Mapanganib maging sa mga pari ang Anti-Terrorism Law.
Ito ang tinuran ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Maynila, sa panayam sa Veritas 846 nitong Huwebes, Hulyo 9.
Ayon sa obispo, karaniwan na sa mga pari ang tumulong sa mga dukha at sa mga taong pinagkakaitan ng karapatan at biktima ng mga pang-aabuso.
“Ang problema natin sa mga pari, lalong lalo na sa mga probinsya, kasi sila ang puntahan ng mga tao, katutubo, sila ang tumutulong sa mga tao kapag walang pagkain,” ayon kay Bishop Pabillo.
“Paano kung natulungan nila ang isang pamilya, tapos sasabihin ng military na sila ay terorista, so pati si Father ngayon ay sangkot na,” aniya.
“Kaya nga maraming mga pari at madre sa probinsya natin ay nagkakaroon ng ‘red tagging.’ Hindi naman sa sila ay kumikilos sa bundok kundi sila ay tumutulong sa mga tao nangangailangan at dahil diyan sila ay na-red-tag,” dagdag ni Bishop Pabillo.
“So, yan po ang problema,” aniya.
Sinabi ng obispo na may mga programa na rin ang Simbahan, tulad ng “sanctuary” o pagbibigay ng proteksyon sa mga taong naapi at mga testigo na maari ring gamiting paratang sa pagkakanlong ng mga pinaghihinalaang terorista o lumalaban sa gobyerno.
Kabilang si Bishop Pabillo sa mga opisyal ng Simbahan na hayagang tutol sa pagsasabatas ng “anti-terrorism bill.”
Bukod sa obispo, ilan pang mga opisyal ng Simbahan at mga institusyon ang nagpahayag ng pagtutol sa pagsasabatas ng panukala.
Kabilang sa mga tumutol ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines, Philippine Misereor Partnership Inc., Caritas-Philippines, at Catholic Educational Association of the Philippines.
Naniniwala ang mga grupo na walang sapat na “safety measures” ang batas para pangalagaan ang mga inosenteng mamamayan na maaaring mapaghinalaang mga terorista o kaanib ng mga makakaliwang grupo.
Binigyan diin ng mga lider ng Simbahan na hindi rin napapanahon ang pagsasabatas lalo’t nahaharap sa krisis ang bansa mula sa epekto ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng sakit na coronavirus.