HomeFeaturesPagiging tapat sa sarili at sa iba: Buhay-buhay sa loob at labas...

Pagiging tapat sa sarili at sa iba: Buhay-buhay sa loob at labas ng kamera

Masakit na malaman ang totoo. Mahirap aminin. Kagaya na lang ng pagkakamali nating magtiwala sa mga politiko.

May kanya-kanyang kuwento ang ating buhay, ang ating pamilya. Iba-iba. May maganda. May pangit. May katanggap-tanggap. Mayroon ding hindi. Ang ilan, tanggap nilang may dungis na politikal na pagnanasa ang linya ng kanilang dugo. Samantalang may ilan namang kahiya-hiya na ang ginawa sa bansa pero ang claim nila, hero sila. At ang masaklap dito, may mangilan-ngilang naniniwala.

Oo nga’t may karapatan naman ang kahit na sino na ipagmalaki o ipangalandakan ang nagawa ng kanilang pamilya. Pero hindi naman ibig sabihin nito, babaguhin na natin ang nakasulat sa kasaysayan. O pipiliin lamang natin ang mga gusto nating makita, mabasa at malaman.

At dahil pamilya o tungkol sa pamilya ang pinag-uusapan natin, dalawang palabas ang nais kong ibahagi sa inyo. Una ay ang “Family History.” Filipino movie ito na pinagbibidahan nina Dawn Zulueta at Michael V. Ang ikalawa naman ay ang “The Host.” Isa naman itong South Korean monster film.

Magkaiba ang genre ng dalawang palabas. Magkaiba rin ang lengguwahe. Magkaiba ang setting. Pero bakit nga ba ito ang bibigyan natin ng interpretasyon? Ano-ano nga ba ang nakita ko sa kanila? May koneksiyon ba ito sa buhay natin? O sa nangyayari sa panahon ngayon?

Ang mga tanong na iyan ang susubukan nating hanapan ng kasagutan.

Family History

Hindi ko masasabing bago ang plot ng “Family History.” Kadalasan, lalo na kung Pinoy movie, hindi talaga nawawala ang pangangaliwa o pagloloko. Ang isyu na lang ay kung ang lalaki o babae ba ang nagpaalipin sa tawag ng laman.

- Newsletter -

May kagyat na pagkakatulad ang “Family History” at “A Faraway Land.” Kumbaga, babae ang tumalon sa apoy ng pagloloko. Pero pareho ring pinahalagahan ng karakter na sina Mahjoy (Yen Santos sa A Faraway Land) at May (Dawn Zulueta, Family History) ang kani-kanilang orihinal na pamilya.

Ipinakita sa “Family History” kung gaano kahirap at kasakit ang dulot ng pagloloko. At kung paano ito hinaharap ang sitwasyon ng mag-asawa sa kabila ng pagkakaroon pa ng cancer ni May.

Sa akin kasi, ang isyu dito ay kung gaano ka katapat o honest sa partner mo. Hindi lang naman kasi pag-ibig ang mahalaga sa isang relasyon kundi ang pagiging honest sa isa’t isa lalo na kung ang sinasabi mo ay mahal mo talaga.

Okay, may pinanggagalingan din naman kung bakit nagawang magloko ni May. Nagkukulang na ang asawang si Alex Dela Cruz (Michael V). Nawala ng panahon. Nawalan ng lambing ang pagsasama. Ang suyuan.  

Sa ganitong mga pagkakataon, hindi lamang isa ang kailangang sisihin o ang may pagkukulang. Kundi ang mag-asawa. Kundi ang dalawang taong sangkot o nakapaloob sa naturang relasyon at kung ano mang sitwasyon ang kinahaharap nila.

Sa bawat relasyon—magkasintahan man o mag-asawa—hindi dapat nawawala ang ligawan, ang landian at kulitan. Hindi naman kasi puwedeng dahil mag-asawa na kayo, ititigil n’yo na ang mga ginagawa ninyo nang mga panahong magkasintahan o nagliligawan pa lang kayo. Mas dapat ngang laliman pa ang ganoong samahan nang lumalim din ang inyong relasyon. Nang hindi mawala ang ningas ng pagmamahalan.

Promotional photo from the movie “A Faraway Land” in Netflix

Hindi rin naman natin maipagkakaila na sa bawat relasyon ay may sitwasyon tayong hinaharap bilang isang pamilya. Kung minsan dahil sa dami ng nakaatang sa balikat ng isang lalaki o babae, todo-todo ito kung magtrabaho. At dahil dito, kung minsan ay nababasa ito ng karelasyon na kakulangan sa pag-ibig.

Mali na gawing interpretasyon na nagkukulang ang partner dahil abala ito sa pagtatrabaho.

Oo, hindi talaga naiiwasan ang tampuhan. Maling interpretasyon ng sitwasyon. E papaano pa nga kung pumasok pa sa usapan ang pagkahumaling sa iba lalo na kung naramdaman nu’ng isa na naging pabaya ang partner niya. O ‘ika nga, nagkulang. Pero hindi rin naman ibig sabihing nagkulang ang isa, hahanapin ng isa ang kabuuan niyon sa iba.

Nasa pag-uusap ang solusyon. Nasa pagiging honest. Iyan ang paraan upang maiwasan ang misinterpretation sa relasyon. At kung tunay mang nanlalamig, gumawa ng paraang magningas ulit ang pag-iibigan. Kung busy o abala sa pagtatrabaho, maglaan ng panahong makapag-usap at makapag-bonding. Alam kong mahirap ito sa isang kahig at isang tuka, pero isa siyang pangangailangang hindi dapat na iisantabi.

Tila tanggap na ng mundo ang pagloloko ng lalaki. Pero kapag ang babae ang nangaliwa, malaking usapin. Ito ba ay dahil sa napaka-tipikal na ugaling Pinoy o dahil hindi pa rin natutuldukan ang hindi patas na tingin sa babae at lalaki?

Ang mali ay mali—babae man o lalaki ang gumawa.

The Host

Magagawa nating isugal ang ating buhay para lamang sa kaligtasan ng ating pamilya. At nakita ko ang pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak sa palabas na “The Host.”

Simple lang ang kuwento ng “The Host.” Isang ama na gustong iligtas ang anak sa kamay ng monster.

Nang malaman ni Park Gang-doo (Song Kang-ho) na buhay pa ang anak na si Park Hyun-seo (Go Ah-sung) ay ginawa nito ang lahat ng paraan upang mailigtas ito.

Exciting ang palabas. Mabilis. Maaksiyon. Habulan. Takbuhan. Pagtakas. At sa lahat ng gulong ito, ang pinakasentro ay ang pag-ibig. Pag-ibig sa anak. Sa pamilya.

Kung titingnan natin, may pagkakahawig ang palabas sa nangyayari ngayon sa paligid. Una, ang pagkakaroon ng monster. Puwede nating tukuying “monster” ang kinahaharap nating pandemya. Nilalamon nga naman tayo nito. Maaari rin naman ang ilang mga politiko sa gobyerno na gustong sakmalin ang buhay nating mga Filipino.

Ikalawa, ang pagiging sarado ng isip. Sa palabas na “The Host” ayaw paniwalaan si Park Gang-doo na buhay pa ang anak nito. Kagaya rin ito ng ilang mga kababayan nating ayaw paniwalaan ang mga nangyayari sa lipunan. Ayaw buksan ang isip nang makita ang katotohanan.

Nakalulungkot lang dahil hanggang ngayon, may ilan pa ring naniniwalang mabuting tao ang ilang mga nakaupo sa trono—patay man o buhay pa.

Pangatlo, paninindigan at pagmamahal. Hindi lamang si Park Gang-doo ang may paninidigan at pagmamahal kundi maging tayo na patuloy na ipinaglalaban ang katotohanan. Ipinaglalaban natin ang katotohanan dahil mahal natin ang ating bayan.

Masakit na malaman ang totoo. Mahirap aminin. Kagaya na lang ng pagkakamali nating magtiwala sa mga politikong akala natin ay sila ang tutuldok sa hirap at karahasang tinatamasa ng maraming Filipino. Mahirap malamang sa kabila ng pag-aasam natin ng pagbabago, nagluklok tayo ng mga lider na lalong nagpapasadsad sa atin sa kinahaharap nating kahirapan.

Kaya tama lang na pag-isipan natin ang ating mga pipiliin sa 2022. Pero bago tayo mamili, harapin muna natin ang katotohanan. Hindi tayo puwedeng patuloy na tutunganga at magpapaloko.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Leave a Reply

Make a difference!

We work tirelessly each day to support the mission of the Church by giving voice to the voiceless.
Your donation will add volume to our effort.
Monthly pledge

Latest