Ikinalungkot ng obispo ng Jolo na si Bishop Charlie Inzon ang pagkakaroon ng unang kaso ng new coronavirus disease sa probinsya ng Tawi-Tawi.
Ayon kay Bishop Inzon, nakalulungkot na sa kabila ng maituturing na “natural quarantine” ng Tawi-Tawi dahil sa pagiging isla nito ay nagkaroon pa rin ng kaso ng nakahahawa na sakit.
Ipinaliwanag ng obispo na ang pagiging isla ng Sulu at Tawi-Tawi ay isang natural na proteksyon ng mamamayan kung maipatupad lamang ang mga alituntunin sa pagpasok ng mga nagmula sa ibang lugar.
“Siyempre nalulungkot tayo kasi itong mga lugar na ito parang merong natural ‘quarantine’ yan sila kasi di ba mga island sila … so dapat parang “shielded” sila sana, kung walang mga pumapasok shielded sana sila ‘from the virus’ kasi may natural protection,” ayon sa obispo sa panayam sa Veritas 846.
“Lalo na sa Tawi-Tawi, ‘island towns’ kasi sila, ‘yong mga towns ‘one-hour’ yung (pagitan) sa one town, so ‘yong pagpasok no’ng ‘virus’ parang nasasala na agad di ba,” ayon kay Bishop Inzon.
Napag-alaman na ang unang kaso ng COVID-19 sa probinsya ay isang 44 na taong gulang na lalaking pullis na mayroong “travel history” mula sa Quezon City at nagtungo sa Zamboanga City, Basilan, pabalik ng Zamboanga City, bago magtungo sa Tawi-Tawi.
Dumating ang pulis sa Bongao Port noong June 30, 2020, at sa kasalukuyan ay naka-“isolate” na.
Ang Apostolic Vicariate ng Jolo ay nakasasakop sa probinsya ng Sulu at Tawi-Tawi na may tinatayang 29,500 mga mananampalatayang Katoliko.