HomeCommentary'Ikaw naman, ano ang sabi mo, sino ako?'

‘Ikaw naman, ano ang sabi mo, sino ako?’

“Lord, help me to see you more clearly, love you more dearly, and follow you more closely!”

Ang dasal na ito ni San Ignacio ng Loyola ay nagpapakita ng kanyang hangaring maging mas malapit sa Diyos sa pamamagitan ng mas malalim na pagkakilalaa, pagmamahal, at pagsunod kay Jesus. Binibigyang diin ni San Ignacio: ang hakbangin tungo sa kabanalan at tapat na pagsunod kay Jesus at ng maalab na pagmamahal sa Kanya ay nag-uugat sa ating malalim at puso sa pusong pakikipagkilala sa kanya.

Sa simula ng ating ebanghelyo, si Hesus ay nagtatanong sa kanyang mga alagad, “Sino ang mga tao ayon sa kanilang sinasabi na Anak ng Tao ako?” Ang tanong na ito ay naglalagay sa sentro ng ating pagninilay ang pangunahing katanungan na dapat nating sagutin: “Sino ba talaga si Hesus sa ating buhay?”



Sa Ebanghelyo, makikita natin ang pangunahing tanong ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kayo naman, ano ang sabi nyo, sino ako?”Ang tanong na ito ay may malalim na kahulugan. Binigyan tayo ni Hesus ng kalayaan na ihayag kung sino Siya para sa atin. Sa mga alagad Niya noon, ang sagot ay iba’t iba. Pero sa huli, si Pedro ang nagpatotoo na Si Hesus ay ang “Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sa ating mga sariling puso, binibigyan tayo ni Hesus ng pagkakataon na tunay na malaman kung sino Siya sa ating buhay.

Tayo rin, kailangan nating sagutin ang tanong na ito. Sino nga ba si Hesus para sa atin? Ito ba ay isang pangalan lamang na nababanggit sa ating mga panalangin, o Siya ba ay tunay na gumagalaw at nagbabago ng ating buhay? Ang ating personal na relasyon kay Hesus ay may malalim na epekto sa ating mga desisyon, pagkilos, at pag-iral, maging sa ating mga pagtataya, sa ating mga pagpili, at kung ano ang ating mga pinahahalagahan sa buhay.

Sa ating panahon, patuloy na isinusulat ang kwento ng buhay ni Hesus sa bawat isa sa atin. Kung paano natin tinitingnan si Hesus ay nagpapakita ng ating pagnanasa na maging malapit sa kanya at sa kanyang mga aral. Ang ating pagsagot sa tanong na ito ay nagpapakita ng kung gaano kalalim ang ating pananampalataya, at kung paano ito nagbibigay anyo sa ating buhay.

Kaya naman, tulad ni Pedro, tayo rin ay inaanyayahan ni Hesus na tunay na kilalanin siya at tanggapin sa ating buhay. Huwag nating hayaang ang ating mga pananampalataya ay maging isang abstraktong konsepto lamang, o ayon lamang sa sinasabi ng iba. Sa halip, hayaan nating ito ay maging buhay na pagdanas ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. At sa bawat pagtanggap natin kay Hesus bilang “Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay,” tayo rin ay tinatawag na maging mga tagasunod niya, handang magmahal, maglingkod, at magpatuloy ng kanyang misyon ng pag-ibig at sa misyon ng pagpapalaganap ng Kanyang paghahari at paghahatid ng Mabuting Balita.

- Newsletter -

Patuloy at malaliman nating makikilala si Jesus sa taimtim na pananalangin, puso sa pusong pakikipagniig sa Kanya, sa katahimikan. Ang pagninilay sa Banal na Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng malalim na ugnayan sa Kanya at nagpapalalim sa ating pakikipagkilala sa kanya. Sa pagdiriwnag natin sa Banal na Eukaristiya at pagtanggap sa Kanya, tayo ay nagiging bahagi ng Kanyang buhay at pagmamahal.

Makikilala din natin si Jesus sa pakikipagtagpo natin sa ating mga kapwang nangangailangan ng pagmamahal at paglilingkod, lalo na ang mga dukha at aba sa laylayan ng lipunan.

Ayon kay Mother Teresa: “In the poorest of the poor, we see Jesus in the most distressed disguised.”

Ayon nga sa ating pangsimbahang awit: “Hesus na aking kapatid, sa lupa nami’y bumalik, Iyong mukha’y ibang-iba, hindi kita nakikilala. Tulutan mo aking mata, mamulat sa katotohanan, Ikaw Poon makikilala, sa mga taong dukha at aba.”

Residents of an urban poor community in Manila salvage whatever they can from what remained of their homes after a fire in this photo taken in October 2019. (Photo by Vincent Go for LiCAS.news)

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest