HomeCommentarySi Hesus at ang mga isinasantabi at nasa laylayan ng lipunan

Si Hesus at ang mga isinasantabi at nasa laylayan ng lipunan

Ang Mabuting Balita sa Linggong ito ay nagbibigay-diin sa tema ng pagkalinga at pagkupkop sa mga maralita at isinantabi ng lipunan, paglilingkod sa mga nasa laylayan, at pagpapakita ng malasakit sa pamamagitan ng pakikinig na may pusong mapagmahal.

INCLUSION OF THE MARGINALIZED

Pagkalinga at pagkupkop sa mga maralita at isinantabi ng lipunan.



Sa ating pagninilay tayo’y dinala sa tagpo ni Hesus at sa isang babaeng Cananea. Sa unang tingin, maaring sabihing ito’y isang pagpapakita ng hindi pagpapansin dahil sa kanyang pagiging kabilang sa ibang lahi. Subalit, ito’y naglalaman ng malalim na aral ukol sa lawak ng pag-abot ng pagmamalasakit ng Diyos, na nagsisikap abutin ang mga nasa labas o laylayan ng lipunan.

Ano nga ba ang mga pagkakataon na tayo’y naging mapagpansin sa mga taong nasa laylayan ng lipunan? Paano natin itinataguyod ang kahalagahan ng pagtanggap at pagmamahal sa harap ng kanilang kalagayang pagdarahop? Sabi ni Papa Francisco, isang malaking kasalanan ang pagiging walang paki-alam (indifference), dahil tinatalikuran natin ang tungkuling magmahal at magmalasakit.

Sa gitna ng ating kasalukuyang kalagayan ng lalo pang lumalang kahirapan, nariyan ang hamon na mahalin at yakapin ang ating mga kapatid na nasa laylayan. Sa mga maralita, sa mga inaapi, sa mga naghihintay ng kamatayan dahil walang maipagpagamot sa ospital, tayo’y inaanyayahan na magbukas ng puso’t isipan, at ipakita ang diwa ni Hesus – pagmamahal na may pagkiling sa mga dukha.

Sino ba ang aking kapwa? Sa kwento ni Jesus, sila yung mga walang boses, walang pumapansin, at nangangailangan ng tulong at pagkalinga.

- Newsletter -

SERVING THE ANAWIM AND THOSE IN THE PERIPHERY

Paglilingkod sa mga Mahihirap at Mga Nasa Laylayan

Sa ating pagninilay sa Ebanghelyo, makikita natin ang kahalagahan ng paglilingkod sa mga nasa laylayan at sa mga taong nasa mga sulok ng lipunan. Sa kuwentong ito, ang babaeng Cananea ay isang halimbawa ng isang ina na naghahanap ng tulong para sa kanyang anak na may malubhang sakit. Ipinakita ni Hesus ang kanyang malasakit at paglilingkod sa pamamagitan ng pagtugon sa kanyang kahilingan.

Sa pag-aalay natin ng pagmamahal sa mga nangangailangan, tayo’y sumasagot sa hamon ni Hesus na maging mga lingkod ng kapwa at maging tagapagdala ng pag-asa sa mga naghihirap: (Awit ng Alay Kapwa: “Sa ating pagmamahalan at at paglililingkod sa kaninuman, tayo at nagdadala ng Balita ng Kaligtasan).

Ang pagtugon ni Jesus sa pagmamakaawa ng babaeng Cananea ay isang tagpo ng paglilingkod. Ipinakita ni Hesus ang halaga ng pagkalinga sa mga nangangailangan, na walang inaasahan kundi ang kanyang pagkalinga.

Sa pagsusumikap nating maging mga instrumento ng paglilingkod, tayo’y nagiging bahagi ng pagtupad ng pangako ng Diyos na ang mga pinakamahihirap at pinakanangangailangan ay tatanggap ng Kanyang pagmamahal at biyaya (cf. Beatitudes, Mga Pinagpala, Mt. 5: 1-12).

COMPASSIONATE LISTENING WITH A HEART

Magkaroon ng Mapagmalasakit na Pusong Nakikinig

Ang babaeng Cananea ay nagpahayag ng malalim na pananampalataya sa pagmamakaawa kay Hesus upang pagalingin ang kanyang anak. Bagamat sa unang pagtingin ay tila itinaboy siya ni Hesus, sa kanyang pagtitiis at pagiging tapat, inilabas niya ang damdamin ng pagmamahal at determinasyon sa kanyang kahilingan. At siya ay pinakinggan ni Jesus.

Sa pagbibigay ng oras at atensyon sa mga kwento at damdamin ng iba, lalo na ng mga dumaraan sa matinding pagsubok at kahirapan ng buhay, tayo’y nagiging mga tagapaghatid ng pag-asa at kalinga, na katulad ni Hesus, ay may pusong handang makinig at umunawa.

Sa kalakaran ng modernong buhay, tayo’y nababalot ng teknolohiya at ingay ng mundo. Ngunit sa Ebanghelyo, tayo’y inaanyayahan na maging mga taong handang makinig nang may malasakit. Ang pag-angkin ng mga damdamin ng iba, ang pagtuklas sa kanilang mga pangangailangan, ay isang paraan ng pagpapakita ng ating pagmamahal at pagkalinga. Sa mga taong nagdadalamhati, nag-aalinlangan, o nag-iisa, tayo’y inaanyayahan na maging kanilang kaagapay sa paglalakbay (synodality).

Pagninilay: Matthew 15: 21-28, Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Fr. Edwin “Edu” Gariguez was the former executive secretary of Caritas Philippines. In 2012, he was awarded the Goldman Environmental Prize for leading a grassroots movement against an illegal nickel mine to protect Mindoro Island’s biodiversity and its indigenous people. He is currently the social action director of the Apostolic Vicariate of Calapan.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest