HomeNewsObispo ng Puerto Princesa, nakikiisa sa protesta laban sa mining sa Brooke’s...

Obispo ng Puerto Princesa, nakikiisa sa protesta laban sa mining sa Brooke’s Point

Sa liham-pastoral ni Bishop Socrates Mesiona, sinabi ng obispo na ang pagtutol ng taumbayan ay isang karapatang dapat igalang

Nakikiisa ang Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa sa panawagan ng mamamayan ng Brooke’s Point, Palawan, laban sa operasyon ng Ipilan Nickel Corporation.

Sa liham-pastoral ni Bishop Socrates Mesiona, sinabi ng obispo na ang pagtutol ng taumbayan ay isang karapatang dapat igalang dahil layunin lamang nitong ipagtanggol ang kanilang kaligtasan, kalikasan, at pamayanan.

“Nararapat po lamang na igalang ang kanilang karapatan at pakinggan ang kanilang hinaing. Kinikilala rin natin ang basehan ng kanilang ipinaglalaban. Sila ang higit na may nalalaman at direktang naaapektuhan sa anumang kaganapan sa kanilang kapaligirn,” ayon kay Bishop Mesiona.



Iginiit ni Bishop Mesiona na katulad ng mamamayan ng Brooke’s Point, partikular na sa Barangay Ipilan, ang Simbahan ay mariin ding nananawagan upang isulong ang pangangalaga sa kalikasan at kaligtasan ng mga apektado ng mga pagbabago sa kapaligiran.

Ito ay ang mga katutubo at magsasaka na ang hanapbuhay ay nagmumula sa mga likas na yaman tulad ng lupa, bundok, gubat, at karagatan, na higit na napipinsala ng operasyon ng pagmimina sa lugar.

“Ipinakikiusap natin na pakinggan naman ang boses at igalang ang hinaing at panawagan ng ating mga kababayan. Gayunpaman, idinudulog natin sa lahat na maging mahinahon. Iwasan nawa ang mapanirang mga salita na nakasasakit ng kalooban,” ayon kay Bishop Mesiona.

Panawagan naman ng obispo sa mga kinauukulan na isaalang-alang ang ikabubuti ng lahat lalo’t higit ang mga mahihirap. Gayundin ang pagsusulong sa mga proyekto na pangmatagalan ngunit hindi mag-iiwan ng pinsala sa kalikasan at mamamayan, at hindi pansamantala at mapapakinabangan lamang ng iilan.

- Newsletter -

Higit isang linggo na ang nakakalipas nang magsagawa ng Barikada ng Bayan ang mga residente ng Brooke’s Point upang tutulan ang pagmimina ng Ipilan Nickel Corporation.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest