Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus ang mahalagang aral tungkol sa kahalagahan ng pagbubuklod-puso sa pamamagitan ng pagpapatawad at pagkakasundo ng magkakapatid sa Simbahan. Ipinakita niya ang isang mapagpatawad na pamamaraan para sa paglutas ng mga alitan sa loob ng komunidad ng mga mananampalataya.
Ang pagninilay na ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan sa puso sa pusong pakikipag-usap, sa halip na hayaang patuloy na paghariin ang pait at galit (ikaw ay papangit!). Ito ay isang paanyaya na sikaping pagalingin ang mga sugat at palakasin din ang diwa ng tunay na kapatiran sa ating pamayanang Kristiyano.
Upang maging isang mapagmahal na komunidad ng Simbahan, inaasahan tayo na maging handang sumunod sa mga hakbang na itinakda ni Hesus. Kapag may mga alitan, inaasahan na tayo ang lalapit sa isa’t isa nang may pagkamapagkumbabang puso at tunay na hangarin na magkaruon ng pag-aayos.
Sa pamamagitan nito, nililikha natin ang isang kapaligiran kung saan muling magkakaroon ng tiwala, maibabalik ang mga relasyon, at ang Simbahan ay magiging tagapagtaguyod ng pagmamahal at pag-uunawaan sa diwa ni Jesus na nagpakita ng halimbawa ng walang sawang pagpapatawad sa atin. Tayo naman lahat ay nagkakasala at nagkakamali. At ang Panginoon ang laging handing yumakap sa kanyang mga alibughang anak!
Sa ating panalangin ng pagtawag sa Ama natin sa langit, tayo ay humihiling na tayo ay patawarin, ngunit ito ay kaakibat ng ating pagsisikap na tayo rin ay magpatawad sa mga nagkakasala sa atin. Ang Diyos ay nagpapatawad, . . . sana tayo rin, magsikap umunawa, magpatawad sa kapalpakan at kahinaan ng sa isa’t isa.
Pagbubuklod sa Pamamagitan ng Pansambayanang Pagsamba at Panalangin
Marami ang nagsasabi na hindi naman kinakailangang magsimba o dumalo sa mga panalanging pang sambayan dahil pwede naman daw magdasal kahit sa ilalim ng punong saging, mag-isa lang, sa isang sulok! Totoo din naman po yun.
Ngunit sa Ebanghelyo, bibibigyang diin ni Hesus ang isang malalim na aral tungkol sa kapangyarihan ng panalangin at pagsamba ng komunidad. Sinabi niya, “Kung ang dalawa sa inyo dito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”
Ang mga pangungusap ni Jesus ay nagpapaalala sa atin ng banal na ugnayan na nabubuo kapag ang mga mananampalataya ay nagkakasama-sama sa pagdarasal at pagsamba. Ang pagbubuklod sa pamayanan ay nagpapahayag ng mas malalim na espiritwal na ugnayan sa Diyos at sa isa’t isa.
Ito ay isang paalala na sa gitna ng ating pangaraw-araw na buhay at mga hamon, hindi tayo nag-iisa. Ang pananatili ni Jesus sa ating piling ay nadarama sa mga puso at tinig ng sambayanang nagtitipon sa kanyang pangalan, ito ang karanasan ng pagiging nagkaka-isang Simbahan.
Sa konteksto ng parokya, ang pahayag na ito ni Hesus ay nagpapahayag ng kahalagahan ng pagtutuwangan at pagkakapit-puso ng mga mananampalataya sa kanilang mga pagtitipon. Sa bawat pagsamba at pag-gampan o pakikiisa sa mga gawain sa parokya, nararamdaman natin ang presensya ni Hesus na kalakbay natin sa buhay Simbahan.
Ito ay isang patotoo na ang parokya ay hindi lamang isang lugar ng pagsamba kundi isang tahanan ng mga nagmamahal sa Diyos na nagkakatuwang naglalakbay sa ating pananampalataya, sa pagsasabuhay ng kanyang Salita, hindi bilang ako na lang na mag-isang nagsisikap, kundi bilang nagtutuwangang sambayanan.
Homiliya ni Fr. Edwin Gariguez ng Calapan para sa Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Mateo 18: 15-20