HomeCommentaryAng radikal na pag-ibig

Ang radikal na pag-ibig

Bakit tinuturuan tayo ng Panginoon na huwag magpadala sa udyok na gumanti sa kaaway?

Ang ebanghelyo natin ngayon ang siya na yatang pinakamahirap na doktrina ng pananampalatayang Kristiyano: MAHALIN ANG KAAWAY. Ito ang tunay na dahilan kung bakit nasasabi natin na MAS RADIKAL ANG MAGMAHAL. Mahirap kasing totohanin.

Mas madali ang gumanti, ang magnasa na ipalasap sa kaaway ang pagdurusang pinalasap niya sa iyo. Mas madali ang rumesbak, ang mamuhi, ang magpadala sa galit sa ginawa sa iyo ng kaaway. Ang manakit kapag tayo ay nasaktan, ang manghusga kapag tayo ay hinusgahan, ang mang-atraso kapag tayo’y inatraso, ang magtanim ng galit sa puso at magsabing, LINTIK LANG ANG WALANG GANTI, MAY ARAW KA RIN, MAKIKITA MO ANG HINAHANAP MO, GAGAPANG KANG PARANG UOD PAGDATING NG PANAHON. Sinasabi mo pa lang, hindi pa man nangyayari, parang masarap pakinggan, di ba?

Ganyan daw kasi talaga ang galaw ng mundo. Iyan ang tinawag ni Newton na THIRD LAW OF MOTION. Di ba minemorize pa nga natin iyan sa ating General Science sa elementary school? “For every action, there is an equal opposite reaction.” Paano ba sasabihin iyan sa Pilipino? “Ang bawat galaw ay may katumbas na pasalungat na galaw.” Ang opposite reaction ng taong binusabos ay mambusabos, tama? Mali, sabi ni Hesus.



Bakit? Hindi naman tayo materyal lang, tayo’y tao, tayo’y mga sumasakatawang-diwa, tayo’y mga espiritwal na nilalang, may likas na marangal dahil hiningahan tayo ng Maykapal, ayon sa Kasulatan, kalarawan daw tayo ng Diyos na lumikha sa atin.

Bakit tinuturuan tayo ng Panginoon na huwag magpadala sa udyok na gumanti sa kaaway? Dahil bumababa ka sa level niya pag ginawa mo iyon. Imbes na mabago mo siya, nababago ka niya, hanggang pareho na lang kayo. Walang natutuwa sa ganyang paraan kundi si Satanas dahil paraan niya iyan. Ayaw niyang matulad tayo sa Diyos. Gusto niyang matulad tayo sa kadimonyuhan niya. Kapag nang-abuso ka dahil inabuso ka, parang tuluyan mo nang isinusuko ang anumang dangal na natitira sa iyo sa umabuso sa iyo. Nabiktima ka na nga, nadodoble pa ang pagka-biktima mo kapag ginaya mo siya. Iyan naman ang karaniwang pinanggagalingan ng mga “bully” sa mundo, binully din kasi sila. Kaya gawain ng mga bully ang mang-udyok, ang lumaban sa paraan nila, ang tumulad sa kanila.

At dito ina-apply ni Hesus ang traditional GOLDEN RULE. Di ba ginawang kanta iyon na pinasikat ni Rico Puno? “Kung ano ang di mo gusto, huwag gawin sa iba.” O sa simpleng salita, bakit ko gagawin sa kanya ang mismong bagay na ayaw kong gawin nila sa akin, o ang masama na ginawa sa akin? Napansin ba ninyo, hindi naman sinabi ni Hesus “Huwag manghusga at hindi ka huhusgahan.” Ang sabi niya, “Itigil ang panghuhusga at hindi ka huhusgahan.” ITIGIL ITO. “Law of Motion” nga kasi iyan. Pag sinimulan mo, tuloy-tuloy na, nagiging perpetual motion — for every action merong equal opposite reaction, paikot-ikot, paulit-ulit, vicious cycle ang tawag sa Ingles. Ang sinaktan, mananakit. Ang binusabos gaganti. Ang namatayan ay papatay. Ganyan ang prinsipyo ng RIDO sa ilan sa mga tribal culture. Sinimulan mo iyan, e di ituloy natin hanggang magkaubusan na tayo ng lahi!

Kaya hindi kuntento si Hesus sa traditional golden rule. Kaya nga ginawa niyang positive ang formulation ng golden rule: “Do unto others what you want others to do unto you.” Iyun ang mas tamang law of motion — ang kabutihan na ginagantihan ng higit pang kabutihan. Gawin mo sa iba ang gusto mo ring gawin nila sa iyo.

- Newsletter -

Para kay Hesus, masyadong minimal ang negative golden rule. Kaya nga may mga taong ang katwiran ay, “Basta wala akong ginagawang masama, okey na iyon.” Okey iyon, pero hindi pa lubos na okey. Baka wala ka ngang ginagawang masama pero wala rin namang ginagawang mabuti. Wala pang motion doon.

Ano ang gagawin sa mga mamamatay-tao? Sa mga magnanakaw? Sa mga sinungaling? Ano ang ibig sabihin ng “mahalin sila?” Hahayaan na lang sila sa ginagawa nilang hindi tama? Hindi pagmamahal ang tawag doon, kundi pangungunsinti, pagiging enabler. Itigil ang pagpapatuloy ng galaw ng kasamaan hindi sa pamamagitan ng kasamaan, kundi sa pamamagitan ng kabutihan. Kaya nga pati ang penology ngayon o ang prinsipyo tungkol sa imprisonment ay restorative justice.

May isang libro na sumikat noon sa mga peace advocates, ang “Pedagogy of the Oppressed.” Isinulat ng awtor na Brazilian na si Paulo Freire. Ayon sa kanya, ang mga inaapi ay may tendency daw sila na gayahin ang umaapi sa kanya. Ayon sa kanya, walang tunay na paglaya o liberation kapag ang dating alipin ay siya naman ang mang-aalipin bukas. Di ba sinabi rin iyan ni Jose Rizal sa kanyang nobelang El Filibusterismo?

Nagiging lubos lang ang paglaya kung ang ititigil ng pinalaya ay ang mismong gawain ng pang-aalipin. Hindi tayo lalaya kung padadala tayo sa udyok ng galit at hinanakit, katulad ng nangyayari ngayon sa social media. Hindi tayo makapagtatayo ng isang maayos at matatag na lipunan sa pundasyon ng galit at hinanakit.

Sa kasamaang palad hinanakit ang nagiging pundasyon ngayon ng mga tipong nagtatagumpay na mga pulitiko sa pamamagitan ng propaganda nila sa social media. Ang mapaniwala ang tao na walang ibang paraan kundi ang unahan, iligpit, patayin, ang itinuturo niyang sanhi ng lahat ng ating mga problema. Isang paraan na nagpapababa sa ating pagkatao, hindi talaga nagpapalaya.

Tama pa rin naman ang law of motion ni Newton kung ang simula ng galaw ay kabutihan. Ang ganda ng paliwanag dito ni San Pablo sa Romans 12, 20-21: “Kung nagugutom ang kaaway, pakanin mo siya. Kung nauuhaw, painumin mo siya. Sa ganoon, mapapahiya siya sa sarili. Huwag padadaig sa masama. Sa halip, daigin ng mabuti ang masama.”

Ganito ang nangyari noon sa EDSA People Power. Noong tumiwalag sa diktadura ang mga nagrebeldeng militar, nakahandang magpaputok ang mga sundalo sa magkabilang kampo ngunit sumugod din ang mga tao sa kalsada at pumagitna sa kanila. Nagdala sila ng pagkain at inumin, nagrosaryo, nagdasal, kumanta. Bulaklak ang katapat ng armas. Kaya napatigil nila ang pagputok ng mga baril na muntik nang humantong sa isang madugong giyera sibil.

Kapag may ginawang masama ang anak at sinaway siya ng magulang, pag-ibig iyon. Kung minsan ang galit ay pag-ibig din. Pag-ibig sa anyo ng malasakit sa minamahal dahil gusto mo siyang mapabuti kaya galit ka sa ginagawa niyang masama. Napakahalagang prinsipyo ng pag-ibig sa kaaway ang pagsusumikap na papanagutin ang kaaway, na mabigyan siya ng pagkakataong maituwid ang pagkakamali, na mapaunlad ang pagkatao niya, na maturuan siyang magpakumbaba at umamin sa pagkakamali, pagsisihan ito, ang kumpunihin ang kasiraang naidulot.

Ang patawad ay nagmumula sa radikal na pag-ibig ng Diyos na hindi sumusuko. Galit sa kasalanan, ngunit hindi namumuhi sa nagkasala. Mabilis makipagkasundo at magpatawad sa sinumag handang umamin, magsisi at magtuwid ng pagkakamali.

Ito ang paraan ni Hesus na tinawag niyang bagong kautusan. Minsan naiisip ko, paano bang bago ang kautusang ito kung nandoon din naman siya sa Lumang Tipan? Hindi naman bago ang kautusang magmahal sa Diyos at sa kapwa. Dati na iyan. Ang tunay na bago ay ang UMIBIG SA ISA’T ISA, GAYA NG PAG-IBIG NI KRISTO SA ATIN. Pag-ibig na nangangarap ng mabuti hindi lang para sa sarili, kundi para sa kapwa, para sa bayan, para sa lipunan, para sa daigdig. At si Kristo ang huwaran natin dito.

Ito ang tamang Law of Motion ayon kay Hesus, ang tamang Golden Rule — gawin sa kapwa ang ibig mong gawin ng kapwa sa iyo. Di ba ginawang panalangin iyon si Saint Francis para sa mga ibig maging Daan ng Kapayapaan? “Sa pagbibigay, tayo ay nabibigyan. Sa pagpupuno, tayo’y napupunuan, sa pag-aalay ng buhay tayo ay nagkakamit ng walang hanggang buhay.”

Homiliya para sa Ika-pitong Linggo ng Karaniwang Panahon, 20 Pebrero 2022, Lukas 6:27-38

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest