Ikinalungkot at kinundena ng obispo ng Diyosesis ng Malaybalay ang pamamaril sa grupo ni presidential candidate Leody de Guzman na bumisita sa mga Lumad sa probinsya ng Bukidnon noong Abril 19.
Kinundena ni Bishop Noel Pedregosa ang karahasan, lalo na nangyari ito habang ipinagdiriwang ng Simbahan ang Muling Pagkabuhay ni Hesus na tagapagpalaganap ng kapayapaan sa lipunan.
“It is sad that it had to happen during this continuing celebration of the Octave of Easter where the main message of the Lord to humanity through the Church is peace,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pedregosa.
Nangyari ang pamamaril habang nagpulong ang mga magsasaka at Lumad kasama si presidential aspirant at labor leader na si Ka Leody.
Tinalakay sa pulong ang pamamaraan upang mabawi ng Manobo-Pulangiyon tribe ang kanilang lupang minana.
Batay sa pahayag ng diyosesis, dalawang Lumad at dalawang human rights advocate ang nasugatan sa insidente habang nakaligtas naman sina De Guzman at senatorial aspirant Roy Cabonegro at David D’Angelo.
Apela ng diyosesis sa pamahalaan ang maayos na pagpatupad sa Indigenous Peoples Rights Act of 1997 na nangangalaga sa karapatan ng mga katutubo sa bansa kasama na ang kanilang ancestral lands.
Panawagan din ni Bishop Pedregosa ang dayalogo sa pagitan ng magkabilang panig upang higit na manaig ang katotohanan at katarungan at iiral ang pagkakaisa sa komunidad.
“We would like to appeal to all concerned government agencies to go to the table of synodality, dialogue, reconciliation and assistance for the sake of peace and of the integral and sustainable development of the Lumads who have the rights to their ancestral domain claims which for many years have been deprived from them,” ani Bishop Pedregosa.
Una nang kinundena ng pamahalaan ang pamamaril at iginiit na walang puwang sa pamayanan ang anumang uri ng karahasan.