HomeNewsParing Franciscano, nanawagan ng pangangalaga sa Sierra Madre

Paring Franciscano, nanawagan ng pangangalaga sa Sierra Madre

“Sana marealize ng mga tao na napakalaking ambag ng Sierra Madre sa atin”

Nanawagan si Father Pete Montallana, OFM, chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance, na patuloy na pangalagaan ang Sierra Madre laban sa anumang panganib na hatid ng mga mapaminsalang proyekto.

Ito ang pahayag ng pari matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Karding kasabay rin ng paggunita sa “Save Sierra Madre Day” ngayong araw, September 26.

Ayon kay Father Montallana, muling nasaksihan ang kakayahan ng bulubundukin ng Sierra Madre na pangalagaan ang bansa lalo na ang malaking bahagi ng Luzon, sa pamamagitan ng pagbasag at pagpapahina sa bagyo.



Sinabi ng pari na hindi lamang mainam sa pagtugon sa epekto ng bagyo ang bulubundukin at kagubatan ng Sierra Madre kundi maging sa pagtugon sa pagbabago ng klima ng bansa.

“Sana marealize ng mga tao na napakalaking ambag ng Sierra Madre sa atin,” aniya.

“Totohanin din sana ng Department of Environment and Natural Resources ang kanilang mandato na alagaan talaga ang kalikasan, at tayong lahat magtulung-tulong kasi ang buhay ng Sierra Madre ay buhay ng lahat,” pahayag ni Father Montallana sa Radio Veritas 846.

Iginiit ni Father Montallana na ang pagiging “natural barrier” ng Sierra Madre laban sa mga sakuna ang naghahatid ng kaligtasan sa mga tao dahil naiiwasan nito ang posibleng mga pinsalang dulot ng mga dumadaang bagyo sa bansa.

- Newsletter -

Samantala, hinihiling naman ng pari sa pamahalaan na muling pag-aralan ang mga binabalak na proyekto sa bahagi ng Sierra Madre lalo na ang Kaliwa Dam Project.

Sinabi ni Father Montallana na maliban sa negatibong epekto ng pagpuputol ng punongkahoy upang bigyang-daan ang Kaliwa Dam, nakaamba rin dito ang panganib ng aktibong Infanta fault line.

“It is almost sitting eight kilometers lang ang layo sa Kaliwa dam,” ayon sa pari.

“Imagine noong 1882, ang Infanta fault line, which is part of the Philippine fault line, nasira ang Infanta. Ang mga simbahan pati ang katedral d’yan sa Maynila ay nasira din. Ganyan kalakas ang Infanta fault line kapag gumalaw,” ayon kay Father Montallana.

Ang Sierra Madre na tinaguriang “backbone of Luzon” ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas na mayroong 500 kilometro ang haba at binabagtas ang mga lalawigan mula Cagayan hanggang Quezon.

Taong 2012 nang ideklara ni dating pangulong Benigno Aquino III ang “Save Sierra Madre Day” upang paigtingin ang pangangalaga sa bulubundukin at alalahanin ang mga naging biktima ng matinding pagbaha dulot ng pananalasa ng bagyong Ondoy noong 2009.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest