Nananawagan ang Simbahan sa atin ngayon: “Makipagkasundo na kayo sa Diyos.” Iyan ang ibig sabihin ng abo na ilalagay sa noo natin ngayong araw. Ang abo ay tanda ng pagpapakumbaba. Nagpapakumbaba tayo kasi kinikilala natin na mababa ang ating pinanggalingan. Galing lamang tayo sa abo; sa putik, at sa abo rin tayo babalik. Ganoon karupok ang buhay at katawan natin. Kaya huwag na tayo magmataas.
Ang abo ay tanda rin ng pagsisisi. Kinikilala natin ang ating pagmamalabis. Iyan ang kasalanan – pagmamalabis, na akala natin kaya nating pantayan ang Diyos, na akala natin mas magaling pa tayo sa Diyos kaya hindi natin siya sinusunod. Kaya tinatawagan tayo ng Diyos ngayon ayon kay propeta Joel: “Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin, kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati. Magsisi kayo nang taos sa puso, at hindi pakitang tao lamang.”
Ang pagtanggap natin ng abo sa ating noo ay tanda na handa tayong pumasok sa panahon ng pagsisisi at pagpapakumbaba ngayong panahon ng kuwaresma. Ito ay apatnapung araw na paghahanda sa dakilang pangyayari para sa ating kaligtasan, ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Pinakita ni Jesus kung gaano niya tayo kamahal – namatay siya para sa atin. Ang kanyang pagmamahal sa atin ay kalugud-lugod sa Diyos Ama; siya ay muling binuhay.
Ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang isang pangyayari para sa kanya. Ito ay pangyayari para sa ating lahat. Kasama niya tayo na namatay at muling nabuhay noong tayo ay bininyagan. Kaya tuwing panahon ng kuwaresma binabalik-balikan natin ang ating binyag at gusto nating maging tapat dito. Patuloy tayong nagsisikap na mamatay sa kasamaan at sa tawag ng laman upang tayo ay makiisa sa bagong buhay na dala ng muling pagkabuhay ni Jesus. Minsan lang tayo bininyagan pero ito ay isinasabuhay natin hanggang tayo ay mamatay.
Kaya may tatlong programa tayong gawain ngayong panahon ng kuwaresma: pagpepenitensiya, panalangin, at kawanggawa. Sa ating pagpepenitensiya dinidisiplina natin ang ating sarili. Pinaghihindian natin ang ating mga hilig upang mas maging bukas tayo sa Diyos at sa kapwa. Madalas hindi tayo nakapagsisimba o nakapagdarasal dahil sa nanonood tayo ng Youtube o gusto pa nating matulog. Hindi tayo nakakatulong sa iba kasi naubos na ang pera sa layaw, sa sugal o sa labis na pagkain.
Isang gawain ng pagpepenitensiya ay ang pag-aayuno. Hindi tayo kakain o babawasan natin ang ating pagkain. Ito ay makakatulong sa ating kalusugan at sa ating self-control. Mag-ayuno tayo ngayong araw – ang Miyerkules ng Abo – at sa Biernes Santo, ang araw ng pag-alaala sa pagkamatay ni Jesus. Tuwing Biernes hindi tayo kakain ng karne bilang penitensiya. Maaari ring magpenitensiya na huwag kakain ng merienda, o mag-exercise araw-araw, o bawasan ang paggamit ng cellphone o ang pakikinig sa music o panunuod ng TV.
Pinaghihindian natin ang mga ito upang mas maging bukas tayo sa Diyos. Mas magbigay ng panahon para sa dasal. Kaya may mga katangi-tanging dasal tayo sa kuwaresama, tulad ng magbabasa ng Bible araw-araw, pag-aawit ng Pasyon, magdarasal ng Daan ng Krus upang pagnilayan ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus.
Sa pagpepenitentiya natin, sana makinabang din ang iba. Kaya sa pag-aayuno natin ngayong araw, magbigay tayo sa FAST TO FEED. Maraming mga tao, lalo na ang mga bata, na walang sapat na pagkain. Kaya ang pera na gagastusin natin sa pagkain ngayong araw ay ibigay na lang natin para sa pagpapakain sa mga malnourished children. Mayroon din tayong programa na Alay Kapwa. Nagbibigay tayo sa Alay Kapwa upang may maitulong tayo sa mga biktima ng kalamidad na ngayon ay nagiging madalas at matindi na.
Sa ating ebanghelyo ngayong araw patuloy na nirekomenda ni Jesus ang tatlong gawaing ito: Pag-aayuno, pagdarasal at pagkawang gawa. Pero pinapaalaala lang niya na huwag nating gawin ang mga ito para lang mapansin tayo ng mga tao at purihin nila tayo. Nakikita ng Diyos ang lahat ng ginagawa natin. Gawin natin ito para lang sa kanya, at siya, na nakakakita sa lihim, ang gagantimpala sa atin.
Ang pagsisisi at pagbabago na pinapanawagan ng simbahan ngayong kuwaresma ay hindi makaaantay. Ito ay nagmamadali. Baka maubusan na tayo ng pagkakataon. Kaya nananawagan sa atin si San Pablo: “Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas.” Magsisisi na tayo at magbago.
Homily ni Bishop Broderick Pabillo para sa Ash Wednesday, February 22, 2023; Joel 2:12-18; 2 Cor 5:20-6:2; Mt 6:1-6.16-18