Racism

Noong kapanahonan ng Lumang Tipan, ang mga Hudyo ay mapangmata sa ibang lahi na hindi mga Hudyo. Sila yata ang bayang pinili ng Diyos. They are the Chosen Race. Ibinigay sa kanila ang Batas ng Diyos na nagbubukod tangi sa kanila sa ibang lahi. Ang tanda ng kanilang pagiging Hudyo ay ang pagtutuli. Kaya hindi maganda ang pagtingin nila sa mga hindi tuli, ang mga uncircumcised. Ang kaligtasan ay para lang sa mga pinili ng Diyos, sa mga natuli na.

Pero huwag lang tayo tumingin sa mga Hudyo noon. Kasi nangyayari pa rin ang ganitong pananaw sa Israel ngayon. Inaapi ngayon ng mga rightist Jews ang mga hindi Hudyo, kasama na diyan ang mga Muslim at Christian Palestinians na mas nauna sa kanila sa lupain ng Palestina at mas marami sa kanila sa bansa mismo ng Israel.

Kinukulong nila ang mga Palestinians sa pamamagitan ng matataas na sementong bakod, sinisira ang kanilang mga bahay at inaagaw ang kanilang mga lupain. Binubomba nila ang mga ito sa Gaza strip at sa West Bank at pinagbibintangan sila na mga terorista, na ang mga sundalong Israeli ang mas maraming pinapatay at ikinukulong.



Ang problema ng pag-aaway-away ng mga tao dahil sa lahi, dahil sa magkaibang kulay ng balat at paniniwala ay hindi lang naman nangyari sa Israel noon at sa Israel ngayon. Nangyayari din ito sa maraming bansa sa buong mundo, kahit na sa mga bansang sinasabi nilang maunlad na sila. Nandiyan pa rin ang racism, ang rasismo.

Nangyayari iyan sa America. Mababa ang tingin ng mga whites sa mga itim o mga blacks. Marami sa mga ito ay madaling barilin ng mga pulis nila kasi blacks sila at madaling paghinalaan na gumagawa ng masama.

Dahil sa maraming blacks na binabaril ng mga pulis nila, nagkaroon ng kilusang “BLACK LIVES MATTER”. Naninindigan ito para sa karapatan ng mga Blacks. Pero hindi lang ang mga itim ang tinitingnan na mababa sa America, pati na rin ang mga Asians at ang mga Latinos. Basta na lang inaapi ang mga ito kasi dayuhan ang tingin sa kanila sa America.

May racism din sa Europa. Ayaw nilang magpapasok sa Europe ng mga Black refugees na galing sa Africa, ng mga Arabs at Middle Eastern people na galing sa Syria, sa Iraq o sa Afghanistan. Pero ang dami nilang tinatanggap na mga refugees na galing sa Ukraine kasi puti ang mga Ukrainians – kalahi nila.

- Newsletter -

Nangyayari din ang racism dito sa Asia. Tinataboy ang mga Rohingyans na galing sa Myanmar na pumapasok sa Malaysia at sa Indonesia. Dito sa Pilipinas nandiyan din ang mababang pagtingin sa ating mga kapatid na katutubo. Ang kanilang karapatan sa kanilang lupang ninuno ay nilalapastangan. Ayyy! Malaki ang problema ng mundo ngayon sa racism, sa ibang lahi na tinitingan na dayuhan.

Pati na si Jesus sa ating ebanghelyo ngayon ay mayroong ganitong paningin sa simula. Pumunta siya sa lugar ng Tiro at Sidon. Ito’y mga lunsod na nasa labas na ng teritoryo ng mga Hudyo. Doon ay may nakakilala sa kanya na isang babae, isang dayuhan, isang Cananeang tagaroon.

May anak siyang inaalihan ng masamang espiritu. Pinakiusap niya ito kay Jesus na pagalingin. “Panginoon,” ang tawag niya, “anak ni David, maawa po kayo sa akin.” Dinedma siya ni Jesus. Hindi siya pinansin. Ngunit patuloy siyang nagmamakaawa sa kanya, na ang mga alagad mismo ni Jesus ay nasuya na o naawa man kaya sa kanya, na sinabi nila kay Jesus: “Pagbigyan na nga po ninyo nang umalis na. Siya’y nag-iingay at susunod-sunod sa atin.”

Ano naman ang dahilan ni Jesus bakit hindi pinansin ang babae? Dayuhan kasi siya. Hindi siya Hudyo. Sabi ni Jesus na sinugo siya para lamang sa mga naliligaw na tupa ng Israel. Hindi naman Israelita ang babaeng ito.

Pero patuloy pa ring humihingi ng tulong ang babae. Napagsabihan tuloy siya ng masasakit na salita ni Jesus: “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” Aso ang tingin sa kanya ni Jesus. Sa halip na masaktan, mas lalong nagpakababa ang babae: “Oo nga Panginoon, pero ang tuta man ay kumakain sa mumo na nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Hindi naman siya nang-aagaw ng biyaya.

Mumo lang, tira-tirang biyaya lang, ang kanyang hinihingi. Sa attitude ng tiwala na may ganitong pagpapakumbaba hindi na makatanggi si Jesus. Sumurender na siya. Pinagbigyan niya ang babaeng dayuhan. Pinagaling niya ang kanyang anak.

At saan nanggaling ang ganitong pagpapakumbaba ng ina? Sa kanyang malaking pag-ibig sa kanyang anak. Handa niyang tiisin ang pagkutyang ito dahil sa pag-ibig. Ang kanyang malaking pag-ibig sa anak na may sakit ay nagbunga ng tiwalang matiyaga, at ang tiwala ay nagdala ng pagpapakumbaba.

Pero si Jesus nga ba ay may katangi-tanging pagtingin lang sa mga Hudyo? Para lang ba sa isang lahi ang kaligtasan na kanyang binibigay sa atin? Hindi! Nagtapos ang ebanghelyo ni Mateo sa utos ni Jesus sa kanyang mga alagad na humayo sa buong mundo at gawing alagad niya ang lahat ng bansa – binyagan sila at turuan ang lahat ng mga aral niya.

At ginawa ito ng mga alagad. Sila ay pumunta sa lahat ng bansa at doon pa nga pinatay – si Pedro at si Pablo sa Roma, si Santiago sa Espanya, si Marko sa Egipto, si Tomas sa India, si Judas Tadeos sa Persia.

Malakas ang kamalayan ni San Pablo na ang misyon niya ay para sa mga Hentil, para sa mga hindi tuli, sa mga hindi Hudyo. Kahit na siya ay Hudyo, alam niya na ang misyon niya ay hindi para sa kanyang mga kalahing Hudyo, pero umaasa pa rin siya na balang araw ang mga Hudyo ay makakatanggap din ng kaligtasan kasi ang mga Hudyo nga ay ang bayang pinili ng Diyos at hindi nagbabago ang kanyang isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag.

Hindi pa natin alam kung kailan at papaano makakarating ang mga Hudyo sa pagkilala kay Jesus bilang Kristo at Anak ng Diyos. Pero mangyayari ito.

Ang paglapit sa Diyos at pagtanggap ng kaligtasan ay hindi nagdedepende sa lahi, o dugo, o kulay ng balat. Gusto ng Diyos na ang lahat ay maligtas at makaalam ng katotohanan ng kaligtasan.

Sa Lumang Tipan pa sinabi na ng Diyos ang kanyang balak. Ang mga dayuhan ay makakabilang na sa kanyang bayan kung sila ay buong pusong naglilingkod sa kanya, pinapangilin ang Araw ng Panginoon at tumutupad sa kanyang tipan.

Dadalhin din sila sa bundok ng Panginoon sa Sion at makikiisa sila sa kagalakan ng kanyang templo. Doon tatanggapin din ang kanilang mga handog. Makakasamba sila sa Diyos kasi ang templo ng Diyos ay tatawaging bahay dalanginan ng lahat ng bansa.

Sa lumang tipan pa lang universal na ang paningin ng Diyos – para sa lahat ang pagsamba sa kanya. Si Abraham at ang lahi na galing sa kanya, ang mga Hudyo, ay pinili ng Diyos upang sa pamamagitan nila ang blessing ng Diyos ay dumating sa lahat ng bansa.

Ang pagpili sa kanila ay hindi lang para sa kanilang kapakinabangan. Sila ang magiging tulay upang ang lahat ay makakilala sa Diyos at lumapit sa Diyos.

Universal! Iyan ang ibig sabihin ng salitang Katoliko. Tayo ay Katoliko kasi ang lahat ay tinatanggap natin, lahat ng lahi, lahat ng tao, kahit na makasalanan, kasi si Jesus ay dumating upang magpatawad ng mga makasalanan.

Isang hamon ang pagiging katoliko kasi madalas may mga bias din tayo, may pagtatangi tayo. Hindi patas ang pagtingin natin sa lahat.

May kinikilingan tayo at may isinasantabi tayo. Mababa ang tingin natin sa hindi natin kasama, sa mga nabibilang sa ibang relihiyon. Maging tunay na katoliko po tayo. Pahalagahan at igalang natin ang lahat. Abutin natin ang lahat at ibahagi sa kanila ang pananampalataya na mahal ng Diyos ang lahat at inaabot niya ang lahat ng tao.

Homilya ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay sa ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon (A) Is 56:1.6-7 Rom 11:13-15.29-32 Mt 15:21-28

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest