Hinimok ni Bishop Ruperto Santos ng Balanga ang mga kandidato para sa nalalapit na eleksyon na patuloy na isama sa mga plataporma at programa ang pangangalaga sa inang kalikasan.
Ayon kay Bishop Santos, dapat na isulong ng sinumang mahahalal na lider ng bayan ang pamumuhunan para sa renewable energy na tiyak na mura, malinis, at ligtas para sa kapaligiran.
“As for our political candidates, make your advocacies to make use of renewable energy. No to nuclear power plant,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang mga presidential candidate na sang-ayon sa pagsusulong ng renewable energy ay sina Ka Leody de Guzman, Vice president Leni Robredo, at Manila City Mayor Isko Moreno.
Suportado naman nina former senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, at Senator Ping Lacson ang nuclear energy.
Matagal nang nananawagan sa pamahalaan ang iba’t ibang makakalikasang grupo laban sa muling pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant dahil sa panganib na maaaring idulot nito sa kalikasan at kalusugan ng tao.
Ang lalawigan ng Bataan ang tahanan ng BNPP na ipinagawa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972 at natapos noong 1984.