HomeCommentaryMga pastol na magnanakaw 

Mga pastol na magnanakaw 

Ngayon ay tinatawag na “Good Shepherd Sunday”—Linggo ng Mabuting Pastol. Ngayon din ay Mother’s Day. Sa karanasang Pilipino, marami sa ating mga Nanay ay mga mabubuting pastol.

Sa Misa sa Payatas kanina, tinanong ko ang mga Nanay kung “anong sakripisyo ang inialay nila para sa kanilang mga anak.” Kaagad may tumayo na isang ina, bitbit ang kanyang kaisa-isang anak. Sagot niya: “Buhay ko po.”

Maselan siyang nagbuntis. Muntik na siyang mawalan ng buhay sa panganganak. Ngunit nairaos din niya. Paglabas ng kanyang anak, ito ay may autism at language deficiency syndrome. Hanggang ngayon, hindi pa siya makapagsalita kahit pitong taong gulang na. Kaya araw-araw, nangangalahig siya upang makaipon ng pamasahe para maipagamot ang kanyang anak. Tunay ngang mabuting pastol na nag-aalay ng buhay para sa kanyang anak.



Iba naman ang Ebanghelyo bukas (Juan 10:1–10):
“Pakatandaan ninyo,” sabi ni Jesus, “ang pumasok sa kulungan ng mga tupa na hindi sa pintuan nagdaraan, kundi umaakyat sa di-dapat pagdaanan, ay magnanakaw at tulisan.”

Hindi man sinasadya, parang pinili at umakma ito sa nangyayari sa halalan. Parang sinasabi ng Diyos:
“Mag-ingat kayo sa masasamang pastol: marami diyan ay mga tulisan at magnanakaw.”

Tingnan natin at suriin kung paano sila nagnanakaw sa kaban ng bayan. Huwag iboto, iwasan. Ikaw rin—pamumunuan tayo ng mga tulisan. Marami nang nakaluklok; dagdagan mo pa ba?

  1. VOTE BUYING. Kahit bigyan lang ang bawat isa ng ₱500, kung 50,000 ang botante sa bayan ninyo, ₱25 milyon na rin ‘yon. Saan niya babawiin ‘yon? Simpleng sagot: sa kaban ng bayan—sa perang dapat ay ipanggamot sa inyong mga anak at magulang! Pero may narinig akong ang bayaran ay ₱5,000, ₱10,000, ₱15,000. Isipin mong mabuti: mas malaki ang sobre, mas corrupt ang pulitikong ito. Para kang kumuha ng bato at pinukpok sa ulo mo.
  2. AYUDA. Ang iba, hindi naman pera kundi ayuda. Ganoon din ‘yon. Pagnanakaw din ‘yon. Dahil ang mga perang ‘yan ay hindi sa kanila. Nilagyan lang ng pangalan nila ang mga kahon, pero pera mo rin ‘yon. Pilit nilang pinalaki ang GAA para may maipamudmod sa mga tao. Iboboto mo pa rin ba ito?
  3. CONFIDENTIAL FUNDS. Maraming politiko ang naglustay ng confidential funds na hindi nila ma-account. O ayaw nilang panagutan. Ang iba ay sumuporta sa mga isinakdal. Ang iba naman ay sinuportahan ng mga nasasakdal. Kung masama ngang kumupit sa tindahan ng Nanay, paano pa kaya ang magnakaw sa kaban ng bayan? Naisip mo ba ‘yon? Pagkatapos, pumapalakpak ka pa rin sa mga magnanakaw na ayaw managot? Nasaan na ang konsiyensya mo?
  4. SOP (STANDARD OPERATING PROCEDURE). Ito ang perang ibinibigay ng mga contractor sa pulitiko para ma-aprubahan ang mga proyekto nila. Sabi nila, acceptable daw ang 10–15%. Pero ngayon daw, 40–45%! Sa Congressman pa lang ‘yon. Hindi pa natin binibilang ang kay Governor, Mayor at Vice, mga Konsehal hanggang sa Barangay Tanod. Ano na lang ang natitira sa contractor? Kaya nga substandard ang mga proyekto. Wala pang isang taon, bumagsak na ang tulay. Tayo rin ang natatamaan. ‘Yong batang nasagasaan sa airport—dahil sa substandard na harang.
  5. FAKE NEWS PEDDLERS. Marami ang ginamit ang social media para magkalat ng lagim, kasinungalingan. Talamak na ang paninira sa kapwa, pagmumura, at pagsisinungaling. Hindi lang ito simpleng tsismis. Ang mali ay ipinahayag na tama, inilagay sa FB, at pinakalat sa pamamagitan ng algorithmic targeting. Sa kauulit, ang kasinungalingan ay naging totoo. Ninakaw nito ang malaya at kritikal na pag-iisip ng mga tao. Ninakaw nito ang kalayaang magpasya sa sarili. Nilalason nito ang isip at ginagawang tama ang mali.
  6. EXTRAJUDICIAL KILLINGS. Ang EJK ang pinakamatinding pagnanakaw. Ninakaw nila ang buhay ng mga mahihirap at inosenteng mamamayan. Ninakaw ni Duterte at ng kanyang mga kasama ang buhay ng kanilang mga pamilya at anak. Alam n’yo bang hanggang ngayon ay hindi pa rin alam kung paano makaka-move on ang mga pamilyang ito? Tama lang na makulong si Digong. Pero ang kanyang mga katiwala ay namamayagpag pa rin. Nangunguna pa nga sa survey. Pinagmamayabang pa na maganda ang dinulot ng programa nila.

Maitatanong ko lang:
“Paano naging mabuti ang pagpatay? Paano naging tama ang pagnanakaw? Paano naging maganda ang pagsisinungaling?”

- Newsletter -

Simpleng Ten Commandments lang ito. Nangungumpisal tayo tuwing Semana Santa. Nai-kompisal ba natin ito? Na bomoto tayo ng magnanakaw? O enablers ng magnanakaw? Na bomoto tayo ng mamamatay-tao? O enablers ng mamamatay-tao? Nasaan na ang konsiyensya mo, Kristiyano?

Kung ang mga simpleng utos ng Diyos na ito ay nilalabag ng mga Pilipino, kung ang mali ay naging tama na, hindi ko na alam kung saan tayo pupulutin pagkatapos ng halalang ito.

Tama nga ang kasabihan sa Tagalog: “Pupulutin tayo sa kangkongan.”
Sa panahong maraming pinatay sa “salvaging” noong araw, tinambak nila ang mga katawan sa kangkongan sa ilog upang hindi makita. Nais mo bang doon makita ang ating bayan—sa kangkongan?

Noong nakaraang buwan, may nagbigay sa akin ng magandang T-shirt. Isusuot ko ito ngayon at bukas:
“Zero vote sa kawatan!”

Father Daniel Franklin Pilario, C.M., is the President of Adamson University in Manila. He is a theologian, professor, and pastor of an urban poor community on the outskirts of the Philippine capital. He is also Vincentian Chair for Social Justice at St. John’s University in New York.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest