HomeCommentaryHindi mailap ang Diyos

Hindi mailap ang Diyos

Dumadating ang Diyos sa ating buhay pero kadalasan hindi sa paraan na inaasahan natin

Ang Diyos ay lumalapit sa atin. Hindi siya mailap. Siya ay nagpapakilala at nakikiisa. Kaya nga ang Diyos ay naging tao upang lumapit siya at makiisa sa atin. Si Jesus ay ang tunay at ganap na tao na katulad natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Ang ibig sabihin nito ay ang kasalanan ay hindi bahagi ng ating pagkatao kaya nga mas nababawasan ang kasalanan, mas tumitingkad ang ating pagiging makatao.

Nababasa natin sa huling aklat ng Bibliya, ang Aklat ng Pahayag, ang sinabi ni Jesus: “Nakatayo ako sa may pinto at kumakatok. Kung may makarinig sa boses ko at magbukas ng pinto, papasok ako at magsasama kaming kakain.” Nagpapaanyaya si Jesus na papasukin siya. Paano ba lumalapit ang Diyos sa atin at paano ba natin siya tatanggapin? Iyan ang sinasabi sa atin sa ating mga pagbasa ngayon.

Dumating ang Diyos kay Abraham sa unang pagbasa sa anyo ng tatlong lalaki. Isang araw, pagtaas ng mata ni Abraham, nakita niyang nakatayo sa harap niya ang tatlong lalaki na dayuhan. Kaagad niyang inimbitahan sila upang maipaghanda sila ng kaunting pagkain. Sa totoo lang, hindi lang siya kumuha sa refrigerator ng soft drink o bumili ng kape at tinapay sa tindahan. Wala namang refrigerator noon. Wala namang biscuit na nakalata, ni wala namang tindahan na matatakbuhan sa disyerto. Nagpakatay siya ng isang baka. Nagpaluto ng tinapay. Pumunta sa kanyang mga tupa at kumuha ng sariwang gatas. Talagang binigay niya ang “the best” niya sa kanyang panauhin na hindi man niya kakilala. At ang kanyang generosity ay ginantimpalaan. Ang Diyos pala ang naging panauhin niya. Pinangakuan si Sarah na magkakaroon ng anak — at nagkaroon nga ito — ang kaisa-isang anak niya na si Isaak.



Si Jesus ay lumapit din sa bahay ni Marta, at siya ay tinanggap. Busy si Marta sa paghahanda sa kanyang bisita. Hindi lang naman si Jesus iyon. Pati na rin ang kanyang mga alagad. Si Maria na kapatid ni Marta, sa halip sa tumulong sa kanya, ay nandoon sa paanan ni Jesus na nakikinig sa kanyang mga aral. Ang Diyos ay dumadating sa pamamagitan ng kanyang salita. Tanggapin natin siya. Makinig tayo sa kanya. Baka tulad tayo ni Marta na busy sa maraming bagay pero walang panahon na maupo nang tahimik na makinig sa Diyos. Maaaring ang trabaho para sa Diyos ang maging hadlang sa ating pakikinig sa kanya. Busy sa mga gawain na pangsimbahan at wala nang panahon na magdasal o magbasa ng Bibliya.

Dumadating din ang Diyos sa mga pangyayari na hindi natin inaasahan, tulad ng kahirapan. Ang kahirapan na ating nararanasan ay hindi nangangahulugan na malayo na ang Diyos sa atin. Nandiyan siya. Kaya nga si Jesus ay nandiyan, nakabitin sa Krus. Ang krus ay tanda ng kahirapan. Nandiyan si Jesus sa kahirapan!

Tulad ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, magalak tayo na magbata ng anumang kahirapan sa ating buhay sapagkat sa pamamagitan nito naipagpapatuloy natin at nakikiisa tayo sa kahirapan ni Jesus para sa simbahan na kanyang katawan. Tayo ay mapalad na hindi lang tayo nakikibahagi sa tagumpay ni Jesus, kundi pati na rin sa kanyang kahirapan at kamatayan. Nakikiisa din tayo sa pagdadala ng kaligtasan sa mundo kasama ni Jesus.

We are privileged to share in the sufferings of Christ for his body the Church. Kaya tanggapin natin nang may kasiyahan ang pakikiisa sa kahirapan ni Jesus. Ito rin ay si Jesus na dumadating sa atin.

- Newsletter -

Dumadating si Jesus sa pamamagitan ng ilang mga pintuan, at hindi lang iisa: ang pintuan ng mga dayuhan na nakakatagpo natin, ang pintuan ng salita na nagtuturo sa atin at ang pintuan ng kahirapan na nararanasan natin.

Papaano natin siya tatanggapin? Tanggapin natin siya ng may kagalakan, ng may kabukasan, ng may generosity. Papasukin natin siya at siya ay makikiisa sa atin. Tanungin natin sa ating sarili ngayon: Sa anong pintuan ba kumakatok ang Diyos sa buhay ko?

Noong nakaraang linggo nagkaroon ng meeting ang mga obispo ng ating bansa at ang mga laykong leaders ng ating mga diosesis para sa National Consultation on Synodality doon sa Tagaytay. Ang ibig sabihin ng synodality ay sabay-sabay na paglalakbay sa daan. Ang simbahan ay sabay-sabay na naglalakbay sa daan ng Panginoon tungo sa kaligtasan. Kasama dito ang mga obispo, mga pari, mga relihiyoso, mga laiko, mga mahihirap, mga katutubo at kahit na ang mga hindi nagsisimba o nasa labas ng simbahan. Ang lahat ay inililigtas ni Kristo, kaya ang lahat ay dapat makiisa at isama sa paglalakbay tungo sa kaligtasan. Magsasama-sama lamang tayo sa paglalakbay kung ang lahat ay pinakikinggan at tinatanggap natin. Palagi dapat nakabukas ang pintuan ng simbahan. Si Jesus ay nagsasalita sa atin sa maraming pamamaraan, kahit na sa mga tao at mga sitwasyon na hindi natin inaasahan.

Ang synodality ay isang hamon sa ating lahat kasi madaling mahulog sa mga kinasanayang mga pamamaraan, ang tinatawag na comfort zone natin. Nagiging sarado na tayo sa ibang pamamaraan ng paglapit ng Diyos sa atin. Hindi sana mangyari na si Jesus ay matagal nang kumakatok ngunit hindi natin siya pinagbubuksan ng pintuan. Maiiwanan tayo ng pagkakataon na maligtas.

Nagkaroon ng malaking baha dahil sa matinding ulan. Ang isang mama ay nagdasal sa Diyos na iligtas siya. Tinawag siya ng kapit-bahay na sumama sa kanya na pumunta sa mas mataas na lugar. Hindi niya ito pinansin. Dumaan ang isang bangka na pinasasakay siya, ayaw niyang sumakay kasi tutulungan naman daw siya ng Diyos. May dumating na helicopter upang kunin siya, ayaw niyang sumampa pero patuloy siyang nagdarasal sa Diyos. Tumaas nang tumaas ang tubig at nalunod siya. Sa kabilang buhay sinisi niya ang Diyos na hindi siya tinulungan. Sabi ng Diyos: Pinatawag na kita sa iyong kapitbahay, nagpadala na ng banca at ng helicopter pa at hindi ka naman tumugon. Ayan nalunod ka tuloy.

Dumadating ang Diyos sa ating buhay pero kadalasan hindi sa paraan na inaasahan natin. Kaya maging bukas tayo sa mga pamamaraan niya. Tanggapin natin ang mga dayuhan, makinig tayo sa kanyang salita, batahin natin ang kahirapan nang may kagalakan. Iyan din ang mga pintuan na ginagamit ng Diyos upang tayo ay mapalapit sa kanya.

Homily ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan, para sa Huloyo 17, 2022, 16th Sunday Year C

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Leave a Reply

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest