Isa sa mga pinakakontrobersyal na usapin sa kasalukuyan ang nuclear energy. Nagpahayag ng kanilang suporta para sa pag-usbong ng nuclear energy sa Pilipinas sina Pangulong Bongbong Marcos at ang dating presidente Rodrigo Duterte.
Kasabay ng kanilang pahayag ang pagbabalik ng mga debate kung dapat bang buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na itinayo noong administrasyon ng ama ng kasalukuyang pangulo. Hindi pinaandar ang naturang planta dahil sa matinding oposisyon bunga ng mga isyu ng katiwalian, mahal na gastos sa pagpapatayo nito, at seguridad.
Subalit dala ng pahayag ng mga nakalipas na pangulo, lumalakas ang boses ng mga tagasuporta ng nuclear energy. Ayon sa kanila, kayang tapatan ng nuclear energy and lumalaking pangangailangan sa enerhiya ng bansa. Nababanggit rin ito bilang isang potensyal na solusyon laban sa krisis sa klima dahil sa mas mababa nitong greenhouse gas (GHG) na ibinubuga nito kumpara sa mga fossil fuel (i.e., coal, oil, gas).
Sa ngayon, pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga posibleng lugar, teknolohiya, at panukala kaugnay sa pagtatayo ng mga pasilidad. Pero kaya pa ng Pilipinas na umiwas sa ganitong direksyon at hindi na muling umulit ng pagkakamali.
Hindi dapat maging malaking bahagi ng sistema ng enerhiya sa Pilipinas ang nuclear. Narito ang mga dahilan kung bakit.
Banta sa kaligtasan at seguridad
Tinatamaan ang Pilipinas ng iba’t ibang uri ng sakuna, katulad ng mga bagyo at matinding pag-ulan. Kung hindi babawasan ang pagbuga ng GHG, lalong titindi ang epekto ng mga ito sa susunod na mga taon, kung kailan inaasahang tatakbo ang mga planta ng nuclear. Pamilyar ang bansa sa pinsalang dala ng mga lindol, dulot ng posisyon nito sa Pacific Ring of Fire.
Dapat tandaan na nangyari ang nuclear disaster sa Fukushima sa Japan noong 2011 dahil sa lindol at tsunami. Dapat ring matuto sa mga pagkakamali sa kaso ng BNPP, na sobrang mahal ang naging gastusin pero natagpuang puno ng mga teknikal at pinansyal na problema na nagpatunay na hindi ito dapat patakbuhin.
Dahil isa sa pinakananganganib na bansa sa mga epekto ng krisis sa klima ang Pilipinas, maraming komunidad ang maaaring malagay sa panganib ng potensyal na nuclear disaster kung papalaguin ang naturang industriya.
Wala pa ring maipresentang solusyon ang mga tagasuporta ng nuclear sa isyu ng ligtas na pagtatapon ng radioactive waste, maging sa mga mayayamang bansa. Madalas mang imungkahi ang pagtatapon nito sa kailaliman ng lupa o geological repository, wala pa ring ganitong lisensyadong pasilidad sa kasalukuyan. Nangahuhulugan ito na ang radioactive waste na nakatambak sa kung saan man at naghihintay na itapon ay posibleng tumagas at magdulot ng mataas na radiation at iba pang epektong makakasama sa kalusugan at kalikasan.
Hindi rin talagang malakas ang suporta ng publiko para sa nuclear. Ipinapakita man ng ilang survey na karamihan sa mga Pilipino ang pabor sa nuclear, nakasaad din sa mga ito na marami ang ayaw na may itatayong planta o tambakan ng nuclear waste malapit sa kanilang lugar. Maging ang dating Energy Secretary na si Alfonso Cusi ay nagsabing “the only problem is, ang sinasabi ay not in my own backyard.” Patunay ito na hindi ganoong katindi ang popularidad ng nuclear, kumpara sa inaakala ng karamihan.
Ipinapakita ng mga disaster sa Fukushima at Chernobyl na mas mataas ang banta sa kaligtasan at seguridad ng mga komunidad ang nuclear kumpara sa mga enerhiyang kinokonsiderang mas malinis kaysa sa mga fossil fuel. Kaya hindi dapat kalimutan ng pamahalaan ang precautionary principle, na mahalagang bahagi ng mga batas at polisiyang pangkalikasan sa bansa, at protektahan ang karapatan ng mga mamamayan sa malinis na kapaligiran.
Mataas na gastusin
Ating nabanggit na mahal ang ibinayad ng pamahalaan para sa BNPP. Itinayo ito batay sa panukala ng Westinghouse Electric na aabot sa US$500 milyon, pero nang matapos ang proyektong naging kilala sa mga kontrobersya, umabot ang gastos sa US$2.3 bilyon. Nagdulot ito ng utang na sa sobrang laki ay ipinasa ang responsibilidad ng pagbabayad sa ilang henerasyong Pilipino, tagasuporta man ng nuclear o hindi.
Pero hindi ito eksklusibo sa Pilipinas. Kilala ang nuclear bilang pinakamahal na uri ng power plant. Isa itong risky investment dahil sa haba ng proyekto at mataas na kailangang kapital, at lalong tumitindi ang pagkaalanganin sa panahon ng krisis kagaya ng pandemyang COVID-19 at ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Marami na ring problemang naobserbahan sa nuclear sa ibang bansa, katulad ng katagalan sa pagpapatayo ng planta, kakulangan ng pondo, at pagkansela ng proyekto. Nangyari ang mga ito sa kabila ng matinding suporta ng kanilang pamahalaan, kasama ang pagpopondo ng subsidiya sa pamamagitan ng pagpapasa ng gastos sa konstruksyon at pasanin ng anumang potensyal na suliranin sa mga mamamayang nagbabayad ng buwis.
May makikitang ganitong uri ng polisiya sa Pilipinas, kung saan sa ilalim ng kasalukuyang polisiya ay puwedeng ipasa ng mga nagpapatakbo ng mga planta ang nawalang kita at gastusin sa mga konsyumer. Kung itatayo ang mga plantang nuclear, posibleng tumaas pa ang presyo ng kuryente sa bansang may isa sa mga pinakamahal na singil sa Asya.
Samantala, inaasahang bababa ang presyo ng kuryenteng nagmumula sa renewable energy (RE) sa mga susunod na taon, habang tataas ang presyo mula sa nuclear. Pagdating ng 2030, mas mababa ang levelized cost of electricity (LCOE) ng kuryenteng mula sa RE sa Asia-Pacific kumpara sa nuclear o coal.
Halimbawa, bababa ang LCOE ng solar pagdating ng 2030 para sa iba’t ibang pangangailangan. Mas mura rin ang LCOE ng onshore wind sa loob ng kasalukuyang dekada. Magiging halos parehas o mas mura na ang presyo ng kuryente mula sa RE kaysa sa nuclear, na inaasahang magiging mas mahal. Higit na mas abot-kaya na rin ang RE kumpara sa gas, isa pang pinagkukunan ng enerhiya na isinusulong din ng kasalukuyang liderato.
Sa halip na magpatupad na naman ng mabilisang band-aid na mga solusyon, dapat unahin ng pamahalaan ang paglago ng RE kaysa sa nuclear, coal, o anumang pinagkukunan ng enerhiya.
Si John Leo ay deputy executive director ng Programs and Campaigns sa Living Laudato Si’ Philippines.