Anumang araw, buwan, o taon, isa sa mga pinakamahalagang isyu na kailangang pagtuunan ng pansin ang usaping pangklima at pangkalikasan. Hindi naiiba ang nangyari sa taong 2022.
Nagbigay ng bagong pag-asa para sa “green agenda” sa maraming bansa at komunidad ang pag-upo ng bagong liderato sa Pilipinas at sa pandaigdigang pamamahala. Subalit, sa halip na tuluyang mapabuti ang pagpapatupad ng mga solusyon, nananatiling urong-sulong ang kuwento sa nakalipas na 12 buwan.
Ibig sabihin, kulang pa rin ang bilis ng pag-aksyon upang matapatan ang bilis ng pagkasira ng ating kapaligiran.
Anong mga isyung pangklima at pangkalikasan ang tuluyang lumitaw sa 2022 at dapat tutukan sa bagong taon?
Loss and damage (L&D)
Masasabing ang pinakamahalagang pangyayari sa pandaigdigang usapin nitong nakaraang taon ang tungkol sa loss and damage, o kawalan at pinsalang dulot ng matinding epekto ng krisis sa klima na lagpas sa kapasidad ng pagpapatupad ng mga solusyon.
Noong Nobyembre sa Egypt, napagkasundunan ng lahat ng bansa na magtatag ng pondo upang iwasan o bawasan ang L&D, isang tagumpay para sa mga bansang tulad ng Pilipinas na pinakanangaganib sa mga kalamidad.
Ang pagtatag ng naturang pondo ay base sa prinsipyong “polluters must pay,” o dapat bayaran ang mga pinakananganganib na bansa ng mga mayayamang estadong umunlad dahil sa pamamaraang nagbuga ng matinding polusyon sa ating mundo, na siyang dahilan ng krisis sa klima.
Sa susunod na taon sa Dubai, muling magpupulong ang lahat ng bansa upang pagdesisyunan ang mga detalye ng pondong L&D, katulad ng istruktura, pangangasiwa, at pangkukunan ng pera.
Dapat manguna ang mga Pilipinong negosyador sa pag-impluwensya ng darating na pag-uusap bilang mga kinatawan ng isa sa mga pinakabulnerableng bansa sa krisis sa klima.
Asahan din ang pagsusulong sa Pilipinas ng pagpapatibay ng pambansang posisyon sa usaping L&D. Kasalukuyang isinusulong ng ilang grupo ang panukalang batas na bubuo ng pondo upang suportahan ang mga biktima ng matitinding kalamidad, na maaaring manggaling sa multa at buwis na ipapataw sa mga korporasyong may aktibidad na may kinalaman sa mga fossil fuel tulad ng coal, oil, at natural gas sa bansa.
Karapatang pangkalikasan
Bahagi ng inspirasyon ng nasabing panukalang batas ang rekomendasyon ng Komisyon sa Karapatang Pantao (CHR) ayon sa ulat nitong National Inquiry on Climate Change na inilabas noong Mayo. Base sa pitong taong imbestigasyon ng Komisyon, maaaring kasuhan ang mga korporasyong fossil fuel dahil sa polusyon nilang nagdulot ng krisis sa klima at anumang pagisisinungaling sa kanilang pag-ulat ng operasyon na maituturing na paglabag sa karapatang pantao.
Lalong napagtibay ng pagkilala ng United Nations sa karapatan ng sinuman sa malinis, masigla, at likas-kayang kapaligiran ang argumento ng mga pamayanang matinding naaapektuhan ng polusyong plastik, krisis sa klima, development aggression, at iba pang mga pangyayari at operasyong makasisira sa kalikasan sa posibleng pagsasampa ng kaso.
Dapat tuparin ng pamahalaan ang mandato nitong unahin ang pagprotekta sa kapakanan at pagrespeto sa karapatan ng mga katutubo, kabataan, kababaihan, at iba pang mga grupong pinakananganganib sa anumang paglapastangan sa kalikasan. Ito ay isang mahalagang hakbang sa Pilipinas, na isa sa mga pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, at labis ang pagkukulang sa pagtugon dito.
Seguridad sa enerhiya
Ang tunggalian sa pamamagitan ng Russia at Ukraine ay nagdulot ng labis na pagtaas ng presyo ng mga fossil fuel sa pandaigdigang merkado, na nagimpluwensya sa pagmahal ng mga pangunahing bilihin sa ating bansa. Lalo nitong ipinakita na hindi dapat tayo nakadepende sa mga fossil fuel, lalo na ang coal na inaangkat mula sa ibang bansa at isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit mahal ang bayarin sa kuryente.
Dahil dito, tumindi ang diskusyon sa Pilipinas kung paano natin iiwasan ang coal, na kasalukuyang pinagmumulan ng mahigit sa kalahati ng ating kuryente. Aktibong isinusulong ng kasalukuyang administrasyon ang naratibong hindi pa handa ang bansa upang pausbungin ang renewable energy at dapat munang unahin ang pagtatayo ng mga planta para sa natural gas. May ilang mambabatas na nagmumungkahing umasa ang bansa sa nuclear energy upang palitan ang coal.
Marami ang kumokontra sa parehong mungkahi at nagsasabing hindi na dapat ipagpaliban ng pamahalaan ang kailangang pag-usbong ng renewable energy tulad ng solar at wind. Ilan sa kanilang argumento ay ang mataas na paggastos sa pagpapatayo ng mga nasabing pasilidad, na sa ilalim ng mga kasalukuyang polisiya ay maaaring ipasa sa mga konsyumer at lalong tataas ang singil sa kuryente. Asahan ang matinding debate sa mga susunod na buwan, lalo na’t mahalaga ang papel ng enerhiya sa ating pag-unlad.
Pagmimina
Isa pa sa mga kontrobersyal na isyu ang pagsusulong ng kasalukuyang administrasyon ng paglago ng industriya ng pagmimina. Ayon sa mga kaalyado, makatutulong sa paglakas ng ating ekonomiya ang pagmimina, na kasalukuyang mas mababa sa isang porsyento ang kontribusyon sa GDP.
Subalit matindi ang pagsalungat ng mga komunidad mula Romblon hanggang South Cotabato dala ng mga isyung kagaya ng pagprotekta sa ancestral domain ng mga katutubo at mga aktibidad ng mga kumpanya sa kabila ng kawalan ng permit. Ang pagkansela sa business permit ng isang kumpanya sa Tampakan, South Cotabato ay maituturing na tagumpay para sa mga lokal na aktibista matapos ang ilang dekadang pakikibaka.
Kung indikasyon ang nakalipas na 12 buwan (at halos palagi itong nangyayari), asahan ang maiinit na diskurso, nakapanghihinalang mga desisyon, at maliliit na panalo pagdating sa green agenda sa 2023. Hindi magiging madali ang pagresolba sa mga naturang suliranin, dala ng magkasalungat na mga pananaw.
Gayunpaman, para sa kapakanan ng ating nag-iisang tahanan at lahat ng nabubuhay at mabubuhay dito, kailangan nating umasa na sa pagpalit ng kalendaryo, magkakaroon ng tunay na progreso na tunay nating kailangan upang protektahan natin ang ating mundo sa mga krisis na ibinunga ng “old normal”. Sabi nga nila, “old habits die hard”.
John Leo is the deputy executive director for Programs and Campaigns of Living Laudato Si’ Philippines and a member of the interim Secretariat of Aksyon Klima Pilipinas. He is a civil society delegate and speaker at COP27 in Sharm El Sheikh, Egypt, and a member of the Youth Advisory Group for Environmental and Climate Justice under the UNDP in Asia and the Pacific.