Tiniyak ng organisasyong Aid to the Church in Need Philippines ang pakikiisa sa mga nasalanta ng super typhoon “Rolly” sa Bicol region at mga karatig na lalawigan.
Ayon kay Jonathan Luciano, ACN Philippines national director, handa ang organisasyon na tumulong sa pagbangon ng mga nasalanta ng bagyo, partikular na sa pagsasaayos ng mga nasirang simbahan.
Sinabi ni Luciano na katuwang ng benefactors at mission partners ng ACN Philippines sa buong mundo ay makakaasa ang mga nasalanta ng bagyong “Rolly” sa Bicol ng tulong at suporta.
Ayon kay Luciano, nakikipag-ugnayan na ang ACN Philippines kay Bishop Joel Baylon ng Legazpi at sa Social Action Center ng diyosesis kaugnay sa pagpapaabot ng tulong para sa pagpapaayos ng mga nasirang simbahan at seminaryo.
“I am just waiting for communication from their social action director,” dagdag ni Luciano.
Matatandaang isa ang pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need sa mga kagyat na nagpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng super typhoon Yolanda sa Eastern Visayas noong 2013.
Mula sa ulat ng Veritas 846