HomeCommentaryApostolic Vicariate of Taytay | Liham Pastoral: Pinakamahalagang Tatlong Araw sa Simbahan

Apostolic Vicariate of Taytay | Liham Pastoral: Pinakamahalagang Tatlong Araw sa Simbahan

“Ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: Si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan.” (1 Cor 15:3-4)

Mga minamahal kong bayan ng Diyos sa Bikaryato ng Taytay,

Nalalapit na ang mahahalagang araw kung kailan natin inaalaala at nararanasan ang misteryo paskwal, ang mga gawaing pagliligtas sa atin ni Jesukristo. Ang misteryo paskwal ay ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ay sinasariwa natin taon-taon tuwing Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria patungo sa Linggo ng Muling Pagkabuhay. Sa Huwebes Santo ipinagdiriwang natin ang pagtatag ni Jesus ng mga Sakramento ng Eukaristiya at ng Pagpapari sa kanyang Huling Hapunan. Dito binigyan ni Jesus ng kahulugan ang pag-aalay niya sa krus sa susunod na araw. Ang pagkamatay niya sa krus ay isang kusang pag-aalay para sa atin. Siya ang Kordero ng Diyos na pinatay para sa kapatawaran ng ating kasalanan. Ang kanyang dugo ay ang dugong ibinuhos para sa Bagong Tipanan ng Diyos at ng tao. Kaya “tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.” (1 Cor 11:26)



Ang ipinagdiwang sa Huwebes Santo ay ginanap sa Biyernes Santo noong si Jesus ay hinatulan, pinasakitan, at ipinako sa krus. Doon niya inalay ang kanyang buhay. “Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan. Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayong lahat ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap…Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan. Siya’y inilibing na kasama ng masasama at mayayaman kahit na siya’y walang kasalanan… ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dahil dito’y mabubuhay siya ng matagal.” (Is 53:5.8-10)

Si Jesus na pinasakitan at pinatay ay hindi nanatiling patay. Nabuhay siyang muli. Ang kanyang tagumpay ay ipinagdiriwang natin sa ating magdamagang pagtatanod sa Sabado ng Gabi. Mararanasan natin dito ang tagumpay ng liwanag sa kadiliman. Dito mapapakinggan natin ang kuwento ng kasaysayan ng kaligtasan. Bahagi tayo sa kasaysayang ito kasi nakikiisa tayo dito sa ating binyag, kung kailan namatay tayo sa kasalanan at natanggap natin ang bagong buhay. Kaya sa gabing ito, sinasariwa natin ang ating binyag na siya ang ating pakikilahok sa misteryo paskwal. Wala nang kapangyarihan sa atin ang kasamaan. Kasama na tayo ni Jesus sa tagumpay ng buhay laban sa kamatayan, tagumpay ng liwanag laban sa kadiliman at tagumpay ng kabanalan laban sa kasalanan.

Hinihikayat ko po kayong lahat na magbalik handog ng panahon sa semana santa sa pakikilahok sa mga gawain ng simbahan ngayong linggo. Bigyan ninyo ito ng panahon. Sa takbo ng panahon nagkaroon ng maraming pamahiin sa mga araw na ito. Huwag po natin pansinin ang mga pamahiin na ito. Sa halip makiisa tayo at magbigay ng panahon para magsimba sa Huwebes Santo at magtanod sa harap ng Banal sa Sakramento sa Huwebes ng gabi. Tumanggap ng banal na Komunyo sa gabing ito. Binibigay ni Jesus ang kanyang katawan para sa atin, tanggapin natin siya. Ihanda natin ang ating sarili sa Banal na Komunyon, kaya magsisisi sa kasalanan at mangumpisal. Sa Biyernes Santo, sumabay tayo sa panalangin ng Daan ng Krus, makinig sa Siyete Palabras at makiisa sa pagdiriwang ng pagtatanghal ng Krus at ng kamatayan ni Jesus sa ikatlo ng hapon. Sa Sabado ng gabi, makiisa tayo sa pagdiriwang ng muling pagkabuhay. Kadalasan puno ang mga simbahan natin sa Biyernes pero kakaunti na lang ang nagsisimba sa Sabado ng gabi. Hindi po nagtatapos ang ating pagdiriwang sa kamatayan ni Jesus. Siya ay muling nabuhay. Hindi lang natin ipinagdiriwang ang kamatayan ni Jesus. Mas lalo nating ipagdiwang ang kanyang muling pagkabuhay. Samahan din natin ang Mahal na Ina sa pagtanggap ng kanyang anak na muling nabuhay sa pagsasaksi ng Salubong sa madaling araw ng Linggo. Napakayaman po ng kahulugan ang mga gawain sa tatlong araw na ito. Sana naroon tayo.

Huwag po natin sirain ang kabanalan ng mga araw na ito sa paggagawa ng makamundo at masasamang gawain. Dahil sa mahalaga ang mga araw na ito, wala pong pasok at walang trabaho sa mga araw na ito upang tayo ay makapagdasal at makapagnilay. Ito ay hindi para makapagbakasyon tayo o pumunta tayo sa beach upang mag-enjoy. Hindi angkop na habang ang Panginoong Jesus ay nagpapakasakit at namatay para sa atin, tayo ay nasa beach o nagbabakasyon. Hindi tayo niyan pagpapalain ng Diyos. Lalo nang masama na mag-iinuman ng alak o magsasabong sa mga araw na iyon. Hinihikayat nga tayo na mag-ayuno at magpenitensiya. Banal ang mga araw na iyon. Magpakabanal tayo.

- Newsletter -

Ang inyong kapwa mananampalataya,

Bishop Broderick Pabillo

Obispo ng Bikaryato ng Taytay

March 24, 2024 Linggo ng Palaspas, ang simula ng Semana Santa.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest