Nagpahayag ng suporta at pakikiisa ang Archdiocese of Manila sa panawagan ng mga medical frontliner na muling magpatupad ng Enhanced Community Quarantine sa loob ng dalawang linggo upang magkaroon ng pagkakataon na makapagpahinga mula sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Bilang tugon sa panawagan ng mga medical frontliner, ipinag-utos ni Bishop Broderick Pabillo ng Archdiocese of Manila ang muling pagsunod ng lahat ng mga Simbahan at Dambana sa arkidiyosesis sa mga panuntunan sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon sa Obispo, sa loob ng dalawang linggo mula ika-3 hanggang ika-14 ng Agosto ay pansamantalang muling ititinigil ang pagsasagawa ng mga pampublikong Banal na Misa at iba pang religious activities sa mga Simbahan sa arkidiyosesis.
Maari namang mapapanood at maririnig ang religious activities sa pamamagitan ng live streaming at online Masses.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, gagamitin din itong pagkakataon ng arkidiyosesis upang suriin ang naging pagtugon ng Simbahan sa krisis na dulot ng COVID-19 at kung papaano ito higit na paiigtingin upang makapagpaabot ng tulong sa lahat ng mga naapektuhan ng pandemya.
Ipinaliwanag ng obispo na nauunawaan ng Simbahan ang dahilan ng mga medical frontliner sa pananawagan ng muling pagpapatupad ng ECQ partikular na sa Greater Manila Area hindi lamang upang magkaroon ng pagkakataon na makapagpahinga na lubos nilang kinakailangan kundi upang masuri din ang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay maaring senyales na hindi epektibo ang paraan ng pagtugon sa nakahahawa at nakamamatay na sakit bagamat mahigit apat na buwan at kalahati nang nagpapatupad ng community quarantine ang pamahalaan.
Mula sa ulat ng Radio Veritas 846