HomeFeaturesZombie o kabayo: mamili ka?

Zombie o kabayo: mamili ka?

Sa totoo lang, marami naman talagang tao ang gustong magpabakuna. Pero nasaan ang bakuna?

Magiging zombie after two years.

Iyan ang narinig ko sa ilang mga kaibigan, kamag-anak at kakilala nang tanungin ko kung nagpa-vaccine na ba sila. Akala ko, niloloko lang nila ako. Sa gitna nga naman ng pandemya, kailangan pa rin nating gumawa ng paraan para ngumiti-ngiti at maibsan ang bigat ng dinadala.

“Zombie talaga,” sabi ko pa sabay halakhak. Hindi ko akalaing marami pala talagang kumakalat na usap-usapan o haka-haka sa probinsiya na mamamatay at magiging zombie ang mga nagpa-vaccine. Dahil dito, marami ang niyakap ng takot at nagdadalawang isip na magpabakuna.

Sa panahon ngayon ay napakahalagang magkaroon tayo ng pangontra sa COVID. Hindi man ganoon kaepektibo, mainam pa rin iyong kahit paano ay may proteksiyon tayo sa katawan.

Kaya’t sa ilan na natatakot at nagdadalawang isip na magpabakuna, aralin n’yo ring mabuti ang mga pangyayari. Huwag ding basta-basta maniniwala sa mga nakikita at nababasa ninyo sa social media.

At sa mga kaibigan, kakilala at kamag-anak ko namang umayaw noong una sa vaccine, nakatutuwang malamang nagdesisyon na rin silang magpabakuna kontra COVID.

Zombie Detective

- Newsletter -

Sa haka-hakang magiging zombie raw ako (at ang mga nagpa-vaccine) after two years, naisipan ko tuloy na manood ng mga palabas tungkol sa zombie. Napanood ko na dati pa ang “#Alive” at “Train to Busan.” Pero siyempre, naghanap naman ako ng kakaiba. Iyong tipong may kakaibang ipakikita’t ipadarama sa akin.

Mula sa palabas na Zombie Detective

Nakuha ng “Zombie Detective,” ang aking atensiyon.

Sa mga napanood kong movie tungkol sa zombie, isa ito sa masasabi kong kakaiba. Kakaiba sa napakaraming aspeto. Zombie na gustong maging tao. Tao na asal zombie. Iyan ang naabutan kong mensahe ng palabas. Ang dami-dami mo nga namang masisilip na koneksiyon sa nangyayari sa lipunan at politiko, gayundin sa ugali ng tao.

Ipasisilip sa iyo ng palabas kung gaano kabrutal ang mga tao sa kapuwa niya. Ang walang pakundangang pagpatay. Parang war on drugs lang.  Ang walang kaabog-abog na panloloko. Kung paano mag-isip ang lider ng kulto. Para na ngang kulto ang gobyerno natin ngayon. At kung paanong nagiging gahaman ang tao sa salapi gayundin sa kapangyarihan.

Hindi rin siyempre nawala ang pagsibol ng pag-ibig sa dalawang karakter na sina Kim Moo-Young/Kang Min-ho (Choi Jin-hyuk) na isang zombie at Gong Sun-ji (Park Ju-hyun).

Hindi sumuko si Kim Moo-young na makahanap ng paraan upang maging taong muli. Sa kabila ng kakayahan niya’t kapangyarihan bilang zombie, mas ninanais niyang maging normal. Kaibang-kaiba sa gobyerno na taong naturingan pero nagpapakahalimaw ang puso, isip at ugali.

May pagmumulat ang “Zombie Detective.” Siguro ay hindi iyon ang intensiyon ng manunulat at director pero bilang manonood, mabisa ang paraang ito para kahit na papaano ay magising ang maraming tao sa kabalastugang nangyayari sa lipunan. Na maraming kabaluktutang nangyayari kung imumulat at kikilatisin lang natin ang mga pangyayari.

Kathang-isip pero may bisa at sakmal ng katotohanan ang naturang palabas.

Vaccine at kung paanong kayhirap nitong makuha

April pa lang ay nagpa-register na kami nina hubby para lang makapagpa-vaccine. Mataas ang kaso dito sa lungsod. Gagawa ka talaga ng paraan upang maprotektahan ang sarili’t pamilya. Kaya naman, nang magbukas ang registration para sa vaccine, nagpa-register kaagad kami.

Health workers inoculate patients with COVID-19 vaccines in a sports stadium in San Juan City, in the Philippine capital, on June 15, 2021. (Photo by Basilio Sepe)

Iyon nga lang, mas mabagal pa sa usad ng pagong ang naging paghihintay namin. Kaliwa’t kanang follow-up. Tawag sa barangay. Text at chat sa mga kinauukulan. Pakikipag-usap sa mg kakilala’t kaibigan. Humantong na nga sa puntong magbabayad na kami para lang magka-vaccine. Oras-oras na din akong nakaabang sa announcement sa Facebook ng city government ng Paranaque para sa vaccine. Nagkandahilo-hilo na rin akong hanapin ang pangalan namin sa listahan sa tuwing may post, paalala o pabatid. Pero wala talaga. Hindi ko talaga maapuhap ang mga pangalan namin.

Wala rin kaming natanggap na tawag mula sa barangay o LGU. Maano ba namang sabihin kung mabibigyan kami o hindi ng schedule. O kahit na simpleng salitang “hintay-hintay lang.” Pero wala talaga. Hindi nag-abala ang mga pinagkatiwalaan natin ng boto na mag-message man lang. Out of coverage din ang mga ibinigay na contact number.

Iyon namang sa private, napurnada rin. Sa madaling sabi, apat na buwan kaming naghintay para lang makapagpaturok. Apat na buwang nakatunganga’t hindi malaman kung susuwertehing magka-vaccine.

Hahaba pa sana ang paghihintay namin, mabuti na lang at may kaibigang nagbigay ng slot.

Paulit-ulit na sinasabi ng gobyernong magpabakuna para protektado. Sa totoo lang, marami naman talagang tao ang gustong magpabakuna. Pero nasaan ang bakuna? Bakit ang dami naming inabot ng apat hanggang limang buwan mabakunahan lang? Iyong iba nga, tila nakasulat pa sa tubig ang schedule. Walang kasiguraduhan ang paghihintay. Parang gaguhan lang.

People wearing protective masks as precaution against the spread of the coronavirus disease queue to receive a shot of the COVID-19 vaccine at the University of Santo Tomas in Manila, Philippines, on July 27, 2021. (Photo by Basilio Sepe)

Hintay sa wala. Nakaiirita. Nakauubos ng pasensiya.

Tapos may ilang liderato pa na dahil napabakunahan ang mga nasasakupan niya, kay tikas ng tindig at asta. Na para bang utang na loob pa namin na napabakunahan kami. Siyempre, natural lang na mag-effort kayo. Ibinoto kayo para gumalaw. Para unahin ang pinagsisilbihan. Unahin ang kapakanan ng nakararami. Madalas puro papogi lang ang peg. Buti sana kung pogi.

Hindi na maawat ang pagtaas ng bilang nang tinatamaan ng COVID. Karamihan sa vaccination site, walang patid sa haba ang pila. Parang sirang plaka lang din ang pagpapatupad ng MECQ, ECQ, GCQ at kung ano-ano pa. Aksiyon ang kailangan. Hindi salita.

Naiintindihan ko kung bakit natatakot maging zombie ang ilan. Ang problema lang, sa sobrang takot gamot pampurga sa kabayo naman ang tinitira. Hindi ko tuloy malaman kung maganda bang maging kabayo kaysa sa zombie.

Batay sa napanood kong “Zombie Detective” mas mabuti yatang maging zombie kaysa sa maging kabayo. May BB cream naman.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Leave a Reply

Make a difference!

We work tirelessly each day to support the mission of the Church by giving voice to the voiceless.
Your donation will add volume to our effort.
Monthly pledge

Latest