HomeCommentaryAsin ng daigdig

Asin ng daigdig

Sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan tulad ng asin at ilaw, sugpuin na natin ang malalim na kadiliman ng human trafficking

Kayo ang asin ng daigdig. Kayo ang ilaw ng mundo. Bakit pinagsama ni Jesus ang asin at ilaw? Ano ba ang magkapareho sa dalawa?

Ang asin at ang ilaw ay malalaman mo kung nandiyan. May effect sila. Ang asin ay nagbibigay ng lasa at ang ilaw ng liwanag. Dahil sa may lasa, ginaganahan tayong kumain. Ang hirap yata kumain na matabang ang pagkain. Dahil sa may liwanag nakakatrabaho tayo at alam natin kung saan tayo pupunta. Hindi tayo nangangapa at nadadapa. Hindi naman marami ang kailangan na asin para magkaroon ng lasa. Kaunting patak lang. Hindi naman malaking apoy ang kailangan para magkaroon ng liwanag, lalo na noong panahon na maliliit na ilawan lang ang ginagamit ng mga tao. Ang asin at ang ilaw ay nauubos para magkaroon ng effect. Ang asin ay natutunaw at ang ilaw ay nauupos o nauubos ang langis.



Ngayon, ano ang ibig sabihin na tayo ay asin at ilaw? Kailangan tayo magkaroon ng effect sa mga tao sa paligid natin. Kung talagang isinasabuhay natin ang ating pananampalataya, mapapansin ito ng iba. At mabuti ang effect natin, nagbibigay ng lasa sa buhay ng iba at nagbibigay ng direksyon at sigla sa mga tao. Ganoon ba ang pagka-kristiyano natin? Hindi lang natin ito sinasarili o tinatago. Sabi ni Jesus na walang kwenta ang asin na nawala na ang alat. Tinatapon na lang ito. Ganoon din, hindi naman nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito.

Hindi kailangang gumawa ng extraordinariong mga bagay o maging marami tayo upang magkaroon ng effect. Minsan naiisip natin: ano naman ang magagawa ko, iisa lang ako o kakaunti lang tayo. Tulad ng asin at ilaw kahit kakaunti lang tayo o maliliit na tao lang tayo, makabibigay tayo ng lasa at sigla sa iba. Ang effect natin ay hindi para sa atin, ito ay para sa iba, at hindi magbibigay ng pansin sa sarili kundi sa Ama na pinanggalingan ng lahat. Kaya sinabi ni Jesus na hayaan natin na maging maliwanag upang makita ang ating mabubuting gawa at pupurihin ng mga tao ang Ama. Hindi tayo tumatawag ng pansin sa ating sarili, hindi tayo nagmamayabang upang maging sikat o makilala. Hindi tayo nangungulekta ng maraming likes o maraming followers sa internet. Pero hindi naman natin tinatago ang ating kabutihan. Ang lahat ay ginagawa natin para ang Diyos ay purihin. Para sa kanya ang papuri at pasasalamat. Madalas na sabihin sa Bible na ang mga tao ay natutuwa at nagpupuri sa Diyos kapag nasaksihan nila ang mga himala ni Jesus.

Paano ba tayo magiging asin at magiging liwanag? Sinabi ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa: Ibahagi mo ang iyong pagkain sa mga nagugutom, patuluyin mo ang mga inaapi at mga walang matirhan sa inyong tahanan, damitan mo ang mga walang damit, at huwag mong talikdan ang kakilala mong nangangailangan. Kung gagawin mo ito magbubukang liwayway ang iyong liwanag. Pagpapalain ka ng Diyos at ang inyong mga kahilingan ay kanyang diringgin. Kung ikaw naman ang tatawag sa Diyos, sasabihin niya, narito ako. Kaya iwaksi na natin ang di-makatarungang gawain at ang pagpapakalat ng kasinungalingan upang kumalat ang inyong liwanag. Kaya papaano tayo maging asin at ilaw? Sa paggawa ng kabutihan at sa pagtanggal ng pang-aapi at ng pagsisinungaling. Sa ating panahon madaling magpakalat ng kasinunganling sa pag-se-share ng fake news o sa paninira ng iba. Kaya mga kapatid, huwag lang maniwala. Isabuhay ang paniniwala. Gawin ang mga gawain ng pag-ibig.

Kahit na kaunti lang ang ating magagawa, gawin pa rin natin. Kaunti lang ang ating pagbabalik handog, magbalik handog pa rin tayo. Tandaan natin ang ginawa ng isang bata. Noong marinig niya na kailangan ng pagkain ang higit na limang libo katao, ibinigay niya sa kamay ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda na mayroon siya. Marahil ito ay tinitinda pa niya. Ang kaunti niya sa kamay ni Jesus ay nakapakain sa marami. Ganoon din ang patotoo ni Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Nagpahayag siya sa Corinto na natatakot. Nagkaroon siya ng masamang experience sa Atena. Hindi tinanggap ng mga tagaroon ang magaling na talumpati niya. Kaya nawala ang kanyang self-confidence pagdating niya sa Corinto. Simple na lang na mga salita at mga paliwanag ang ginamit niya. Doon tinanggap ng mga tao ang kanyang mensahe. Kaya nasabi niya na ang kanilang pananampalataya ay hindi nakasalalay sa mga magagaling na pananalita at pangugumbinsi. Ito ay nanggaling sa kapangyarihan ng Diyos. Kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng simple na mga salita niya. Ginagamit ng Diyos ang maliliit na efforts at pagsisikap natin. Siya ang nagbibigay ng bunga sa ano mang gawain natin. Ipakilala lang natin siya.

Pero para tayo magkaroon ng effect, kailangan maging handa tayo na matunaw, tulad ng asin, o maupos tulad ng kandila. Mamamatay tayo, mawawala tayo upang makapagbigay ng lasa at liwanag. Iyan ang sinabi ni Jesus na limutin ang sarili, pasanin ang krus at mamatay sa ating sarili. Hindi ba nangyari din ito kay Jesus? Ang isang pag-aalay niya ay nagdala ng kaligtasan sa lahat, pero kailangan siyang mamatay upang tayo ay mabuhay. Nag-alay siya ng sarili niya para matanggap natin ang kaligtasan.

- Newsletter -

Isa sa desisyon ng kapulungan ng mga obispo noong nakaraang linggo sa CBCP ay ang pagtalaga ng unang linggo ng Pebrero na National Day of Awareness and Prayer against Human Trafficking. Ang human trafficking ay ang pangangalakal ng tao. Ito ay pang-aalipin sa iba. Ang madalas na nabibiktima dito ay ang mga bata at ang mga babae. Ibinebenta sila para sa sex o para sa trabaho. Binubugaw sila sa sex sa prostitution. Pinagbibili ang kanilang katawan sa makababayad nito. Ang iba naman ay ginagamit sa trabaho – mababang uri ng trabaho na hindi sapat ang suweldo at hindi makatao ang kanilang condition sa pagtatrabaho. May mga OFW tayo na nabibiktima dito. Malaki po ang business ng human trafficking. Kasunod lamang ito ng arms trade – ang pangangalakal sa armas at ng pangangalakal sa droga. Mabuti po na magkaroon tayo ng kamalayan tungkol dito kasi maaaring mangyari ito sa atin dito sa Palawan. May mga mahihirap na pinapangakuan na magtrabaho sa Maynila o sa Cebu o kahit na sa mga resorts na hindi makatao ang kanilang kalagayan. Madalas ang nang-iimbita sa ganitong mga kalagayan ay mga kakilala din o ang kapamilya mismo. Hindi pa po nawawala ang pang-aalipin sa ating panahon ngayon. Ang tawag dito ay WHITE SLAVERY.

O ano naman ang magagawa natin na multi-billion na business na ito? Maging asin at ilaw. Kahit na kakaunti lang, gawin natin ang ating magagawa. Una, panalangin. Kaya magbalik handog ng panahon. Ipagdasal natin na hindi maloko ang mga mahihirap at ipagdasal natin na tumigil na ang gumagawa nito. Pangalawa, kaalaman. Pagkwentuhan natin ang mga bagay na ito upang tumaas ang kamalayan ng mga tao tungkol dito na ito pala ay nangyayari.

Pangatlo, maging mapagmasid. Kapag may nakita tayo na nanghihikayat ng trabaho sa ibang lugar o sa abroad man, tulungan ang iba na suriin muna kung totoo ang mga pangako o legitimo ang grupo na kinabibilangan nila. Maging mapagbantay. Sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan tulad ng asin at ilaw, sugpuin na natin ang malalim na kadiliman ng human trafficking.

Homily ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan, para sa February 5, 2023; 5th Sunday of Ordinary Time; Is 58:7-10; 1 Cor 2:1-5; Mt 5:13-16

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest