Ipamahagi sa mga magsasaka ang ipinangakong lupa at sundin ang batas sa ilalim ng Agrarian Reform.
Ito ang panawagan Bishop Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan, para sa mga magsasaka ng Barangay Sumalo, Hermosa Bataan.
“Palaging sinasabi ng Simbahan na ang kayamanan, kayamanan ng lupa ay kayamanan ng lahat,” aniya.
“Ang mga maliliit na farmers ay may karapatan, at may batas tayo diyan, may karapatan sila sa lupa at hindi lang sila pinangakuan ay naayon sa batas ang agrarian reform,” sabi ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas 846.
Ginawa ng obispo ang apela upang matigil na ang kaguluhan sa lugar kung saan isa sa mga magsasaka ang napatay matapos akusahan ng trespassing.
Patuloy ang panawagan ng Samahan ng mga Nagkakaisang Mamamayan ng Barangay Sumalo sa pamahalaan at sa Department of Agrarian Reform na ipamahagi na ang mga ipinangakong lupa na inaangkin ng kompanyang Riverforest Development Corporation.
Nabatid mula sa mga magsasaka na taong 1970 nang magsimula ang pang-aangkin ng RDC sa mga lupang sakahan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na kailangang manindigan ang bagong pamahalaan para sa maliliit na magsasaka na siyang layunin ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reform upang matigil na ang mga kaguluhan sa kanayunan.
“Ito yung dahilan ng maraming gulo sa kanayunan dahil sa hindi makatarungan o hindi nabibigyan ng hustisya ang mga tao,” ayon sa obispo.
Leave a Reply