Tumatanggap na ang Diyosesis ng Pasig ng mga aplikante upang kumatawan sa diyosesis sa gaganaping World Youth Day 2023.
Magmula August 6 ay tumatanggap na ang diyosesis ng mga kabataang aplikante upang mapabilang sa delegasyon.
Inaanyayahan ni Bishop Mylo Hubert Vergara ng Pasig ang mga kabataan na makipag-ugnayan sa Pasig Diocesan Youth Ministry, o sa mini-website ng diyosesis para sa iba pang detalye ng pagpapatala.
“Mga minamahal kong kabataan ng Diyosesis ng Pasig, ipinababatid ko sa inyong lahat na ngayong araw August 6, 2022 ay pormal ko ng binubuksan ang pagtanggap ng mga aplikante bilang pilgrims o delegado ng ating Diyosesis ng Pasig sa darating na World Youth Day 2023 sa Lisbon, Portugal,” ayon sa paanyaya ni Bishop Vergara.
Gaganapin ang Pandaigdigang Pagtitipon ng mga Kabataan sa Lisbon, Portugal, mula August 1-6, 2023, matapos maipagpaliban ng isang taon dahil sa pandemya.
Taong 1986 ng unang isinagawa ang World Youth Day sa pangunguna ng noo’y Santo Papa na si St. John Paul II bilang pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan at layong ipalaganap at patuloy na patatagin ang pananampalataya.
Naitala naman sa Pilipinas noong 1995 World Youth Day Closing Mass ang World Record na “Largest Number of People Gathered for a Single Religious Event” na umabot sa limang milyong tao.