HomeCommentaryMaging bukas palagi sa Diyos

Maging bukas palagi sa Diyos

"Kung nandiyan si Jesus hindi tayo nag-iisa. Sinasamahan tayo palagi ng Diyos. Maging bukas lamang tayo sa kanya."

Nangyayari sa ating buhay na tayo ay nasa mahigpit na kalagayan na kailangan tayong gumawa ng mabigat na desisyon, lalo na kung maaapektuhan ang ibang tao sa desisyon natin.

Tulad ng tatay na magdedesisyon kung aalis ba siya sa trabaho kung saan nararamdaman niya na kinokontra siya at pinahihirapan ng kanyang mga kasama, pero may pamilya siyang sinusuportahan. Tulad ng isang nasangkot sa isang pagkakasala. Aaminin ba niya ito at mapapahamak ang iba? Tulad ng isang may asawa na para bang nawawala na ang tiwala sa kanyang kabiyak pero may mga anak na kailangang suportahan.

Sa ganitong mga kalagayan ano ang isinasaalang-alang natin sa ating pagdedesisyon? Bukas ba tayo sa Diyos at naniniwala ba tayo na nababahala din siya sa atin at tutulong siya? Alam ba natin na ang Diyos ay kasa-kasama natin sa mga madidilim na yugto ng buhay natin?



Iyan ang kalagayan ni haring Acaz sa ating unang pagbasa at ni Jose sa ating ebanghelyo. Kapwa silang may mabigat na problema. Si haring Acaz ng Jerusalem ay natatakot. Ang puso niya ay nanginginig sa takot tulad ng dahon ng puno na hinahampas ng hangin. Dalawang mga hari ang paparating upang salakayin ang Jerusalem, ang hari ng Damasco at ang hari ng Samaria. Isa laban sa dalawa.

Si Jose ay abalang-abala rin. Nakatakda siyang ikasal kay Maria, pero bago sila magsama nalaman niya na si Maria ay buntis. Hindi niya alam kung bakit. Mabait na babae naman si Maria pero iyan, buntis siya. Ang dalawang lalaking ito ay may plano na kung ano ang gagawin.

Inihanda na ni Haring Acaz ang pagsalakay sa Jerusalem. Kaya pinapalakas niya ang muog at inaayos ang supply ng tubig sa lunsod. Tumawag na siya sa hari ng Assyria at nagbayad na sa kanya na salakayin ang Damasco at Samaria.

Si Jose ay may plano na rin. Siya ay isang taong matuwid. Ayaw niyang mapahiya at mapasama si Maria. Mangyayari ito kung ibubunyag niya na buntis si Maria sa iba. Ngunit hindi naman niya hahayaan na lang na parang walang nangyari. May nangyari kay Maria at hindi niya ito nauunawaan. Kaya ipinasya na lang niya na hiwalayan si Maria nang tahimik. Kahit na siya ay nasaktan, ayaw niyang mapasama si Maria.

- Newsletter -

Pero kumilos ang Diyos sa dalawang taong ito. Pinadala ng Diyos si propeta Isaias kay haring Acaz at isang anghel kay Jose. Sinabi ni propeta Isaias kay Acaz na huwag siyang matakot. Hindi mangyayari ang kanyang kinatatakutan. Hindi siya sasalakayin ng dalawang kaharian at babagsak pa nga sa madaling panahon ang mga lunsod ng Damasco at ng Samaria. Upang maniwala siya na mangyayari ito, humingi siya ng tanda, anumang tanda ay matutupad ito at ibibigay ito sa kanya ng Diyos. Ayaw niyang maniwala sa salita ng propeta. Mas umaasa siya sa kanyang plano. Hindi siya humingi ng tanda. Nagalit ang propeta sa kanya na pati ang Diyos ay niyayamot niya. Pero mangyayari ang plano ng Diyos. Hindi man siya hihingi ng tanda, ang Diyos ay magbibigay ng tanda – ang isang dalaga ay manganganak at ang anak niya ay tatawaging Emanuel na ang ibig sabihin ay kasama nila ang Diyos. Hindi sila pababayaan ng Diyos. Hindi mawawasak ang Jerusalem.

Kakaiba si Jose. Pinaliwanag ng anghel sa kanyang panaginip na tanggapin na si Maria bilang asawa niya at ang bata bilang anak niya. Siya ang magbibigay ng pangalan sa kanya. Pangangalanan niya ito ng Jesus, na ang ibig sabihin siya ang magliligtas sa kanyang bayan. Iyan ang magiging misyon ng bata na isisilang. Tanggapin na niya si Maria sapagkat ang nangyari sa kanya ay hindi kagagawan ng tao, kundi naglihi siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kaagad sumunod si Jose. Pinakasalan niya si Maria at siya na ang tumayo bilang tatay ng bata. Dahil sa pagsunod niya natupad ang tanda na ibinigay ni Isaias. Naglihi ang isang dalaga at nanganak ng isang lalaki na magiging Emmanuel – talagang Emmanuel siya sapagkat siya ay ang Diyos na naging kasama natin. Naging kasama natin ang Diyos kasi si Jesus, ang Anak ng Diyos na naging tao, ay kapwa natin, kapwa tao siya.

Kumikilos ang Diyos sa buhay natin. Sa ating kagipitan nag-aalok siya ng solusyon. Tayo ba ay tulad ni haring Acaz na ayaw maniwala? O tulad ba tayo ni Jose na kahit na ang inaalok ng Diyos ay kakaiba sa balak niya, naging masunurin siya at agad kumikilos ayon sa plano ng Diyos?

Iba ang paraan ng paglapit ng Diyos kay Acaz, ito sa pamamamagitan ng isang tao, isang propeta, at ang paglapit niya kay Jose, ito ay sa pamamamagitan ng anghel sa kanyang panaginip. Ibang paraan, pero lumapit ang Diyos sa kanila.

Sa ating buhay lumalapit din ang Diyos at pinapabatid ang plano niya. Maging bukas tayo sa kanyang paglapit. Maging sensitive tayo sa kanya. Hindi siya pabaya sa atin. Lumalapit siya lalo na kung hinahanap-hanap natin siya at gusto nating gawin ang kalooban niya.

Isang linggo na lang Pasko na. Huwag lang natin abangan ang araw ng December 25. Abangan natin si Jesus na nagbigay ng kahulugan sa December 25. Jesus is the reason for the season. Siya ang dahilan ng pasko. Tanggapin natin siya.

Noong ako ay batang pari pa lang, na-assign ako sa isang Parokya sa Makati. Hindi ito ang mayamang bahagi ng Makati. Ordinaryo at mahihirap lang ang mga tao rito. Busy ako noong Simbang gabi. Ang daming Misa. Marami rin ang mga Christmas party at mga regalo. Noong gabi ng Pasko masaya ang mga taong nagbabatian ng Merry Christmas pagkatapos ng Midnight Mass. Pagkatapos umuwi na ang lahat. Naiwan akong mag-isa sa simbahan. May kasama akong paring matanda na maaga nang natulog. Malungkot akong kumain ng Noche Buena na mag-isa – nakatambak ang mga regalo, patay-sindi ang makukulay na Christmas lights at maraming pagkain sa lamesa. Pero nag-iisa ako.

Doon ko naranasan na ang pasko ay wala sa mga bagay o mga dekorasyon. Pumunta ako sa simbahan at doon nanahimik sa harap ng Belen at ng Blessed Sacrament. Hindi ko namalayan na higit na isang oras ako naroon. Iyon ang isa sa pinakamalalim kong karanasan ng Pasko. Sa katahimikan ng panalangin nandoon si Jesus. Noon ko naranasan ang Emmanuel, ang Diyos na kasama natin. Kung nandiyan si Jesus hindi tayo nag-iisa. Sinasamahan tayo palagi ng Diyos. Maging bukas lamang tayo sa kanya.

Homily ni Bishop Broderick Pabillo, December 18, 2023, 4th Sunday of Advent Cycle A; Is 7:10-14; Rom 1:1-7; Mt 1:18-24

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest