Ang dami nating kinatatakutan sa buhay. Takot tayong magkasakit. Noong panahon ng covid maraming tao ay takot magka-covid. Takot tayong mamatay. Takot tayong mawalan ng trabaho. Takot tayong bumagsak sa exam. Ang dami nating takot. Kaya maganda ang sabi ng Panginoong Jesus ngayong Linggo: huwag kayong matakot.
Sa maiksing pagbasa natin ngayon, tatlong beses sinabi sa atin: Huwag kayong matakot. Bakit huwag tayong matakot? Kasi may butihin at makapangyarihang Ama sa langit na nakakaalam ng ating kalagayan at nangangalaga sa atin. Ganoon niya tayo kakilala na bilang niya ang bawat buhok natin. Hindi nga natin alam kung ilan ang buhok natin pero ito ay alam ng ating Ama.
He knows us more than we know ourselves. Hindi lang na alam niya ang kalagayan natin; hindi niya pahihintulutan na mapasama tayo. Pati nga ang mga maya ay naaalagaan niya. Hindi naman tayo nakakita ng maya na nahulog dahil siya ay gutom. Ano pa kaya tayo na mas mahalaga tayo kaysa sa libu-libong maya? Pababayaan ba tayo ng Diyos Amang makapangyarihan?
Si propeta Jeremias ay minamanmanan ng maraming tao. Galit sila sa kanya kasi sinasabi niya na sinasalakay sila ng kaaway dahil sa mga kasalanan nila. Kaya ang paraan ng kanilang kaligtasan ay ang pagsisisi at pagtitiwala sa kanilang Diyos kaysa makipagdigma sa kaaway. Ayaw tanggapin ng mga tao na mali sila at may kasalanan silang dapat pagsisihan. Kaya naghahanap sila ng pagkakamali ni Jeremias upang siya ay dakpin, mahatulan at mapaghigantihan. Pero hindi natatakot ang propeta. Panatag ang kanyang loob na kakampi niya ang Diyos at alam niya ang nagyayari sa kanya. Ang kanyang mensahe ay wala namang iba kundi ang ipinaparating ng Diyos. Alam ng Diyos ang binabalak ng mga kaaway niya. Ang dasal niya ay: “Ipinagkatiwala ko sa mga kamay mo, O Panginoon, ang aking kapakanan.” Panatag ang loob niya na ang Diyos ay nagliligtas sa mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama. Ipinagtatanggol ng Diyos ang mga inaapi!
Mas lalong malakas ang ating tiwala sa Diyos nang dumating na si Jesus. Naging tao siya. Naging katulad siya natin ang Diyos. Dumating siya upang iligtas tayo at hindi upang parusahan. Mas malakas siya kaysa kasalanan at anumang kasamaan. Siya ang bagong Adan na mas malakas kaysa unang Adan. Ang unang Adan ay nagdala ng kasalanan at kamatayan sa mundo. Nagsimula ang kasamaan dahil sa pagsuway niya. Kahit na kumalat na ang kamatayan sa mundo, pagdating ng Bagong Adan na si Jesus, nabago niya ang lahat. Natalo niya ang kamatayan. Walang nagawa ang maraming kasalanan. Nalinis itong lahat ni Jesukristo. Kaya bakit tayo matatakot? Naibigay na ng Ama ang kanyang bugtong na anak para sa atin, ano pa kaya ang hindi niya maitutulong sa atin? Manalig lamang tayo sa Diyos. Huwag tayong matakot!
Pero ang takot ay nakakatulong din sa atin kung tama ang kinatatakutan natin. Dahil sa takot tayong bumagsak, kaya nag-aaral tayo. Dahil sa takot tayong magkasakit, inaalagaan natin ang ating kalusugan at hindi tayo nagbibisyo kasi sa bandang huli ikasasama din natin ang ating bisyo. Kaya nakakaiwas tayo sa maraming kasamaan dahil sa may takot tayo, basta wasto lang ang kinatatakutan natin. Dahil sa may takot tayo sa Diyos, hindi tayo gumagawa ng masasama na ikagagalit niya. Kaya ano ang dapat nating katakutan? Iyan ang katakutan natin – ang Diyos at hindi ang tao. Ang pinakamasama na magagawa ng tao sa atin ay saktan at patayin ang ating katawan. Hindi nila maaabot ang ating kaluluwa. Maaari tayong ipatapon ng Diyos katawan at kaluluwa sa impiyerno. Matakot tayo sa kanya! Matakot tayong maging duwag sa pagpapatotoo sa katotohanan at sa Diyos. Kung ikinahihiya natin si Jesus ngayon sa harapan ng mga tao, ikahihiya din niya tayo sa harapan ng mga anghel. Matakot tayong magpakalat ng fake news o gumawa-gawa ng mga kwento na hindi totoo. Ang pasikretong sinasabi-sabi natin ay malalaman ng lahat. Ang binubulong natin ay isisigaw sa bubong. Kung ano ang ipino-post natin ay kakalat sa buong mundo at mananatili iyan sa internet. Kaya maging maingat tayo sa pagpo-post. Ang internet ay isang mabisang paraan upang ipakalat ang Magandang Balita at upang manindigan. Pero ito ay isang paraan din upang ikalat ang kasinungalingan.
Ang gulo ng mundo natin ngayon. Marami ang nakakatakot na maaaring mangyari. Marami din ang nananakot sa atin upang tayo ay patahimikin at kontrolin. Kaya maging mapagpanuri tayo kung ano ang dapat nating katakutan at ano naman ang hindi natin katakutan. Paano natin ito malalaman? Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang Espiritu ng katotohanan at ang Espiritu na nagpapalakas ng ating loob. Magdasal tayo sa kanya at magpagabay tayo sa kanya. Nasa atin siya. Ibinigay siya sa atin ni Jesus.
Simulan na natin ito ngayon. Hindi tayo basta-bastang matatakot kung malakas ang ating pananalig sa Diyos na makapangyarihang Ama. Bilang Ama, mapagkalinga siya. Makapangyarihan siya kaya alam niya ang nangyayari sa atin at hindi niya tayo pababayaan. Mas matakot tayo sa kanya kaysa sinumang tao. Kaya mas sundin natin siya kaysa mga parinig at pagtuligsa ng mga tao. Iyan ang ginawa ng mga martir. Iyan ang ginawa ni San Lorenzo Ruiz at ni San Pedro Calungsod, ang dalawang Plipinong santo natin. Si San Lorenzo Ruiz ay pinako sa krus sa Nagasaki, Japan, at si San Pedro Calungsod ay sinibat sa Guam, USA. Iyan ang ginawa ni San Pedro at ni San Pablo, ang dalawang patron ng simbahan ng Roma. Si San Pedro ay pinako sa krus ng patiwarik at si San Pablo ay pinugutan ng ulo. May takot sila at wala silang takot. May takot sila sa Diyos at wala silang takot sa mga tao. Tinupad nila ang salita ni Jesus kung sino ang katatakutan at ano at sino ang hindi dapat natin katakutan.
Homilya ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay, June 25, 2023, 12th Sunday of Ordinary time Cycle A, Jer 20:10-13 Rom 5:12-15 Mt 10:26-33