We live by faith and not by sight. Nabubuhay tayo hindi lang ayon sa mga bagay na nakikita kundi ayon din sa ating pananalig.
Narinig natin sa sulat sa mga Hebreo: “Tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na hindi natin nakikita.” Nagdedesisyon tayo, lumalakad tayo, kumikilos tayo ayon sa nalalaman natin mula sa ating pananampalataya. Nagagawa natin ito kasi naniniwala tayo sa nagsalita sa atin, na siya ay maaasahan at mapagkakatiwalaan. Hindi niya tayo lilinlangin kasi siya ay tapat. Iyan ay ang ating Diyos.
Ang halimbawa ng may ganitong mahigpit na tiwala sa Diyos ay si Abraham. Iniwan niya ang kanyang lupain dahil sa nangako ang Diyos na bibigyan siya ng lupain. Binitiwan niya ang mayroon na siya, ang lupain at kamag-anakan niya sa Haran, at itinaya ang kanyang buhay sa salita ng Diyos na bibigyan siya ng lupain sa Canaan. Pagpunta niya roon, siya ay isang dayuhan. Sa buong buhay niya, namuhay siya roon na isang dayuhan. Noong namatay ang kanyang asawa, kailangan pa siyang bumili ng kapirasong lupa sa mga taga-Hebron upang maipalibing ang asawa niya. Walang pinanghawakan si Abraham kundi ang Salita ng Diyos sa kanya.
Kahit na wala siyang anak, naniwala siya sa pangako ng Diyos na magiging Ama siya ng isang malaking lahi, kasing dami ng mga buhangin sa dalampasigan. Naniwala siya, at siya ay binigyan ng isang anak. Noong lumaki na ang kanyang anak, hiniling ng Diyos na iaalay ito sa kanya. Ito lang ang kaisa-isa niyang anak, wala nang makakasunod pa rito kasi kapwa na silang matanda ng kanyang asawa, pero sumunod siya sa Diyos. Dinala niya si Isaac sa bundok ng Moria at doon handang iaalay siya sa Diyos. Naniniwala si Abraham sa pangako ng Diyos ng malaking lahi kahit hindi niya alam paano ito matutupad na papatayin pa niya ang kaisa-isang anak niya. Si Abraham ay namuhay hindi ayon sa mga bagay na nakikita, ngunit ayon sa Salita ng Diyos. Kaya siya ang itinuturing na Ama ng pananampalataya ng tatlong relihiyon na naniniwala sa iisang Diyos – ang mga Hudyo, ang mga Muslim at ang mga Kristiyano.
Hinihikayat tayo ni Jesus ngayon na manalig din sa kanyang salita na tayo ay mga katiwala na mananagot sa Panginoon na may-ari ng lahat. Tayo ay katiwala lamang. Wala naman talaga tayong hawak na atin. Ang tinatawag natin na pagmamay-ari natin ay sa totoo lang hindi atin. Hindi nga atin ang buhay natin. Hiram lang ito sa Diyos at sa wakas ng panahon magbibigay sulit tayo kung ano ang ginawa natin sa ating buhay. Ganoon din ang panahon. Hindi naman atin ito. Hindi natin ito mapanghahawakan o mapapahaba man. Katiwala tayo ng ating mga kakayahan.
Iba-iba ang talents natin na bigay sa atin ng Diyos. Pati na ang mga kayamanan natin na nasa pangalan natin sa bangko, sa mga titulo, sa mga kontrata. Papeles at numero lang ang hawak natin. Pag namatay tayo, wala naman tayong madadala sa mga ito. Sa bandang huli pananagutin tayo ng Diyos kung ano ang ginawa natin sa mga ito. Sinabi ni Jesus: “Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay.” Kaya kung ano ang mayroon tayo ngayon, iyan ay ating pananagutan. So every gift is a responsibility.
At kailan natin pananagutan? Hindi natin alam. Magbibigay sulit tayo sa Panginoon sa oras na hindi natin inaasahan. Lahat tayo ay haharap sa ating Diyos. Sa buhay natin ngayon, maaari pa natin siyang iwas-iwasan. Maaari pa nating balewalain siya, pero darating ang huling panahon, at iyan ay sigurado, haharap tayo sa kanya. Sana haharap tayo sa kanya nang masaya kasi may ipapakita tayo sa kanya na ikatutuwa niya. Kaya sinabi ni Jesus: “Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siya ng kanyang Panginoon na ginagawa ang ipinagagawa sa kanya.” Kawawa tayo kung datnan tayo na gumagawa nang ikahihiya natin sa harap niya, kung inaabuso natin ang ating mga biyaya at pinababayaan ang ating mga tungkulin. May parusang darating. Makatarungan ang Diyos. Mabait siya kaya binibigyan niya tayo ng lahat ng pagkakataon. Pero makatarungan din siya. Mananagot ang lahat sa harap niya.
Kaya maging handa palagi tayo. Mamuhay tayo ayon sa ating pananalig sa Diyos. Dahil sa ating pananalig sa kanya, maging generous tayo. Kaya sinabi ni Jesus na ipagbili ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha, at mag-impok ng kayamanan sa langit. Kung nasaan ang inyong kayamanan naroon din ang inyong puso. Kung ang kayamanan natin ay nasa lupa, nandito ang puso natin sa lupa. Makalupa tayo at mabubulok tayo dito sa lupa. Ngunit kung ang kayamanan natin ay nasa langit, kung doon tayo namumuhunan, mananabik tayo ng langit. Hindi tayo matatakot na kunin na tayo ni Lord kasi pupunta tayo kay Lord na kilala natin at sinusundan natin.
Ang nagpapaalala sa atin ng kabilang buhay at ng buhay na ginagabayan ng pananampalataya ay ang simbahan, lalo na sa pamamagitan ng mga pari.
Noong August 4 ipinagdiwang natin ang kapistahan ni St. John Baptist Marie Vianney, ang patron ng mga parish priests. Siya ang modelo ng isang Kura Paroko sa kanyang pangangalaga sa Parokya niya sa Ars, Francia, sa loob ng apatnapung taon. Ang pinakamalapit na Linggo sa August 4 ay ang St. John Baptist Marie Vianney Sunday dito sa Pilipinas. Sa araw na ito ipinagdarasal natin ang ating mga kaparian.
Hinihingan natin ng tulong ng panalangin at halimbawa si St. John Baptist Marie Vianney na ang mga pari natin ay maging banal tulad niya sa kanilang paglilingkod. Magkakaroon tayo ng second collection sa misang ito para sa patuloy na paghuhubog ng ating kaparian. Kahit na matagal ang paghubog sa isang lalaki para maging pari, hindi nangangahulugan na ok na siya kasi na-ordinahan na siya. Patuloy ang takbo ng panahon, nagkaka-edad ang pari, nagkakaroon ng bagong hamon sa kanyang paglilingkod, kaya dapat patuloy ang paghuhubog sa kanya. Ito iyong on-going formation. Kasama dito ang mga retreats, ang mga meetings, ang mga seminars at ang mga schoolings na inaalok sa mga pari.
Tulungan natin ang patuloy na paglago nila sa kanilang bokasyon. Tayo rin ang makikinabang kung magiging magaling at banal ang ating mga pari. Sila ang gabay natin sa pananampalataya at sila ang palaging nagpapaalaala sa atin na hindi dapat tayo mamuhay lang ayon sa mga bagay na nakikita. Ituon din natin ang ating attention sa ating inaasahan at sa mga bagay na inaalok sa atin ng Diyos upang maging palagi tayong handa para sa buhay na walang hanggan.
Homily ni Bishop Broderick Pabillo, August 7, 2022, 19th Sunday Cycle C, Wis 18:1-9 Heb 11:1-2.8-19 Lk 12:32-48