HomeCommentaryHindi simpleng ‘pastime’ ang eleksyon

Hindi simpleng ‘pastime’ ang eleksyon

Ang “ordinary thief” ang namimili ng kanyang bibiktamahin, ngunit ang mga biktima ang mismong namimili sa mga “political thief”

“There… they go!”

Tanda ko pa ang pamilyar na boses ng sumisigaw na announcer bilang hudyat ng pagsisimula ng bawat karera ng mga kabayo na ineere sa telebisyon noong ako ay bata pa. Excited ang lahat na nakaharap sa television set habang pinapanood ang mga naggigitgitang kabayo at mga hineteng panay ang palo sa bandang likod at tagiliran ng matitikas na hayop sa kagustuhang umabante at makaungos sa iba.

Mahirap intindihin ang mga salitang sinasabi ng announcer, pero kapag sumigaw na siya ng “Into the home stretch…” ay hindi na magkakamayaw ang mga mananayang nanonood sa karera. May tahimik lamang na naghihintay sa kung ano ang mangyayari, samantalang ang ilan ay sumisigaw pa sa pag-utos sa mga kabayong bilisan pa ang pagtakbo na akala mo ay naririnig sila ng mga ito.

Matitigil lamang ang eksenang ito sa paglampas sa finish line ng mga kabayo. Sa katahimikan ay may ilan-ilang nakangiting-aso dahil nakatsamba sila sa pagpili ng susugalan, pero ang mas marami ang iiling-iling na lamang sa panghihinayang at nagsisimula nang magplano kung paano makakabawi.



Ito ang ala-alang agad sumagi sa aking isipan sa paggising ko kaninang umaga. Tila narinig kong muli ang pamilyar na “there… they go!”

Ika-8 ng Pebrero nga pala ngayon, ang pagsisimula ng 90-araw na karerang pulitikal — may pandemya man o wala — para sa mga pambansang posisyon tulad ng pagka-presidente, bise president at mga senador.

Mahaba-haba ang partikular na karerang ito. Tiyak na sa bago pa lamang umabot ng araw ng paghuhukom, ang ika-9 ng Mayo, 2022, ay hagok at labas na ang dila ng mga tumatakbo dahil sa pagod at nerbiyos sa kaiisip kung ano ang kanilang kapalarang pampulitikal.  

- Newsletter -

Ang lahat ay nakatanghod din, puno ng pananabik. Hindi tinawag na “national pastime” ng mga Pilipino ang eleksyon nang walang dahilan. Ito ang paborito nating pampalipas-oras kuno. Ngunit, sa totoo lang, hindi lamang oras ang sinasayang ng eleksyon. Di hamak na mas marami pa at hindi matatawaran ang implikasyon ng epekto ng resulta ng bawat ehersisyong elektoral na tulad ng mangyayari tatlong buwan mula ngayon.

Hindi natin nilalahat, pero marami sa mga nagnanasang makaupo sa mga pampublikong posisyon ay hindi banal ang intensyon. Marahil ay hindi na tayo magtatalo sa isyung ito.

Maibahagi ko lamang sa inyo ang napanood kong video sa YouTube kung saan may isang banyagang mangangaral (isang Afrikano, kung hindi ako nagkakamali) na retorikal na nagtatanong nang ganito: “What is the difference between an ordinary thief and a political thief?” Aniya, ano umano ang kaibahan ng isang karaniwang magnanakaw sa isang magnanakaw na pampulitikal.

Siyempre, siya rin ang sumagot ng mismong tanong niya. Aniya, ang “ordinary thief” ang namimili ng kanyang bibiktamahin, ngunit ang mga biktima ang mismong namimili sa mga “political thief” na magnanakaw sa kanila.

Kaya’t kung susundin ang lohika ng nasabing mangangaral, nasa proseso tayo ng pagpili ng sarili nating magnanakaw. May 90 araw tayo upang gawin ito.

Mas mainam pa, ‘ika ng mangangaral na nasa YouTube, ang karaniwang magnanakaw dahil ang kinukuha lamang nito ay mga cellphone, bracelet, relos, kuwintas, at iba pang ari-ariang madali namang mapalitan. Sa kabilang banda, ang mapansamantalang pulitiko ay ninanakawan tayo ng edukasyon, kalusugan, seguridad, at kinabukasan ng kasalukuyan at mga parating pa lamang na henerasyon.

Hawak ang mga nakasinding kandila at parol na kulay rosas, tumayo sa Quezon Avenue sa Quezon City ang ilang mga tao upang ipakita ang suporta sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo sa darating na halalan sa Mayo. (Larawan kuha ni Jire Carreon)

Ang karera ng mga pulitiko ay matutulad sa anumang sugal, halimbawa na ay ang cara y cruz. Ang bawat pagpitik ng dalawang coin pataas sa hangin ay may kasabay na panalangin na sana’y umayon sa kanilang pabor ang bagsak at paggulong ng mga barya.

Sugal talaga, walang kasiguruhan ang kahihinatnan. Ang nakatitiyak lamang ng panalo ay ang bumabangka o mga kapitalista na may-ari mismo ng casino o pasugalan. Ang karamihan ng mga small-time na nagsusugal ay umuuwing luhaan.

Kaya nga dapat nang burahin sa ating kolektibong pag-iisip na ang eleksyon ay isang “national pastime” lamang na kailangang tratuhin bilang laro o simpleng karera ng mga kabayo. Ito’y isang “serious business.” Kung sugal man ito, ito ang tinatawag nating “high-stakes gambling.” Kung matatalo ang sambayanan ay mahihirapan ang bayan na makabawi.

Hindi natin sinasabi na lahat ng mga tumatakbong pulitiko ay magnanakaw. Mahirap naman mag-generalize. Imbes na ang mga ito ang ating sisihin o akusahan at tuligsain, mas mainam siguro akuin na lang ang responsibilidad na tayo ang nagluluklok sa kanila. Ito rin ang kapangyarihan na ibinigay sa mga mamamayan ng Saligang Batas.

Kung padaskol-daskol at walang isip-isip tayong boboto dahil tamad tayong mag-isip, mag-imbestiga at mag-analisa bilang mga botante, alam na this. May kasabihan nga sa salitang Ingles na, “people get the government they deserve.”

Ang kataka-taka naman sa mga adik sa sugal ay mga positive thinker sila. Matapos ang panahon ng paghihinagpis dahil sa natalong kwarta o ari-arian, bumabalik ang kanilang pag-asang makabawi rin.

“Next time, mananalo na ako,” optimistiko nilang sambit. “Mapapasaan ba ‘yan at mababawi ko rin ang mga nawala sa akin.”

Kaya anu’t anuman ang kahihinatnan ng bayan pagkatapos ng ika-9 ng Mayo, makatitiyak na kaunting panahon lamang ang hihintayin ay may karerang pulitikal na namang aabangan.

Nakatitiyak tayo diyan dahil maging pulitiko man o karaniwang mga taga-suporta ay walang kadala-dala, hindi nalalayo sa mga adik sa pagsusugal.

Si Fort Nicolas ay isang mamamahayag at editor na nasa “retirement mode” na pero di pa rin mapipigilan ang kati sa kamay na magsulat.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest