HomeCommentary#ChallengeAccepted: Black-and-White photo bilang mensaheng politikal

#ChallengeAccepted: Black-and-White photo bilang mensaheng politikal

Hulyo 16 nang lumabas ng kanyang tinitirhan ang 27-year-old na si Pinar Gültekin, isang Turkish. Bandang 3pm ay kausap niya ang kapatid na si Sibel at sinabi ang plano para mag-shopping.

Matapos iyon, hindi na na-contact pa si Pinar. Kaya’t nagtungong Muğla sina Sibel at ang inang si Şefika Gültekin para i-report na nawawala ang kapatid.

Lumipas ang mga oras at araw, wala pa ring nakaaalam sa kinaroroonan ni Pinar. Nagdesisyon ang awtoridad na i-check ang CCTV na nakunan sa loob ng shopping center na pinuntahan ni Pinar. Kaagad nilang nakilala si Pinar. May kasama itong lalaki.

Kinilala ang lalaking kasama ni Pinar na si Cemal Metin Avci. Nagmaangmaangan pa ang lalaki nang kausapin ng mga pulis. Sinabi nitong nagkita lang sila ni Pinar ng araw na iyon. Pero nang ipapanood kay Cemal ang CCTV footage, inamin din nitong pinatay nito si Pinar. Itinuro din ng lalaki kung saan niya itinago ang katawan ng babae.




Natagpuan ang sunog na katawan ni Pinar na nakalagay sa drum ng langis. Brutal ang pagkakapatay sa dalaga.

Ang pangyayaring ito ang isa sa sinasabing dahilan kung bakit nauso ang pagpo-post ng black-and-white photo.  Naging gawain na rin kasi ng mga diyaryo sa Turkey na gumamit ng black & white photo ng mga babaeng biktima ng karahasan. At ang black-and-white photo challenge ay paraan upang maipabatid ang femicide sa Turkey.

Ang femicide o feminicide ay isang sex-based hate crime. Ang depinisyon nito ay ang kagustuhang patayin ang babae (woman or girl) dahil sa pagiging babae nito.

- Newsletter -

Trending sa Social Media

Kung minsan, dahil uso, nakikisali tayo. Kagaya na lang ng black-and-white photo challenge na naging trending sa social media.

Ang basic premise ng challenge na ito ay makatatanggap ng private message at hihilingin nitong mag-post ka ng black and white photo na ang nakalagay na caption ay challenge accepted. Kailangan mo ring i-tag ang babaeng nag-challenge sa iyo. Dapat ding ipadala mo sa iba pang mga kakilala mong babae ang naturang mensahe. Mayroon din itong hashtag na #ChallengeAccepted at #WomenSupportingWomen.

May ilan na nakikigaya lang at nagpo-post din ng kanilang black-and-white photo nang hindi nalalaman ang dahilan at pinagmulan. Pero hindi pauso lang ang ganitong challenge.

Umabot na sa mahigit na 4.5 million posts ang hashtag.

Taong 2016 pa nang mauso ang #ChallengeAccepted na pinaniniwalaang nagsimula upang magkaroon ang mga kababaihan ng kamalayan sa sakit na cancer.

“Nakakagalit. Nakakadiri. Nakapangingilabot. Kahiya-hiyang pangulo. Parang walang ina, asawa, lola, o kapatid na babaeng isinasa-isip bago bumitaw ng kabastusan. At kasing halay ang mga tumatawa, sumususog, at kumukunsinting mga enabler niya,” wika ni artist-activist Mae Paner. (Photo supplied)

Karahasan at Kababaihan

Kapag sinabi o pinag-usapan natin ang karahasan, karugtong kaagad niyan ang kababaihan. Walang pinipiling lugar ang karahasan. Puwede natin itong maranasan sa bahay, sa opisina, sa mall, sa pampublikong sasakyan, gayundin sa social media.

Ang karahasan ay ang paggamit ng puwersang pisikal, emosyonal o psychological upang makapinsala o makapang-abuso na kalaunan ay humahantong sa kamatayan.

Hindi pa rin talaga tuluyang nawawala sa ugali ng ilang Filipino ang mababang pagtingin sa mga kababaihan. Hindi lamang din sa Turkey nangyayari ang femicide o feminicide. Dito sa bansa, kaliwa’t kanan ang napababalitang binubugbog at pinapatay minsan pa nga ng kanilang mga babaeng kapamilya. Sa opisina naman o trabaho, hindi rin maiiwasan ang harassment at sexual abuse.

Ayon sa World Health Organization, isa sa tatlong kababaihan sa buong mundo ang naaabuso o nakararanas ng karahasan, kabilang na rito ang pambubugbog ng kanilang mga partner o asawa.

Sa Filipinas, isa sa 20 kababaihan, edad 15-49, ang nakararanas ng sexual violence, ayon sa isang pagsusuri ng 2017 National Demographic and Health Survey.

Isa sa mga nakababahalang ugali ng Dueterte administration ang pagiging misogynist o ang pagpapakita ng pagkamuhi sa isang tao dahil babae ito. Ipinakikita ito mismo ni Duterte sa pamamagitan ng kanyang sex jokes, pagtrato sa mga kababaihan. Pawang mga kababaihan o babae rin ang pinipili nitong maging kaaway.

“Nakakagalit. Nakakadiri. Nakapangingilabot. Kahiya-hiyang pangulo. Parang walang ina, asawa, lola, o kapatid na babaeng isinasa-isip bago bumitaw ng kabastusan. At kasing halay ang mga tumatawa, sumususog, at kumukunsinting mga enabler niya,” wika sa akin ni artist-activist Mae Paner.  

Oo, dapat lang na mabahala tayo sa femicide, ayon pa kay Paner. “Maraming naunang lumaban at nagbuwis ng buhay na mga babae at lalaki para itaas ang antas ng kababaihan sa lipunan pero salamat sa asal ng mismong pangulo niyuyurakan ang mga tagumpay na ito,” dagdag pa nito.

“Dapat na ituro ang karapatan ng mga kababaihan sa LAHAT. Sinsinin ang mga batas at siguruhing ito ay susundin ng lahat,” ayon sa artistang si Mae Paner. (Photo supplied)

Teknolohiya bilang kamalayan

Marami naman talagang napababalitang hindi patas na pagtrato sa mga kababaihan—sa trabaho man iyan o sa tahanan.

At ayon kay Paner, ang kamalayang may respeto at pagkilala sa ganda, lakas at kakakayahan ng kababaihan ay dapat isabuhay sa pansarili at sa kabuuan sa ating lipunan. Hindi lang ito pinag-aaralan, bagkus ipinaglalaban din. At sa nagkakaisang pagkilos mas naiilawan ang kahalagahan nito.

Kaagapay na ng bawat isa sa atin ang teknolohiya, partikular na rito ang social media. At mayroon din itong malaking papel na ginagampanan upang malabanan ang pagtingin o pagtrato sa mga kababaihan ng hindi patas.

Sa madaling salita, puwedeng-puwede nating gamitin ang teknolohiya upang mabuksan ang kaalaman ng mga kababaihan, lalong-lalo na ang babaeng teenager kung anong karapatan ang mayroon sila, higit sa lahat ay kung paano nila poprotektahan ang kani-kanilang sarili laban sa karahasan at makamundong pagnanasa.

“Madali at accessible sa halos lahat ang teknolohiya thru communication gadgets at social media. Ang mga malikhaing sining at diskurso na hindi nagmumula sa galit, bagkus sa pagmamahal at mapag-arugang kakanyahan ng mga babae ay higit na epektibo sa tingin ko.”

“To live and be what we preach ay mahalaga. Ang tahanan at eskuwelahan ay dapat na maging safe and sacred spaces para sa mga kabataang babae. Kilalanin ang katawan. Huwag matakot o mahiya sa pagdiskubre dito. Dapat na ituro ang karapatan ng mga kababaihan sa LAHAT. Sinsinin ang mga batas at siguruhing ito ay susundin ng lahat,” pagtatapos pa ni Paner.

Lagi na lang na kinakawawa ang mga kababaihan. Lagi na lang sinasabing mahina. Lagi na lang ipinagwawalang bahala at tinatratong basura. Panahon na para tumayo tayo. Panahon na para magkaisa tayo. Ipaglaban natin ang ating pagiging babae. Ipaglaban natin ang ating karapatan.

Huwag na nating hintayin pang sa atin mismo o sa kakilala at kamag-anak natin mangyari ang pagmamaltrato o pang-aabuso. Sama-sama tayong kumilos. Protektahan natin ang isa’t isa. Protektahan at suportahan natin ang mga kagaya nating babae.

#BabaeAko #FemaleEmpowerment #WomenSupportingWomen #BosesNgKababaihan

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest