HomeDiocesan ReportsHealth care commission ng CBCP, nanawagan sa mamamayan na magpabakuna

Health care commission ng CBCP, nanawagan sa mamamayan na magpabakuna

“Hindi pa tapos ang laban ng COVID-19. May mga kaso pa rin tayo, at ang mga kasong ito ay libo pa rin araw-araw”

Muling hinikayat ng Episcopal Commission on Health Care ng Catholic bishops’ conference ang publiko na magpabakuna bilang karagdagang proteksyon laban sa coronavirus disease.

Kasunod ito ng pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga open area at mga lugar na may sapat na daluyan ng hangin.

Ayon kay Father Dan Cancino, MI, executive secretary ng komisyon, bagama’t kusang-loob na lamang ang paggamit ng face mask, hindi pa rin dapat makampante ang publiko dahil nananatili pa ring banta ang COVID-19.



“Hindi pa tapos ang laban ng COVID-19. May mga kaso pa rin tayo, at ang mga kasong ito ay libo pa rin araw-araw,” ayon sa pari.

“Sana huwag nating kalimutan na kahit na bumabalik na tayo pakonti-konti doon sa ‘normal’ na kalalagayan ng buhay, dapat panatilihin pa rin nating proteksyunan ang ating sarili at lalong lalo na, magbigay ng proteksyon sa ibang tao,” pahayag ni Father Cancino sa panayam ng Radio Veritas 846.

Batid ng opisyal ng CBCP na marami pa ring tumatangging kumuha ng COVID-19 vaccine dahil sa pangambang lalong mahawaan ng virus.

Paliwanag ni Father Cancino, napatunayan na mabisa ang epekto ng bakuna at marami na ring nailigtas mula sa pagkakaroon ng malalang sintomas ng sakit.

- Newsletter -

Dagdag pa ng pari na ito’y pagtugon na rin sa panawagan ni Pope Francis sa pagmamalasakit upang tuluyan nang malunasan ang umiiral na pandemya.

“Sa mga hindi pa po nagpapa-booster shot, lalong lalo na sa mga talagang nangangailangan, mag-avail po talaga tayo nito. Ito ang ating ambag sa pandaigdigang tawag ng ating Santo Papa na ang pagpapabakuna ay isang aksyon ng pag-ibig at pagmamahal,” panawagan ni Father Cancino.

Samantala, kaakibat ng bagong panuntunan sa paggamit ng face mask ay mananatili pa ring ipatutupad ang pagsusuot nito sa health facilities, pribado at pampublikong establisimyento at mga pampublikong transportasyon.

Hinihikayat din ang pagsusuot ng face mask sa mga may karamdaman at matatanda na madaling mahawaan ng iba’t ibang uri ng karamdaman.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest