GANTIMPALA ang paksa ng ating pagninilay sa ating mga pagbasa ngayon.
Minsan natatawa ako sa mga “social experiments” na ginagawa sa social media. Masyado kasing tipikal. Halimbawa, may isang mamâ na nagkukunwaring palaboy at nagugutom. Hihingi siya ng pagkain sa isang “homeless” sa may bangketa.
Sasabihin naman ng tunay na palaboy dito sa hindi niya alam na nagkukunwari lang na nagugutom—“Pasensya na, brods, ito lang ang meron ako, isang sandwich na binigay din sa akin. Kakainin ko sana ito mamayang tanghali, pero sige, hati na lang tayo.”
Pagkatanggap ng nagkukunwari sa kalahating sandwich, biglang maglalabas siya ng 100 dollars at sasabihin niya, dahil sa ginawa mo, bibigyan kita ng higit pa sa binigay mo. Sinusubukan lang kita; hindi naman ako talagang homeless. Iyon pala ang punto ng experiment? (Hindi mo tuloy alam kung sino ba ang ibinibida—ang sarili niya o ang homeless?)
Pero minsan may napanood ako na medyo kakaiba. Sa isang shop ng “Take-out food” o “Food-to-go” naman ang eksena. Papasok ang isang mamâ na nagkukunwari ding nagugutom. Pwede raw ba siyang maki-amot ng isang shawarma, kahit wala siyang pambayad?
Sasabihin ng ale, “Sige, ako na ang bahala. Ako na ang magbabayad para sa iyo, kasi tindera lang ako dito.” As usual, pagkatanggap ng mama ng shawarma, sasabihin niya, “Dahil sa ginawa mo, bibigyan kita ng 100 dollars. Hindi naman ako homeless, social experiment lang ito.” Tatanggapin ng babae ang pera pero susuklian siya ng 95 dollars.
Sasabihin niya, “May pera ka naman pala, kaya heto ang sukli. Five dollars lang naman ang shawarmang bigay ko sa iyo. Salamat sa gantimpala mo, pero mas gugustuhin kong ibigay mo na lang iyan sa iba, doon sa mas nangangailangan. Ayoko kasing makundisyon na umasa ng gantimpala sa bawat konting act of charity na gagawin ko.”
Paulit-ulit nating narinig sa ating ebanghelyo ang salitang GANTIMPALA. Galing ito sa dalawang salita: GANTI (ibig sabihin ibinabalik) at PAGPAPALA (ibig sabihin, biyaya). Biyayang bumabalik. Nagbigay ka ng biyaya, may bumalik na biyaya. Bahagi ito ng mga habilin ni Hesus sa mga alagad na isinusugo niya sa misyon. Nililinaw muna ni Hesus sa mga alagad na sinusugo niya ang tunay na diwa ng pagmimisyon—na ito’y nagmumula sa karanasan ng biyaya. Sa Ingles, “sense of grace.” Na dahil naranasan mong biyayaan ka ng kabutihan o kagandahang-loob na higit pa sa inaasahan mo o iniisip mong nararapat sa iyo, ngayo’y matututo ka ring magmahal o magmagandang-loob nang higit pa sa inaasahan naman ng iba sa iyo. Ang tawag dito ni San Pablo ay karanasang “siksik, liglig at umaapaw.” Ang pinagpala ay nagpapala.
Sa ating unang pagbasa, nagpakita ng kabutihan ang mag-asawang taga-Shunem sa propetang Eliseo. Pero ang bumalik na pagpapala sa buhay nila ay higit pa sa inaasahan nila. Nagkaanak pa sila sa kanilang katandaan. Ito siguro iyung tinutukoy ni Hesus na gantimpala ng propeta. Pero hindi pa doon natatapos ang kuwento. May mangyayaring trahedya at mamatay ang bata at bubuhayin siyang muli ng Diyos sa pamamagitan ng propeta.
Ibig sabihin, hindi lang sinuklian ng kabutihan ang kabutihang pinakita nila sa propeta. Ang biyayang igaganti ng Diyos ay di hamak na higit pa sa kayang iganti ng propeta dahil sugo lang naman siya ng Diyos. Sa hindi nila nalalaman, ang Diyos pala mismo ang pinakitaan niya ng kabutihan. Pwede ba nating mahigitan ang Diyos sa kabutihan niya sa atin? Di ba ganyan din ang kuwento tungkol kina Abraham at Sarah? Na sa hindi nila nalalaman, ito palang mga estrangherong pinakain nila ay mga anghel na sugo ng Diyos?
May isang expression na pinauso ang mga millennials: “LOVE YOU MORE”. Dati nagri-react ako dito, dahil di ba ang tamang sagot sa I LOYE YOU ay “I LOVE YOU TOO”? Pero sa kalaunan na-appreciate ko rin—Oo nga naman, pag minahal ka nang higit pa sa inaasahan mo, matututo ka ring magmahal nang higit pa sa inaasahan ng iba. LOVE YOU MORE nga.
At mukhang ito rin ang sinasabi ni Hesus sa unang bahagi ng ebanghelyo. Kung ang kaya lang nating mahalin ay ang mga nagmahal sa atin tulad ng mga magulang, kapatid o kapamilya, kung ang malasakit natin ay hindi makalampas sa nagmalasakit sa atin o pinagkakautangan ng loob, kung sa bawat kabutihan na gawin natin ay maghintay tayo ng gantimpala, hindi pa nga tayo alagad. Dahil hindi pa tayo natututong umibig, magmahal o magmalasakit nang tulad ni Kristo, na laging lumalampas sa sarili, laging higit pa sa nararapat. Ang matutong magmahal kung paano tayo minahal ng Diyos sa pamamagitan ni HesuKristo- ito ang diwa ng pakikiisa sa kanyang misyon.
Kuhang-kuha ni San Ignacio de Loyola ang diwang ito sa ginawa niyang panalangin. Sabi niya, “Panginoon, turuan mo akong maging bukas-balad. Turuan mo akong maglingkod nang ayon sa nararapat, na magbigay na walang hinihintay na kapalit. Na magpunyagi na hindi umaangal sa mga hirap na daranasin, na magbigay na walang hinihintay na gantimpala. Sapat na sa akin na malaman na kalooban mo ang aking sinusundan.”