kalimutan sa lahat ng diskurso at pag-aksyon na ang tunay na hangarin ng naturang transisyon ay ang pagbibigay ng sustenable, ligtas, sapat, at abot-kayang enerhiya pata sa bawat Pilipino.

Kung hindi seryoso ang ilang ahensya ng pamahalaan sa pagtupad sa ating mga ipinangakong hangarin pagdating sa klima at enerhiya o pagpapatupad ng tunay na “whole-of-society” na pamamaraang palagi nilang sinasabi sa kasalukuyan at nakalipas na mga administrasyon, ano ang ginagawa nila?

John Leo is the Deputy Executive Director for Programs and Campaigns of Living Laudato Si’ Philippines, a member of Aksyon Klima Pilipinas, and the Youth Advisory Group for Environmental and Climate Justice under the UNDP in Asia and the Pacific. He has been a climate and environment journalist since 2016.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest