HomeFeaturesTeleserye at ang lipunan: Naging mapusok nga ba ang ABS-CBN sa mga...

Teleserye at ang lipunan: Naging mapusok nga ba ang ABS-CBN sa mga politiko?

Hindi na mabilang ang mga teleseryeng nag-iwan ng marka sa damdamin ng maraming Filipino. Inabangan ang mga ito. Tinilian. Minahal ang bawat karakter. May mga pagkakataon ding sa sobrang tunay ang pagganap ng kontrabida, ikinagalit ito ng mga manonood.

Tuwang-tuwa nga naman kasi ang maraming Filipino sa kung paano bibigyan ng hustisya ang karakter na ginagampanan ng mga paboritong artista. Si Coco Martin bilang Cardo Dalisay. Si Angel Locsin bilang 2Lt. Rhian Bonifacio. Richard Yap bilang Sir Chief.

At kung kontrabida lang naman ang pag-uusapan, hindi magpapahuli sina Jean Garcia at Angelica Panganiban bilang Madam Claudia.

Ang daming magagaling na artista na kapag binigyan ng role bilang kontrabida, talagang madadala ka at manggigigil sa kanila. Sa inis at galit na nadarama, minsan ay hindi na maihiwalay ang pagganap nito bilang kontrabida sa totoong buhay.




Mundo ng bida at kontrabida

Naalala ko tuloy ang Mara Clara na ginampanan noon nina Judy Ann Santos at Gladys Reyes. Sa galing ng pag-arte ni Gladys Reyes bilang kontrabida, binato pa nga yata siya ng kamatis ng isang lola nang makita siya sa daan.

Kinamuhian naman si Selina Matias (Princess Punzalan) sa Mula sa Puso. Hindi maka-move on ang tao kaya’t kapag nakikita siya sa mall, pinagsasalitaan siya ng hindi maganda.

- Newsletter -

Siyempre, sino naman ang makakalimot kina Amor Powers (Jodi Sta. Maria) at Eduardo Buenavista (Ian Veneracion) sa Pangako Sa ‘Yo. Napakataas ng level ng pag-arte ang ipinakita ng mga ito.

Ilan pa sa mga teleseryeng nagbigay ng kakaibang gilas ay ang Halik, Kadenang Ginto at Ang Probinsiyano ng ABS-CBN.

Gabi na ipinalalabas ang Halik kaya’t marami ang nakasusubaybay rito. Samantalang ang Kadenang Ginto naman, hapon pa lang ay pinakukulo na ang dugo mo ng mga karakter na sina Marga (Andrea Brillantes) at Daniela (Dimples Romana).

Nagkataon pang sa mga oras na iyon, nasa newsroom ako. Marami kaming mga editor at kapwa mamamahayag na inaabangan ang naturang palabas. Kaya’t bago pa lamang ito umarangkada, nagmamadali na kaming mahabol ang kanya-kanyang deadline. Sa pagtuntong nga ng takdang oras, ang maingay na newsroom ay nagiging mistulang pipi sa katahimikan. Lahat kami, nakatutok na sa telebisyon habang hawak-hawak sa kanang kamay ang tasang umuusok pa sa 3-in-1 na kape.

Larawan mula sa @therealangellocsin IG

Pagkatok ng mga karakter sa ating buhay

Ako at ang mga kasamahan ko ring editor ay napasisigaw sa mga eksenang aming nasasaksihan. Hindi rin napipigil ang pagsasalitan ng iba’t ibang emosyong naaabutan sa naturang palabas. Nariyan ang kilig. Nariyan ang galit sa mga kontrabida na lagi’t laging hindi nauubos o natatapos ang kasamaan.

Ang Probinsiyano ay isa sa minahal ng masang Filipino. Binulatlat nito ang posibleng itinatagong baho ng mga may mataas na posisyon. Binigyan din tayo nito ng pagkakataong mag-isip kung nakabatay nga ba sa totoong buhay ang bawat eksena.

Ang kagandahan pa ng Ang Probinsiyano ay marami itong natulungang artista, silang bituing nawalan na ng kinang at inulila na ng kamera.

Ngunit hindi lamang sa mga artista nagkaroon ng impact ang nasabing teleserye. Nitong buwan nga lang ay nag-viral ang isang tatay na minartilyo ang kanilang telebisyon dahil nagsara na ang ABS-CBN at ang paboritong Ang Probinsyano.

Hindi na niya mapanonood pa si Cardo.

Naging mainit ang Ang Probinsiyano lalo’t tila naging lente ito ng madla upang makita ang mga hindi kanais-nais na gawain ng nasa katungkulan. Gayundin naman, naipakita rin sa karakter ni Cardo na mayroon pa ring mabubuting pulis na nagseserbisyo sa taumbayan.

Marami ang sumang-ayon sa pagpapasara ng ABS-CBN, hindi umano “balanse” ang pagsasabuhay ng mga karakter sa teleserye o pelikula. Ang mayaman o makapangyarihan ay laging masama, mapang-api. Sa kabilang banda naman, ang mahihirap ay laging bida.

May katotohanan nga ba ang paratang na ito? Hindi nga ba naging patas ang likhang sining sa pagsalamin sa lipunan?

Actress Jean Garcia (File photo by Jimmy Domingo)

Teleserye at realidad

Tinanong ko ang dating Dean ng Mass Communications ng Unibersidad ng Pilipinas na si Prof. Rolando Tolentino tungkol sa paratang na iyon. Si Mr. Tolentino ay isang batikan at premyadong manunulat at kasapi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino. Ang sabi niya:

“May justifiable basis naman kung bakit ang representasyon ng politiko ay masama o negatibo kapag tinitignan ang pang-araw-araw na balita (lalo na sa edad ng social media) o ang kasaysayan—na talagang said ang good governance at labis ang korapsyon sa pera at kapangyarihan ng mga politiko, lalo na nga ang mga politikong namumulitika sa pagsabi at paggamit sa ganitong mga negatibong representasyon para magpasara ng ABS-CBN (kung ganito, bakit itong istasyon lang at di lahat na merong negatibong representasyon?). Sa bansang ito, ang pagpipilian lang na politiko ay ang mga trapo o ang manakanakang Mayor Vico o Marcy na umaangat dahil ginagawa lang nila ang kanilang trabahong maglingkod sa mamamayan.”

Nahingan ko rin ng opinyon ang awtor na si Noreen Capili. Isa siya sa dating scriptwriters ng Ang Probinsiyano. Siya rin ang nagsulat ng Through Night and Day na trending ngayon sa Netflix.

Ayon kay Capili: “Ang panitikan at sining, lagi namang sumasalamin sa lipunan. Kahit noong unang panahon pa. Si Jose Rizal, may character na Padre Damaso na ginawa, pero may Padre Florentino din na mabuti at may konsensya. May mga masasamang opisyal sa Noli Me Tangere, meron din namang mabubuti at mababait. Ganoon din sa teleserye. May mga tauhan na masasama – hindi lang politiko. Masamang abogado, masamang doctor, kahit masamang magulang na nang-aapi ng anak, may mapapanood ka. Pero hindi ibig sabihin noon na yun na ang nagrirepresent sa lahat ng doctor o abogado o magulang. Hindi puwedeng lahat na lang ng character ay mababait at may mabuting loob. Kailangan mapakita din ang realidad na gaya sa totoong buhay, may mga masasama din. Yin and Yang. Black and White. Good and evil. Because one can’t exist without the other.”

Bawat likhang sining ay mayroong pinaghuhugutan sa tunay na buhay. Oo nga’t marami sa atin ang malikot ang isipan at imahinasyon, gayunpaman, may hugot ang bawat paghulma ng karakter at eksena sa mga nangyayari sa lipunan.

Naging kaagapay na ng buhay ng maraming Filipino ang teleserye. Sa katunayan, naging salamin na rin ito ng ating mga adhikain. Sa pagpapasara ng ABS-CBN, unti-unti na tayong pinagkakaitan ng karapatang ikuwento ang ating mga pinagdaraanan.

At dahil dito, unti-unti na ring pinipiringan at binubusalan tayong mga Filipino.

Gayunpaman, sa pagpapasara ng ABS-CBN, nagsimula na ang pangangalampag. Nagsimula na rin ang pagkakaroon ng kulay ng pakikibaka. Kagaya ng mga bida ng teleseryeng na sa una’y inapi at kinawawa, nagsimula na rin tayong tumayo at lumaban.


Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest