HomeCommentaryBakit mahalaga ang aktibismo sa aksyong pangklima at pangkalikasan?

Bakit mahalaga ang aktibismo sa aksyong pangklima at pangkalikasan?

Hindi nagbabago ang katotohanang kailangan ang makabuluhang partisipasyon ng lipunang sibil para sa aksyong pangklima at pangkalikasan

Masasabing mas maraming hamon ang hinaharap ng lipunang sibil sa Pilipinas, lalo na ang mga aktibista, kumpara sa anumang taon magmula sa panahon ng Batas Militar. Posibleng lalong lalala ang kasulukuyang sitwasyon dahil may uupo na namang isang Marcos sa Malakanyang dahil sa gawa-gawang imaheng pinaniniwalaan ng marami.

Sa aking karanasan bilang tagapagsulong ng adbokasiyang pangklima at pangkalikasan, narinig ko na ang lahat ng klase ng paninira. Halos nagiging uso na ang red-tagging, na ibang-iba ang konteksto kumpara sa gawaing ipinakita sa “Meteor Garden.” Nakaranas ang ilan sa aking mga panyero ng panliligalig nang walang matinong dahilan. Nakatanggap na rin ako ng mga death threat mula sa mga duwag na nagtatago sa mga pekeng social media profile dahil hindi ako tinatablan ng pamemeke ng kasaysayan at bulag na katapatan.

Sa nakalipas na mga taon, nabubuo ang reputasyon ng mga aktibista bilang mga bayarang epal, nag-iingay nang walang saysay, o mga banta sa kapayapaan ng bansa. Isa ito sa maraming indikasyon ng lumalaking pagkakahati-hati sa isang nasyong desperado sa tunay na pagkakaisa, na ibang-iba sa brand na itinutulak sa nakaraang kampanya.



Sa kritikal na punto sa ating kasaysayan, nagiging mas mahalaga ang papel ng aktibismo, lalo na pagdating sa aksyong pangklima at pangkalikasan.

Bakit mahalaga ang lipunang sibil?

Kabilang ang mga aktibista sa sektor ng “lipunang sibil,” mga organisasyong hindi kabilang sa pamahalaan, kagaya ng mga grupong nagsusulong ng adbokasiya, mga katutubo, asosasyon ng mga propesyonal, mga foundation, at institusyong pang-akademiya. Marami sa kanila ang kumakatawan o direktang nakikipag-ugnayan sa mga komunidad na pinakananganganib sa mga epekto ng krisis sa klima at kalikasan.

Malaki ang papel ng lipunang sibil sa lokal at pambansang likas-kayang pag-unlad. Pinakakilala ang sektor sa pagbabantay sa mga gawain ng pamahalaan at mga negosyante at pagsisiguro na kanilang pananagutan sa mga polisiya at gawaing ipinapatupad; dito rin nag-uugat ang mga kritisismong ibinabato sa nasabing sektor. Gayunpaman, ang ganitong tungkulin ay kahawig sa checks-and-balances na sistemang nakikita sa tatlong sangay ng gobyerno.

- Newsletter -

Pero hindi lamang limitado sa pagbabantay o pagproprotesta ang gawain ng mga civil society organization (CSO). Nagbibigay sila ng tulong at suporta sa pamahalaan sa pagpapatupad ng mga patakaran at programa, at magsulong ng alternatibong polisiya kung kinakailangan. Isang halimbawa nito ay ang pagpapatupad ng mga climate field school at iba pang proyekto sa ilalim ng People’s Survival Fund, na nakalaan para sa programang pang-adaptasyon para sa mga bulnerableng sektor, katulad ng agrikultura.

Ang mga CSO ay ilan rin sa mga unang rumeresponde sa mga biktima ng kalamidad. Sa pagtama ng mga bagyong tulad ng Yolanda o Odette, kabilang sila sa mga nagdadala ng tulong sa mga apektadong komunidad, kasama ng mga lokal na pamahalaan, internasyonal na ahensya, at mga negosyo.

Kabilang rin ang sektor sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng mga karapatang pantao at hustisyang panlipunan. Makikita ang ganitong punto noong 2015 nang naghain ng petisyon ang ilang CSO sa Commission on Human Rights na imbestigahan ang pananagutan ng mga korporasyon sa pagdudulot ng krisis sa klima. Nagtapos ang imbestigasyon nitong Mayo kung kailan iniulat ng komisyon na maaaring kasuhan ang mga kumpanyang konektado sa mga fossil fuel dahil sa mga paglabag sa karapatang pantaong dulot ng kanilang polusyong ibinubuga.

Climate activists hold a demonstration outside the Commission on Human Rights office in Quezon City to demand the release of the report on the world’s first National Inquiry on Climate Change. (Photo supplied)

Taliwas sa pananaw ng publiko, posible ring maging tulay ang mga CSO sa pagitan ng pamahalaan at mga mamamayan na mahalaga sa pagsusulong ng aksyong pangklima at pangkalikasan. Ito ay para siguruhing maririnig at maisasama ang hinaing ng mga bulnerableng sektor sa mga binubuong desisyon at batas. Mula sa nasabing konteksto, nararapat na purihin ang inilunsad na pakikipagpulong ng Climate Change Commission sa mga CSO bawat buwan upang pagtibayin ang ugnayan ng dalawang sektor.

Katulad ng mga isyung pangklima at pangkalikasan, hindi rin madalas naisasapubliko ang ganitong mga gawain ng lipunang sibil sa mga malalaking organisasyon sa media, dala ng kagustuhan para sa sensationalized na pagbabalita na mas popular sa maraming Pilipino. Bagama’t hindi pagkuha ng malawakang papuri ang pangunahing layunin ng mga CSO, isa itong salik na nagbibigay ng hindi-magandang reputasyon para sa nasabing sektor, lalo na sa maraming aktibista.

Ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang panghinaan tayo ng loob. Natatandaan kong may palaging nagsasabi na hindi dapat tayo mag-aksaya ng oras para sisihin ang pamahalaan at sa halip ay mas pagtuunan ng pansin ang pagpapatupad ng mga solusyon. Habang hindi dapat baliwalain ang direktang kahulugan ng ganitong mensahe, maaaring humina ang importansya ng pananagutan at katapatan sa pamamahala sa ganitong kaugalian. Masasabing ang ganitong pagbabaliwala ay isa na sa mga dahilan ng mas naghihirap na kalagayan ng ating bansa.

Sa nakalipas na mga taon, masasabing ipinapasa ng ilang opisyal ng gobyerno ang kanilang nakamandatong tungkulin sa mga aktibista at CSO, at natatabunan ang magandang trabahong ginagawa ng ibang ahensya. Bagama’t gusto ng mga CSO na magbigay ng suporta, mandato pa rin ng pamahalaan na maglabas ng malinaw na plano sa pagbabawas ng ibinubugang polusyon, makatarungang transisyon para sa mga tsuper ng dyip at sektor ng enerhiya, at iba pang datos na kailangan sa napapanahong pag-iimplementa ng mga solusyon.

Sa pagsusulong ng adbokasiyang pangklima at pangkalikasan, kailangang magtulungan ang lahat ng sektor. Hindi man nila aminin, maraming dapat na patunayan ang papasok na liderato sa pag-iwas sa pag-ulit ng mga kamalian sa nakaraan. Subalit base sa pagtatalaga ng mga pamilyar na pangalang representante ng mga teknokrat, sikat na personalidad, at politikal na pamilya sa kaniyang gabinete, halatang hindi interesado ang mismong kampo ni Marcos na magsulong ng tunay na pagkakaisa, lalo na sa mga sektor na taliwas ang pananaw.

Hindi nagbabago ang katotohanang kailangan ang makabuluhang partisipasyon ng lipunang sibil para sa aksyong pangklima at pangkalikasan. Ang partisipasyong ito ay nararapat na walang bahid ng pagbabanta sa aming mga karapatan at kalayaan. Hindi kailanman masisira ng pekeng naratibo ang diwa ng aktibismo, dahil hindi lamang ito usapin ng ating demokrasya; kailangan ito para sa ating pagkamit ng tamang uri ng pag-unlad.

Bakit pa ba tayo magtataguyod ng ating adbokasiya kung sapat na talaga ang ginagawa?

John Leo is the deputy executive director of Programs and Campaigns of Living Laudato Si’ Philippines and a member of the interim Secretariat of Aksyon Klima Pilipinas. He has been representing Philippine civil society in regional and global UN conferences on climate and the environment since 2017. He has been a climate and environmental journalist since 2016.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest