“Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Ang tanong na ito kay Jesus ng mga alagad ay siya ring tanong natin. Palagi tayong naghahanap tayo ng daan tungo sa kadakilaan pati na sa langit! Nakakabigla ang sagot ni Jesus. Ang dakila ay ang maliit. Less is more. Ang bata ay hindi lang ang dakila. Kailangan tayong tumulad sa mga bata upang makapasok sa kaharian ng langit.
Mabigat ang salita ni Jesus: “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos!” Mas lalong matularan natin ang bata, mas dumadakila tayo sa mata ng Diyos.
Ano ba ang katangian ng pagkabata na mahalaga sa Diyos? Ang bata ay hindi nagmamalaki, hindi nagmamayabang, at siya ay mapagtiwala. Wala siyang tinatago kaya hindi siya mapagkunwari. Kailangan natin ang mga katangiang ito sa ating pakikitungo sa Diyos. Malakas ba ang ating tiwala sa Diyos? Umaasa ba tayo sa kanya? Sumusunod ba tayo sa kanya? Ang kasalanan ay pagmamayabang na mali ang Diyos at hindi tayo magiging maligaya kung susunod tayo sa kanya.
Ang pagiging maliit at mapagtiwala ang kadakilaan ng mga bata at iyan din ang kahinaan niya. Dahil sa mahina sila, maliit at mapagtiwala madali silang linlangin, utuin at abusuhin. Kaya sinasabi din ni Jesus na huwag nating hamakin ang mga ito. Ganoon kasama ang pag-aabuso sa mga bata na sabi niya na mas mabuti pang itapon sa dagat na may nakataling malaking bato sa kanyang liig ang gumagawa ng masama at nagbibigay ng masamang halimbawa sa isang bata. Marupok ang mga bata. Pagkaingatan natin sila. Ang sugat at ang lamat na natatanggap nila sa murang edad ay dala-dala nila sa kanilang buhay. Sinasabi ng mga psychiatrist na maraming mga issue natin sa buhay ay nanggaling sa pagtrato sa atin noong tayo ay bata pa.
Malakas ang debosyon nating mga Pilipino kay Jesus na niño, kay Jesus na bata. Kaya ngayong araw ang daming fiesta ng Sto Niño sa buong bansa at kahit na sa ibang bansa kung nasaan ang mga Pilipino. Marahil dahil din ito sa katangian nating mga Pilipino na malambot ang ating puso sa mga bata. Naaakit tayo sa kanila. Naaakit tayo sa Panginoong Jesus bilang bata. Hindi tayo natatakot sa kanya.
Pero tandaan natin na dahil si Jesus ay bata huwag lang natin siyang pag-laru-laruan. Huwag natin siyang utu-utuin. Bata nga siya ngunit siya ay ang ating Panginoon. Kaya malahari ang kanyang damit. May korona siya at hawak niya ang setro, isang baston na nagpapahiwatig ng kanyang kapangyarihan. Hawak niya ang daigdig sa kanyang kamay. Bata siya pero hari siya. Ang kanyang paghahari ay hindi nakakasindak. Hindi siya nakakatakot. Nagdadala siya ng katarungan at katwiran hindi sa pamamagitan ng pananakot kundi ng pang-aakit at ng pagmamahal. Kaya nga kahit na bata si Jesus, sundin at tularan natin siya. Iyan din ang hamon sa atin ng Sto Niño.
Kailangan natin ang hamong ito kasi kahit na katangian nating mga Pilipino na maging malapit sa mga bata, dito sa ating bayan mayroon ding nangyayari ng pang-aabuso sa kanila. Isang madalas na pang-aabuso sa mga bata ay ang pagsisigaw at pagmumura sa kanila. Dahil sa kanilang murang edad nakatatak sa kanila ang tinatawag natin sa kanila. Naaapektuhan ang kanilang paningin sa kanilang sarili kung tinatawag natin silang tanga, tamad, walang pakinabang, pasaway o pini-PI pa. Nandiyan din ang physical abuse. Oo kailangan ng disiplina ang mga bata pero hindi sa paraang violente o madahas, lalo na kung walang paliwanag bakit sila pinapalo o kinukurot. Huwag natin ibunton ang ating galit o hinanakit sa mga bata.
Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang tumatanggap sa isang bata dahil sa akin, ako ang tinatanggap.” Isipin natin sa ating pag-aalaga ng mga bata na si Jesus ang inaalagaan natin. Kaya ang mga nag-aalaga ng mga bata – mga magulang, mga lola at lolo, mga ate at kuya at mga yaya – palagi kayong tumawag sa Santa Maria at kay San Jose na tulungan kayo paano mag-alaga sa mga maliliit tulad ng pag-alaga nila kay Nino Jesus.
Mabuti ang pagpalaki ng Banal na Mag-asawa kay Jesus. May disiplina si Jesus sa sarili at matiisin siya dahil sa kanyang mga magulang. Bata pa si Jesus gusto na niyang mapalalim ang kanyang kaalaman sa Bibliya kaya nagpaiwan siya sa templo. Saan nanggaling ito? Sa kanyang mga magulang. Ang pagiging matulungin niya sa mga mahihirap ay nanggaling din sa kanila. Oo, si Jesus ay Diyos pero siya ay tunay ding tao at ang pagkatao niya ay hinubog ng kanyang mga magulang. Humingi tayo ng tulong kay Maria at Jose paano palakihin ang mga anak natin tulad ng pagpalaki nila kay Santo Niño.
Ang isang maaaring makatulong o makapinsala sa pagpapalaki ng ating mga anak ay ang cell phone o ang TV. Huwag nating pabayaan ang mga bata na may cell phone o sa harap ng TV. Akala natin ok ang ating mga anak sa harap ng TV o sa panonood sa cell phone kasi tahimik sila. Ano ang pinanunuod nila? Hindi ba natin alam na na-aabsorb, hinihigop nila ang kanilang nakikita at naririnig doon? Kung violence, kalaswaan o pagmumura ang napapanood nila, iyan ang magiging laman ng utak nila at wala pa silang kakayahang salain ang mabuti at masama. Kaya pagkaingatan natin ang nag-iinfluensiya sa mga bata.
Ang isang mabuting influensiya sa mga bata ay ang pagkukwentuhan sa bahay. Hindi ako lumaki na may telebisyon. Sa probinsiya ako lumaki at dumating ang telebisyon doon ng fourth year high school na ako. Ang magandang mga ala-ala ko ay ang pagkukuwentuhan namin ng nanay ko, ng mga kapatid at kasambahay sa gabi. Gusto kong pakinggan ang mga pangyayari sa aming mga pinsan at mga tito at tita. Doon ko nakilala ang aking extended family. Tinuturuan kami ng aming tatay ng mga asal sa mga kwentuhan sa lamesa kapag kami ay samasamang kumakain. Nandiyan naiinfluensiyahan natin ang mga bata, sa ating mga kwentuhan.
Gusto nating ibigay ang the best sa mga anak natin. Isang the best na mabibigay natin sa mga bata ay ang ating pananampalataya. Imulat natin sila na nagdadasal. Kwentuhan natin sila tungkol sa Diyos at tungkol sa Bible. Dalhin natin sila sa simbahan at isama sa gawain ng simbahan. Hikayatin natin sila na sumama sa katesismo sa simbahan at sa school. Ipakilala natin sila kay Sto Nino. Si Jesus ay kababata din nila. Ipaubaya natin sila kay Sto Nino at turuan silang kausapin si Jesus. Pangarapin natin na ang mga bata ay maging tulad din ng Sto Nino.
Homily ni Bishop Broderick Pabillo para sa January 15, 2023; Feast of Sto Nino / Holy Childhood Day