HomeCommentaryNawalan at napinsala, hindi dapat kalimutan

Nawalan at napinsala, hindi dapat kalimutan

Dapat pagtuunan ng pansin kung paano bibigyang hustisya ang mga nabiktima ng matinding bagyo, tagtuyot, at iba pang epekto ng krisis sa klima

Ngayong buwan ng Hulyo na itinuturing na “National Disaster Resilience Month,” dapat nating pag-isipan ano ang ibig sabihin ng kawalan? Ano ang kahulugan ng pagkasira?

Mayroon tayong kanya-kanyang pananaw tungkol dito. Para sa ilan, ang kawalan ay tumutukoy sa kawalang-malay kung nasaan or saan papunta. Maaari rin itong tumukoy sa pagkakait ng anumang bagay na mahalaga at hindi kayang palitan.

Maraming porma ang pagkasira. Makikita ito sa isang basag na bintana, pagkayupi ng harap ng sasakyan, o pagtangay sa buong bubong ng isang bahay. Maaari rin itong mangahulugan ng pagdadalamhati, trauma mula sa isang nakatatakot na karanasan, o sugat sa katawan.



Isipin niyo kung mararanasan niyo ang ilan o lahat ng ating nabanggit sa loob lamang ng ilang oras. Ang pakiramdam na iyong maiisip ay naranasan na ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Hindi ito pagmamalabis. Tanungin niyo ang mga nakaranas ng bangis ng Yolanda, Ompong, Rolly, Ondoy, o anumang bagyo sa nakalipas ng 15 taon.

Natatandaan niyo ba nang sinabi ng inyong kaibigan o kamag-anak na humihirap ang buhay habang tumatanda? Tapos isang umaga sa inyong pagbangon, mapagtatantong may mga bagay na hindi na kayang gawin dahil sa paglipas ng panahon.

Ang pakiramdam ng pagkawala ng mga pagkakataon o pagkasira ng paraan ng pamumuhay ay katulad sa naranasan ng mga pamilyang napilitang lumikas dahil sa matinding tagtuyot o pagtaas ng tubig sa karagatan, pero sa higit na mas masakit na antas. Masyado ng marami ang mga ganitong kaso sa Pilipinas o saan man sa mundo.

Ito ang tindi ng epekto ng pagbabago ng klima, isang krisis na ating kagagawan bilang sangkatauhan. Ito ay partikular na idinulot ng matinding polusyon mula sa mga korporasyon at hinayaang mangyari ng mga pamahalaan ng mayayamang bansa. Ito ay ginawa sa ngalan ng konsepto ng kaunlaran na depektibo at hindi-makatarungan, na nagbunga ng mga suliraning hinaharap ngayon ng ating bansa.

- Newsletter -

May dalawang uri ng pagharap sa krisis sa klima. Ang una ay ang mitigasyon o pagbabawas ng polusyong nagpapalala ng problema: ang mga greenhouse gas galing sa mga gawain ng tao, lalo na ang pagsusunog ng mga fossil fuel tulad ng coal at natural gas. Ang pangalawa ay ang adaptasyon ng mga komunidad sa mga epekto ng krisis sa klimang nangyayari na.

Pero patuloy na nahuhuli ang talab ng mga solusyong ipinapatupad sa bilis ng pagbabago ng klima. Ano ang mangyayari kapag sobra na ang mga epektong pang-ekonomiya, pangkalikasan, at panlipunan sa komunidad o kalikasan? Disaster. Delubyo.

Ito ang konteksto ng isyung loss and damage (L&D), mga kawalan at pagkasirang dulot ng krisis sa klima na lagpas sa hangganan ng adaptasyon o mitigasyon. Bagama’t makikita ang ilang bahagi ng isyung ito sa mga pandaigdigan at pambansang polisiya, ang paglala ng krisis sa klima ay nangangailangan ng pagtrato sa L&D sa kabuuan nito bilang isang agenda na kapantay sa prayoridad sa adaptasyon at mitigasyon.

Typhoon Rai (local name Odette), which his the country in December, leaves devastated homes in many areas in the southern Philippine city of Surigao. (Photo by Regina Layug Rosero/MSF)

‘Better than cure’

Nasa mataas na antas ng panganib ang Pilipinas sa krisis sa klima. Sa nakalipas na dekada, umabot sa PhP506 bilyon ang L&D ng Pilipinas dahil sa naturang suliranin, katumbas ng 0.5 percent ng pambansang ekonomiya.

Gamitin natin ang ganitong anggulo: Siyam sa sampung pinakamapaminsalang bagyo sa ating kasaysayan ay nangyari simula noong 2011. Para sa isang bansang palaging nasa daanan ng mga bagyo, dapat inaasahang mas magiging handa tayo at bababa ang pinsala ng mga mas bagong bagyo. Pero nitong nakaraang Disyembre, nagdulot ang bagyong Odette ng PhP51.8 bilyong pagkasira, ang pangalawang pinakamataas, sumunod sa epekto ng Yolanda.

Isang dahilan dito ang kabiguan sa mga stratehiya ng pamahalaan sa pagtugon sa mga parating na kalamidad. Ang nangyari sa mga bayang tinamaan ng Yolanda ay nagbigay ng labis na pagtutok sa pagresponde sa mga disaster na nagkaroon ng pagtutulak sa Kongreso sa pagbuo ng isang Department of Disaster Resilience, pero hindi dapat ito ipasa. Dapat unahin ng gobyerno ang pagpapabuti ng mga programa upang iwasan o ibaba ang antas ng panganib ng mga komunidad at kalikasan sa posibleng disaster bago pa ito mangyari, kabilang na ang pagbibigay-kapasidad sa mga lalawigan at munisipalidad.

Pero isa ring dahilan ang pagtindi ng mga sakunang mararanasan base sa pag-aaral ng mga eksperto na magdudulot ng mas mataas na L&D. Bilang isang developing country na may lagpas sa 20 percent ng populasyong lugmok sa kahirapan, magiging mas mahirap para sa Pilipinas na magpatupad ng adaptasyon o mitigasyon nang walang pagbabago ng polisiya o suporta mula sa ibang bansa.

Dapat ding pagtuunan ng pansin kung paano bibigyang hustisya ang mga nabiktima ng matinding bagyo, tagtuyot, at iba pang epekto ng krisis sa klima. Naririnig pa rin natin na may mga komunidad na hindi pa rin tuluyang nakababangaon ilang taon mula nang tamaan ng kalamidad. Dapat silang bayaran hindi lamang para sa L&D na may halagang pang-ekonomiya tulad ng mga nasirang bahay at nawalang kabuhayan, kundi pati na ang tinatawag na non-economic L&D, kagaya ng pagkawala ng lokal na kultura at epekto sa kalusugang pangkaisipan.

Ilan lamang ito sa maraming dahilan kung bakit dapat bigyang-prayoridad ng pamahalaan ang L&D sa agenda nito. Para sa bansang nagiging mas kilala sa karahasan sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, mga lider na hinahayaan ang pang-aabuso ng mga karapatang-pantao, at mas mataas na pagkadepende sa mga fossil fuel na mismong nagdudulot ng krisis sa klima, isa itong obligasyon na hindi maiiwasan.

Sabi nga nila, “prevention is better than cure”. Pero sa mga insidenteng nangyari na ang L&D, dapat nating tandaan ang sumusunod. Kapag nawala, kaya pang mahanap. Kapag nasira, maaari pang maayos.

Bahagi ito sa isang serye sa kampangya ng Living Laudato Si’ Philippines (LLS). Si John Leo ay deputy executive director for programs and campaigns ng LLS.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest