Homiliya para sa Huling Araw ng Simbang Gabi, Sabado ng Pang-apat na Linggo ng Adbiyento, Ika-24 ng Disyembre 2022, Luk 1:67-79
May napanood akong video kamakailan, isang napakagandang duet performance ng dalawang cellists. Nagkataon pa naman na pinakapaborito kong musical instrument ang cello—larger version ito ng violin na iniipit sa pagitan ng mga hita ng performer. Ang nanginginig na tunog ng dalawang cello ay para bang nanunuot sa kaibuturan ng puso, parang tumatangis o nananaghoy.
Lalo kang madadala dahil sa maramdaming interpretasyon ng performers na parang nakatingala pero nakapikit ang mata, na parang ang tinitingnan ay wala sa labas o sa itaas kundi nasa loob nila. Iyung mapapaiyak ka talaga sa pakikinig sa kanila. Alam nyo ba ang pamagat ng piyesang tinugtog nila? BENEDICTUS. At ito ang pagbasa natin ngayong huling araw ng Simbang Gabi, ang inawit ni Zacarias nang matapos ang kanyang pananahimik.
Palagay ko, kaya dalawang cellists ang tumugtog sa version na iyon ng Awit ni Zacarias, ay dahil dalawang bata ang binibigkasan ng orakulo ni Zacarias sa ating pagbasa: si Jesus at ang anak niyang si Juan. Bumibigkas siya ng isang orakulo na sa umpisa, ang kausap muna ay si Maria, pagkatapos si Jesus naman, pagkatapos lilipat kay Juan, at sa huli, babalik kay Jesus.
Di ba’t kahapon sa aking “reading between the lines” nasabi ko sa inyo na bukod kina Zacarias, Elizabeth at ang bagong silang na si Johnny Boy, mga kapitbahay at kamaganak, may dalawa pang karakter na naroon din sa eksena ngunit tahimik lang? Una, nandiyan pa rin si Maria, na mula sa pagiging alalay sa panganganak ni Elisabet, ngayon ay magiging babysitter ng sanggol na si Juan. At pangalawa ang tatlong buwan na baby Jesus sa sinapupunan niya.
Wala pa yata akong nakikitang imahen ng buntis na Mama Mary, na nagsisilbing “babysitter” ng sanggol na Juan Bautista. Sa imahinasyon ko, karga-karga niya ang batang Juan habang si Hesus ay dinadala niya sa kanyang sinapupunan. Ang gandang ilarawan sa isip ang dalawang bata na karga ni Maria: ang isa sa mga kamay niya, at ang isa sa loob ng tiyan niya. Isipin nyo ang dalawang sanggol na halos magkadikit, balat lang ang pagitan. Pinakikiramdaman ang isa’t isa.
Kahapon ang binasa ko sa pagitan ng mga linya ay ang papel na tahimik na ginampanan ni Maria upang mabuksan muli ang dila ng siyam na buwan na nanahimik na si Zacarias. Si Maria rin ang nagpalakas ng loob kay Elisabet upang harapin ang mga intrigerong kamaganak at kapitbahay at sabihing “Juan ang pangalan ng bata.”
Ngayon naman ang sandali na bibigkasin ni Zacarias ang isang orakulo tungkol sa magiging kapalaran ng dalawang bata. Kaya pala dalawang cello na nagsasagutan ang nagtanghal ng Benedictus o Awit ni Zacarias sa konsiyertong napanood ko sa video at nabanggit ko sa simula.
May tatlong bahagi ang pagsasagutan ng dalawang instrumento. Ang paunang tugtog ng unang cello ay para kay Maria: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel…” Sasariwain nito ang kasaysayan ng kaligtasan ng bayang Israel bilang pagtupad sa kanyang “banal na tipan.” Parang pagsang-ayon ito ni Zacarias sa naunang inawit na Magnificat ni Maria at ating narinig sa ebanghelyo kamakalawa, awit ng pagmamalaki sa Diyos.
Ang kasunod na tugtog ng ikalawang cello ay para naman sa sanggol na si Juan, ang sinabi ni Zacarias sa ikalawang bahagi, “Ikaw naman anak, ay tatawaging propeta ng kataas-taasan…” Bibigkasin niya ang magiging papel na gagampanan ni Juan bilang tagapaghanda ng daan at tagaturo ng landas ng kaligtasan.
At ang huling bahagi ay ang pagsasabayan ng dalawang cello. Parang ito ang huling bahagi ng orakulo ni Zacarias para naman kay Jesus: ang bahaging nagsasabing, “Sapagkat lubhang mahabagin ang ating Diyos; magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan.” Dito ipinahahayag na niya ang magiging misyon ng batang Anak ng Diyos na nasa sinapupunan ni Maria: ang “Araw ng Kaligtasan” na malapit nang masilayan tulad ng bukang liwayway, ang “magbibigay liwanag sa mga nasa kadiliman at papatnubay sa atin sa daan ng kapayapaan.”
Sa araw na ito tinatapos natin ang nobena ng simbang gabi. Siyam na gabi tayong para bang sama-samang nakilakbay kina San Jose at ang malapit nang magsilang na Mama Mary. Sama-samang nakinig sa salita ng Diyos at nagnilay sa ating mga karanasan sa buhay, sa liwanag ng ating pananampalataya. Para tayong tahimik na nakinig sa musika ng kasaysayan ng kaligtasan.
Maari kayang sa sandaling ito, ipikit ang mata, at pakinggan sa isip ang awit ni Zacarias na nagpapahayag ng kagandahang-loob ng Diyos? Panalangin ko na ang biyayang tinanggap ninyo sa siyam na gabi ng paglalamay at pakikilakbay ay mag-umapaw at maghatid ng sigla, galak at kapayapaan sa bawat taong batiin ninyo bukas ng maligayang Pasko.