Sa magkasabay na pagtitipon sa EDSA at Luneta nitong nakaraang Linggo, tila dalawang mukha ng iisang sigaw ang sumalubong sa atin: ang panawagan para sa katarungan at ang uhaw sa tunay na pagbabago.
Sa EDSA, nakita natin ang maraming nasa gitna at mataas na uri ng lipunan, mapayapang nagpo-protesta, nananawagang sundin ang Konstitusyon, papanagutin ang mga nagnakaw, ikulong ang dapat ikulong, at ibalik ang ninakaw sa bayan.
Sa Luneta naman, nariyan ang mga tinatawag nating “karaniwang tao” — mga ina, manggagawa, tsuper, estudyante — pagod, sugatan ng kahirapan, at ramdam ang bigat ng kanilang hinaing.
Kung ang EDSA ay nagdadala ng wika ng batas at prinsipyo, ang Luneta ay nagdadala ng wika ng tiyan, luha, at pang-araw-araw na pakikibaka.
Ngunit sa dalawang kaisahang ito, saan dapat papanig ang Simbahan?
Ang Simbahan ay hindi partido politikal. Hindi ito kanlungan ng kapangyarihan o taguan ng interes ng iilang makapangyarihan. Ito ay komunidad ng konsensya, tagapagbantay ng moralidad, at tagapagtanggol ng pinakamahina. Kaya bago pa man pag-usapan ang pagpapanagot o pagbabago ng sistema, ang unang panawagan ng Simbahan ay pagbabago ng puso, ang tunay na conversion. Sapagkat naniniwala tayo: kung walang pagbabagong personal, walang tunay na pagbabago sa lipunan. Ang korapsyon ay hindi lamang gawaing kriminal; ito ay kasalanang moral na tumutubo sa pusong hindi na takot sa Diyos at hindi na nahahabag sa kapwa.
Subalit hindi ibig sabihin nito’y mananatiling tahimik ang Simbahan habang naghihintay ng himala. Hindi. Ang tunay na conversion ay dapat magbunga ng katarungan at pananagutan. Kaya tungkulin din ng Simbahan na igiit: ang nagnakaw ay dapat managot; ang ninakaw ay dapat ibalik; at ang bayan ay dapat ituwid mula sa maling pamamahala. Hindi ito dapat pumanig sa mga nagnanakaw, sa mga makapangyarihang nagsasamantala, o sa mga estrukturang nagpapanatili ng kahirapan.
Kung gayon, saan papanig ang Simbahan?
Una, papanig ito sa katotohanan — kahit masakit, kahit hindi popular, kahit taliwas sa inaasahan ng marami. May tungkulin ang Simbahan na ilantad ang kasalanan, hindi ito tabunan para sa kapakanan ng iilang makapangyarihan.
Ikalawa, papanig ito sa mahihirap, sapagkat ang kanilang pighati ay bunga ng kasalanan ng lipunan. Ang kanilang sigaw sa Luneta ay hindi lamang protesta; ito ay paghingi ng dignidad. At kung tunay na tapat sa Ebanghelyo, ang Simbahan ay laging nasa tabi ng naaapi.
Ikatlo, papanig ito sa kapayapaang may hustisya. Hindi sapat ang kapayapaan kung ito ay katahimikan lamang ng mga pinagsasamantalahan. Hindi rin sapat ang hustisya kung ito ay paghihiganti ng damdamin. Dapat maging tulay ang Simbahan — tulay ng diyalogo, tulay ng pag-asa, tulay ng pagbabago na hindi marahas ngunit matapang.
Sa gitna ng dalawang rally — isa sa EDSA at isa sa Luneta — ang tanong ay hindi lamang “sino ang tama,” kundi sino ang higit na nangangailangan ng tinig ng Simbahan. At malinaw: dapat kumiling ang Simbahan sa mga walang boses, sa mga sugatan ng katiwalian, sa mga umaasang may Diyos na kikilos sa pamamagitan ng Kanyang sambayanan.
Hindi kailanman dapat lumugar ang Simbahan sa gitna ng kawalan ng prinsipyo. Hindi rin ito dapat sumanib sa kapangyarihang bulag sa sarili nitong kasalanan. Dapat tumindig ang Simbahan kung saan nagtatagpo ang katotohanan, hustisya, at awa.
At doon, sa lugar na iyon, makikita natin ang tunay na panig ng Simbahan: ang panig ng pagbabago, ng pananagutan, at ng pag-asa na ang bayan, sa tulong ng grasya ng Diyos, ay maaari pang maituwid mula sa kasakiman at korapsyon.
Kung magbabago ang puso, susunod ang lipunan. At kung maninindigan ang Simbahan, mas lalong lalakas ang bayan.
Si Father Warren Puno ay ang direktor ng Ministry of Ecology ng Diocese of Lucena, lead convenor ng Quezon for Environment (QUEEN), at regional coordinator ng South Luzon Eco-Convergence Hub ng Caritas Philippines.








