HomeCommentaryLandas ng buhay at pagkabuhay

Landas ng buhay at pagkabuhay

Ewan kung napansin na ninyo na karamihan sa ating mga imahen o larawan ng mga santong martir ay may hawak na palaspas—katulad ng ating dalawang martir na Pilipino, na sina San Pedro Calungsod at San Lorenzo Ruiz. Ganyan din sina Santa Maria Goretti at Santa Lucia.

Ang palaspas ay importanteng simbolo para sa pananampalatayang Kristiyano; hindi ito dekorasyon lamang. Ito’y isang statement; isang pangungusap. May ipinahahayag, may ibig sabihin ang tao kapag humahawak ng simbolong iyan. Ibig sabihin, handa siyang magdusa at mamatay.

Simbolo iyan ng paninindigan ng isang martir. Ang literal na kahulugan ng “martir” na galing sa salitang Griyegong “marturia” ay PATOTOO—sa Ingles, WITNESSING. Katulad ng ginagawa ng mga witness kapag pinasusumpa sa korte—“Ikaw ba’y nangangakong magsabi ng katotohanan, buong katotohanan at pawang katotohanan lamang?“



Ang witness ay sasagot na nakataas ang kanang palad at magsasabing OPO. Ang nakataas na palaspas ay higit pa sa nakataas na palad; hindi lang “opo, nangangako po ako,“ ang ibig sabihin nito, kundi “Opo, kahit ipagdusa ko pa o ikamatay ito.”

Ang palaspas ay simbolo ng taong handang magpatotoo nang buong lakas ng loob. Magpatotoo sa ano? Magpatotoo na ang daan ng krus at kamatayan ay daan ng buhay at muling pagkabuhay. Na hindi tayo hahantong sa pagkabuhay kasama si Kristo kung hindi tayo handang humarap sa pagdurusa at kamatayan na kasama din niya. VIA CRUCIS ang tawag sa Latin para sa LANDAS NG KRUS. Hindi kaya dapat VIA RESURRECTIONIS? Hindi naman krus ang destinasyon kundi pagkabuhay.

Huwag nating i-romanticize ang pagdurusa. Sino ba ang gustong masaktan o mamatay? “Masochist” ang tawag sa mga nasasarapan pag sila’y sinasaktan—at “sadista” naman ang tawag sa nasasarapan pag sila’y nanakit. Sakit ang mga iyan; mga palatandaan ng mental illness.

Lahat ng normal na tao siyempre mas gusto ang mabuhay na maginhawa at walang sakit. Pero pwede bang mabuhay ang tao na hindi dumaranas ng sakit? Imposible. Bahagi ng buhay ang masaktan. Pwede bang isilang ang tao na hindi nakakaramdam ng sakit ang nanay at ang sanggol mismo?

- Newsletter -

Hangga’t kaya natin, iniiwasan natin ang masaktan. Iyun ngang mga pediatrician, kung ano-anong style ang ginagawa para hindi gaanong maramdaman ng bata ang sakit pag iniiniksyon sila. Ganoon din ang dahilan kung bakit gumagamit ng anesthesia ang mga surgeons kapag nag-opera, at nagbibigay pa ng pain-killers, pagkatapos. Para lang maibsan ang sakit.

Pero importante ang sakit di ba? Paano malalaman ng duktor na may diperensya ka sa tiyan o sa puso o sa tuhod kung di mo naramdaman ang sakit? Kawawa ang batang puro pasarap ang naranasan, hindi dumanas ng sakit at hirap. Hindi magiging madali para sa kanya ang humarap sa mga pagsubok; madali siyang masisiraan ng loob at sumuko sa mga hamon.

Kahit ayaw nating masaktan, alam din natin na nakakatulong din ito para sa ating pag-unlad bilang tao. Minsan kasi ang pagdurusa ay bunga rin ng ating katangahan, pagkakamali, o pagpapabaya. Kaya parang disiplina rin ang paghihirap. Sa Tagalog, ang punishment ay PARUSA, galing pa rin sa salitang dusa—kapag kusang pinagdurusa ang tao para matuto siya, para magtanda, para umayos, para sabihin niya, “Sori po, hindi po ako uulit.”

Delikado kasi pag hindi pinagdusa ang tao kapag may ginawa siyang hindi tama o pandaraya o pagmamalupit sa kapwa. Uulit-ulitin niya. Kaya nakakabuti rin ang sakit, nagpapalakas, nagtutuwid, nagpapatatag sa ating pagkatao.

Kaya siguro nasabi minsan ni San Pablo sa 2 Cor 4:8-11, “Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Binabagabag kami pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Natutumba kami, ngunit hindi lubusang nalulugmok. Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay.”

Ang Daan ng Krus ay daan ng buhay at pagkabuhay dahil ito ay DAAN NG PAG-IBIG. Lahat ng taong nagmamahal ay naghahanda rin na magbuwis ng maraming dugo, luha at pawis para sa minamahal. Hindi nila tinitingnan ang pagdurusa bilang pagkatalo o pagkalugi kundi bilang puhunan at pakinabang. Pinaghuhugutan ng matinding lakas na hindi kayang wasakin o sirain ng anupaman.

Ang taong wagas kung magmahal, ay sumusunod lamang sa halimbawa ng Anak ng Diyos na yumakap sa pagdurusa at kamatayan bilang Anak ng Tao. Sa krus matutuklasan natin ang sakit na nagpapagaling, ang pagdurusang nagdudulot ng paghilom, at ang kamatayang nagbibigay-buhay.

Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan sa Linggo ng Palaspas, 24 Marso 2024, Pasyon ayon kay San Markos 14-15

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest