Makapangyarihan ang simbahan. Tumagal siya ng higit na dalawang libong taon. Mula lang sa iilang tao noong si Jesus ay umakyat sa langit, ang mga kristiyano ngayon ay mahigit na 1.3 bilyon na mga tao sa buong mundo, 17.7 porsyento ng populasyon sa buong mundo.
Sinubukan na ito ay supilin at lipulin ng maraming mga makapangyarihang mga kaharian at mga tao, ngunit patuloy pa itong lumalago. Inusig ito ng mga Romano ng higit na tatlong daang taon.
Napakaraming mga kristiyano ang ipinako sa krus, pinakain sa mababangis na mga hayop, pinugutan ng ulo at sinunog. Nawala na ang Roman empire pero nandiyan pa ang simbahan. Naging Kristiyano pa nga ang mga Romano. Sa ating panahon, inusig ito ni Stalin ng Russia, ni Mao Tsetong ng Tsina, ngunit wala ring nangyari. Kahit si dating presidente Duterte noon ay nagwika na mawawala ang simbahan, pero nandiyan pa rin ito.
Siya ang nawala sa eksena, hindi ang simbahan. Makapangyarihan ang simbahan. Saan nanggaling ang kapangyarihang ito? Sa Salita ng Diyos! Ito ang tanging sandata ng simbahan. Makapangyarihan ang Salita ng Diyos kasi ito ay galing sa Espiritu Santo. Ang Salita ng Diyos ang nagpapalawak ng kaharian ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ang nagpapatatag nito. Ang Salita ng Diyos ay palaging mabisa.
Inihambing ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa ang Salita ng Diyos sa ulan at sa niyebe. Kapag ito ay pumatak sa lupa, parang walang nangyari. Sumusuot ito sa lupa at parang nawawala. Pero may ipekto ito. Nagpapasibol ito ng mga tanim na siya naman nagiging pagkain ng mga hayop at ng mga tao. Mabisa ang Salita ng Diyos. Nagbibigay ito ng buhay.
Nagbibigay din ito ng pag-asa sa buhay. Narinig natin sa ating ikalawang pagbasa na ang sangnilikha ay palalayain sa pagkaalipin sa kabulukan at makikihati ito sa maluwalhating kalagayan ng mga anak ng Diyos. Hindi lang tayong mga tao ang ililigtas, kasama natin sa kaligtasan ang buong sangnilikha. Ang kaligtasang ito ay labis na labis sa ma-iimagine natin. Higit sa ating maiisip ang kaluwalhatian na mapapasaatin. Kaya balewala ang anumang kahirapan na dinadanas at tinitiis natin ngayon. Sa gitna ng mga kahirapan at pagsubok na dinadaanan natin, binibigyan tayo ng pag-asa ng Salita ng Diyos. Kaunting langit lang, sulit na ang lahat!
Makapangyarihan, epektibo, at mabunga ang Salita ng Diyos. Pero depende din sa atin kung mararanasan natin ang kapangyarihang ito. Ang binhi ay may buhay pero sisibol lang ang buhay na ito depende sa lupa na tumatanggap dito. Ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos ay mararanasan natin depende sa ating pagtanggap sa kanya.
Anong klaseng lupa ba tayo? Saan ba pumapatak ang binhi ng Diyos? Ang binhi na pumapatak sa daanan ay hindi nabubuhay. Hindi nakaka-penetrate ang binhi sa lupa. Maraming nakakarinig ng Salita pero dahil sa wala ang attention nila dito, hindi ito nakakapasok sa kanilang pag-iisip. Napakaraming bagay na naririnig lang natin pero hindi natin iniisip. Baka isa na diyan ay ang Salita ng Diyos?
May iba naman na naririnig nga ang salita at masaya pang tinatanggap, pero hindi rin nakakaugat sa kanilang buhay dahil sa mababaw sila. Manipis ang lupa sa kanila. Matigas ang ilalim, mabato. Maaaring matigas ang ulo o matigas ang puso. Siguro mayabang, kaya pag dumating na ang kahirapan dahil sa demands ng Diyos, kasi mababaw ang lupa, walang ugat, madaling malanta ang Salita. Namamatay agad ang magagandang balak niya na sumunod sa Diyos.
May mga tao naman na marami ang pinagkakaabalahan. Iyan iyong lupa na puno ng tinik, dawag at damo. Malakas ang kakumpitensiya ng Salita ng Diyos. Abalang-abala na magpayaman. Ang kanilang katanyagan ang pinapansin, na sila ay makilala na maganda o makapangyarihan. Nawalan ng puwang ang Diyos sa kanilang puso. Hindi rin nabubuhay sa ganitong mga tao ang binhi ng Salita. Pero kung ang binhi ay tinanggap tulad ng matabang lupa, ito ay mamumunga ng masagana – tig-sasandaan, tig-aanimnapu o tig-tatatlumpu, depende gaano kataba ang lupa. Kaya nga binanggit natin sa ating tugon sa Salmong Tugunan: NAGBUNGA NANG MASAGANA, BINHI SA MABUTING LUPA.
Nagpapasalamat tayo sa Diyos na patuloy na nagpapadala sa atin ng mga manghahasik ng kanyang Salita. May Santo Papa tayo, may mga obispo, may mga pari at lay ministers, may mga katekista at mga magulang na patuloy na nangangaral sa atin ng Salita ng Diyos. Maniwala tayo na mabisa ang kanilang mensahe. Ito ay nagbibigay ng buhay at ng pag-asa sa ating buhay. Pero pagsikapan din natin na ang Salita na ating naririnig ay mabuhay at mamunga sa atin. Pagsikapan natin na maging mabuting lupa tayo. Hindi sana tayo maging daanan lang ng maraming mga bagay na uso o nasa moda, mga tagapagmasid lang sa buhay at hindi involved. Huwag nating hayaan na tayo ay maging daanan lang.
Bungkalin natin at tibagin ang ating katigasan ng ulo. Matuto tayong magpakumbaba at hindi lang tanggapin ang gusto o nakasanayan na natin. Palambutin natin ang ating puso upang magkaugat sa atin ang Salita ng Diyos. Ang maging concern sana natin ay ang mga bagay tungkol sa Diyos, tungkol sa katarungan at katotohanan, at hindi ang mga makamundong bagay tulad ng ating kayamanan o pagkabantog. Sinabi ni Jesus na hanapin muna natin ang kaharian ng Diyos at ang lahat na kailangan natin ay ibibgay niya sa atin.
Maging matabang lupa tayo. Paano? Patabain natin ito ng mabubuting gawa, ng ating pagbabalik-handog at pagpopondo ng Pinoy. Diligan natin ito ng panalangin at pakikiisa sa mga gawain ng simbahan. Magbasa tayo ng Bibliya. Anumang pagsubok na dumating, magiging matatag ang ating pananampalataya kasi kumikilos ang kapangyarihan ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng kanyang salita. Pakilusin natin ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa ating buhay.
Homilya ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay sa Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A). Isaias 55, 10-11, Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14, Roma 8, 18-23, Mateo 13, 1-23