HomeCommentaryPolitika sa likod ng K-Drama: Mayroon nga ba?

Politika sa likod ng K-Drama: Mayroon nga ba?

Kung hindi mo alam ang salitang “CLOY,” hindi ka updated sa K-Drama.

Kagaya ng Pinoy teleserye, kinahumalingan din ng maraming Filipino ang K-Drama. Lalo itong minahal at tinangkilik nang pag-usapan sa social media ang CLOY o Crash Landing On You.

Iba’t ibang personalidad o kilalang tao ang nagbigay ng komento tungkol sa CLOY. Ilan sa natatandaan kong nagsulat nito ay mga batikang manunulat na sina Alfred “Krip” Yuson, Jose “Butch” Dalisay at Prof. Roland Tolentino.




At ngayon nga, naglabas ng memorandum ang University of the Philippines, Diliman na sa darating na semester ay mag-o-offer sila ng Korean Drama bilang elective class.

May requirements para sa mga gustong kumuha ng K-Drama elective class. Una na rito, kailangang mayroong stable internet connection, Netflix subscription o iba pang paraan para ma-acces ang K-drama series gaya ng Chicago Typewriter at Misaeng.

Kailangan ding may access ang mga ito sa video conferencing applications gaya ng Google Meet, Messenger, Viber o Zoom.

Nilamon ng sistema

- Newsletter -

Sa kasagsagan ng Crash Landing On You, hindi rin naman ako nagpahuli. Halos sumabay pa nga ito sa pagpasok ng coronavirus sa bansa. Dahilan kaya’t naisama sa pang-araw-araw na gawain ng maraming Filipino.

Nakaaaliw nga rin naman ang manood ng K-Drama. Nakawawala ng stress. Nailalayo, kahit panandalian lang, ang mga manonood sa mga nagpatong-patong na problemang kinahaharap ng ating bansa sa ngayon, kabilang na ang pandemya.

Tatlong gabi kong pinanood ang CLOY. Inaabot na ako ng alas-dos hanggang alas-kuwatro nang umaga sa kapapanood. Mabuti na lang at nang mga panahong iyon, work-from-home ako.

Ang mga artistang si Son Ye-jin at Hyun Bin sa sikat na Korean drama series sa telebisyon na ‘Crash Landing on You’.

Disyembre 2019 lang naman akong nahilig sa K-Drama. Noong una, paminsan-minsan lang ako kung manood. Kumbaga, kung tapos na akong magsulat, magluto, maglaba at magbasa, puwede na akong humilata sa kama sabay nood ng K-Drama kasama si Likha, ang limang taong gulang kong anak. At ang madalas pa ngang komento ng anak ko,  ang weird daw ng pinapanood ko. Hindi niya maintindihan.

Pero nang magsimula nang pumasok sa bansa ang Covid-19, dala na rin ng stress, nakahumalingan ko ang manood. May mga gabing halos ayaw kong pumikit matapos lang ang ilang episode.

Mula Marso hanggang ngayon, marami-rami na rin akong napanood na K-Drama. Bukod sa CLOY, ilan pa sa mga pinagpuyatan ko’t kinaaliwan ay ang It’s Okay Not To Be Okay, Doctor Stranger, Pinocchio, While You Were Sleeping, Extraordinary You, My Secret Romance, I hear Your Voice, Clean With Passion For Now, Touch Your Heart, Her Private Life, The Secret Life Of My Secretary, What’s Wrong With Secretary Kim, Beauty Inside at Was It Love.

Kasama naman sa listahan ng mga susunod kong panonoorin ang Chicago Typewriter at Misaeng.

Sabihin mang hindi marunong mag-Korean ang ilan sa mga nanonood, kagaya ko na lang, ang basehan upang maintindihan ang episode bukod sa English subtitle ay ang galaw ng katawan at reaksiyon ng mukha.

Sa kapapanood ko ng K-Drama, may mga ilang salita na rin akong natututunan gaya ng Annyeonghaseyo (Hello), Gamsahabnida (Thank you), Wae (Why), Saranghae (I love you), Gwen-cha-na? (Are you okey?) at Joesonghabnida (Sorry).

Siyempre, hindi rin mawawala ang “oppa”.

Kapag nanonood ako ng K-Drama, sabihin mang iilang salita lang ang naiintindihan, nilalakasan ko pa rin ang volume nito. Kadalasan, sinisita ako ng hubby ko dahil sobrang lakas at hindi ko naman daw naiintindihan.

Mas ramdam mo ang emosyon kung naririnig ang salita nito kahit pa ito’y salitang banyaga, iyan ang dahilan ko. 

Bisa sa manonood

Hindi na bago sa akin ang kuwento tungkol sa face blindness. May napanood akong K-Drama tungkol dito—ang “The Secret Life of My Secretary”. Ang main character nito na si Do Min Ik (Kim Young Kwang) ay isang CEO na may facial recognition disability. Itinatago niya ang disability niyang iyon dahil sa takot na makaaapekto sa posisyon niya bilang CEO.

Ipinakita rito ang nararamdaman ng isang taong may ganitong klaseng sakit. Iyong hindi mo makilala ang taong nakakausap mo, nakakasalubong at mga nakakatrabaho.

Pati nga pamilya at mahal mo, hindi namumukhaan.

The Secret Life of My Secretary

Sa pagkahilig ko sa K-Drama, naikokonekta ko ang bawat episodes sa nangyayari sa lipunan. Kagaya na lang ng face blindness na parang metaphor sa kalagayan ngayon ng bansa: politikong hindi na kinikilala ang kanilang constituents at mga Filipinong hindi na maaninag ang kanilang mga sarili o ang dinaranas ng lipunan dahil bulag na sa katotohanan.

Mga nakaupo sa trono na tila ba mas nanaisin pang kilalanin ang ibang bansa kaysa sa atin.

Kumbaga, may mga bagay na itinatago ang mga nakatataas upang maisalba ang kani-kanilang sarili. Minsan ay hindi na nila naiisip kong makabubuti ba iyon sa mga nagtitiwala sa kanila. May ginagawa rin silang paraan upang mapagtakpan ang kanilang kakulangan o disability. Kagaya ni Do Min Ik na naging mata niya ang kanyang sekretaryang si Jung Gal Hee (Jin Ki Joo).

Hindi ko maialis sa aking isipan na tila nagkakaroon na rin tayo ng face blindness. Hindi na natin makilala ang Filipinas at maging ang ating mga sarili. Hanggang ngayon, may ilan pa rin na hindi mo alam kung talaga bang bulag o nagbubulag-bulagan lang sa mga nangyayari.

O baka naman, nagbubulag-bulagan na lang din kasi kailangan o nangangailangan. O dahil hindi matanggap ang mga nakikita.

Sa aking experience, mabisa ang likhang sining upang maimulat ang tutulog-tulog na diwa ng maraming Filipino.

Pero hindi lamang din dapat K-Drama ang tangkilikin natin. Marami ring mga Pinoy drama na magpapamulat sa atin sa tunay na kalagayan ng bansa. Halimbawa na nga lang nang panoorin ko ang “Kung Paano Siya Nawala” na ginampanan nina JM De Guzman (Lio) at Rhian Ramos (Shana).

Face blindness din ang naging kuwento ng “Kung Paano Siya Nawala”. Tila iisa ang pinaghugutan. Puwede ring naging inspirasyon ng isa ang isa. Pero K-Drama man iyan, Filipino, Japanese o Chinese drama, iisa lang ang masasabi ko: na may pagkakapareho ang pinagdaraanan ng bawat isa sa atin.

Ang kaibahan lang ng dalawang palabas ay mayroong happy ending ang “The Secret Life of My Secretary” samantalang ang “Kung Paano Siya Nawala” sa title pa nga lang, talagang hindi nagkatuluyan ang mga karakter.

Naisip ko tuloy, parang mga politiko lang ang “Kung Paano Siya Nawala”. Kumbaga, matapos nating iboto at pagkatiwalaan, iniiwan tayo sa ere. Iyong pangako, napako na lang. Iyong pag-asang pinalasap sa atin, lokohan lang pala.

Kagaya ng “The Secret Life of My Secretary” na may happy ending o feel-good story, umaasa rin tayo na sana ay kumilos ang gobyerno para magkaroon ng mala-Cinderella na buhay ang bawat Filipino. Na matigil na ang paglala ng coronavirus at maagapan ang nagnanaknak na kondisyon ng bansa.

May mga pangyayari na puwede nating pikitan, pero mayroon din namang kailangan nating titigan, pag-aralan, solusyunan.

Sa pagtangkilik sa kahit na anong palabas: Filipino teleserye man iyan o K-Drama, hindi lang naman pag-i-enjoy o ang pakiramdam na masaya tayo ang hinahabol natin, may pinasisilip din itong liwanag sa tumatalukbong na dilim sa ating bansa. At kung paano natin titingnan ng mas malalim at may koneksiyon sa pinagdaraanan ang mga likhang sining na ating kinahuhumalingan.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Leave a Reply

Make a difference!

We work tirelessly each day to support the mission of the Church by giving voice to the voiceless.
Your donation will add volume to our effort.
Monthly pledge

Latest