Kung may problema, dapat alamin ang pinagmulan.
Pagdating sa krisis sa klima, ang pinagmulan ay ang labis na polusyon galing sa gawain ng tao, lalo na ang pagsusunog ng mga fossil fuel, katulad ng coal at natural gas. Ang polusyong kanilang ibinubuga ay nasa anyo ng greenhouse gas (GHG), na siyang nagdudulot ng pangkalahatang pag-init ng ating mundo at mga malakihang pagbabago sa ating kapaligiran. Sa kasalukuyan, aabot sa 1 degree Celsius na ang itinaas ng ating temperatura.
Noong Abril 4, inilabas ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ang huling bahagi ng pandaigdigang ulat tungkol sa mitigasyon, o pagbabawas ng ibinubugang GHG. Nananatiling kumplikado ang pagpapatupad nito, lalo na’t karamihan sa ating kuryente at enerhiyang ginagamit sa ating pang-araw-araw na mga gawain at mga aktibidad sa ilalim ng ating ekonomiya ay nagmumula sa mga fossil fuel.
Ngunit malinaw pa rin ang mensahe: dapat nang magtapos ang ating pagdepende sa mga fossil fuel.
Ang pandaigdigang naratibo
Kahit na matagal nang napatunayan ang epekto ng mga GHG sa pag-init ng ating mundo, ipinapakita ng ulat ng IPCC na patuloy pa rin ang pagtaas ng naturang polusyon. Sa lahat ng emisyon mula 1850 hanggang 2019, ibinuga ang 42% ng mga GHG sa loob lamang ng nakalipas na tatlong dekada. Aabot sa 64% nito ay carbon dioxide na nanggagaling sa pagsusunog ng mga fossil fuel, na madalas makita sa sektor ng enerhiya at industriya.
Upang masolusyunan ito, dapat ipatupad ang mga aksyon sa dalawang aspeto ng mitigasyon. Ang una ay ang pag-iwas sa pagbubuga ng mas marami pang GHG. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang bawasan ang ating pagdepende sa mga fossil fuel at pagtitibay ng likas-kayang enerhiya o renewable energy (RE).
Pangalawa ang pag-aalis ng mga GHG na naibuga na sa ating atmospera at mga karagatan; ito ang polusyon na nagdulot ng mga kalamidad na ating naranasan, kabilang na ang mga bagyong Ondoy at Yolanda. Kabilang dito ang pag-aalaga at pagpapalawak ng mga “natural carbon sink” na kayang mag-alis ng carbon dioxide, katulad ng mga kagubatan at bakawan.
May ilang stratehiya nang ipinatutupad sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, ayon sa ulat. Nagiging mura na ang mga teknolohiyang RE tulad ng solar, wind, and baterya para sa dekuryenteng sasakyan sa loob ng nakaraang dekada, na isang dahilan kaya lumalaganap ang paggamit sa kanila. Ilang bansa na rin ang nagpabuti ng kanilang mga programa sa energy efficiency, paglaban sa pagkasira ng mga kagubatan, at pagbuo ng mas malinis na teknolohiya.
Gayunpaman, kulang na kulang pa rin ang mga nasabing programa upang pigilan ang pag-init ng mundo. Sa katunayan, kung maipapatupad ang mga plano ng lahat ng bansa sa mitigasyon, magdudulot pa rin ito ng 2.8 degrees Celsius na pag-init. Lagpas ito sa target na 1.5 degrees sa ilalim ng Paris Agreement, ang puntong itinuturing ng maraming eksperto na magiging mahirap nang pigilan ang mga epekto ng krisis sa klima.
Upang iwasan ang naturang pag-init, kailangang bawasan ng 84% ang ibinubugang GHG pagdating ng 2050. Kailangang bawasan ang paggamit ng mga fossil fuel; halos hindi na maaaring magsunog ng coal at mababawasan ng 45% ang paggamit ng natural gas. Halos lahat ng ating kuryente ay manggagaling sa RE. Dapat ding bawasan ang polusyon mula sa supply chain ng mga sektor ng industriya at transportasyon.
Upang makamit ito, kailangang magtulungan ang mga gobyerno, negosyo, at iba pang sektor upang mapabilis ang paglaganap ng mga malakihang likas-kayang teknolohiya at pagbababa ng kanilang presyo. Maaari itong makuha sa pamamagitan ng mas maraming pamumuhunan at iba pang uri ng pagpopondo sa mitigasyon, na tumaas ng 60% sa mga nakalipas na taon. Subalit mas mataas pa rin ang pagpopondo sa industriya ng fossil fuel kumpara sa mga solusyon laban sa krisis sa klima.
Ang misyon ng nasyon
Kahit na isa ito sa mga pinakananganganib na bansa sa krisis sa klima, ang Pilipinas ay responsable para lamang sa 0.3% ng lahat ng ibinubugang GHG. Dahil sa tindi ng pinsalang naidulot na sa ating bansa, nagdesisyon ang ating pamahalaan na iangkla ang ating pambansang stratehiya sa adaptasyon upang protektahan ang kapakanan ng milyun-milyong Pilipino.
Hindi ito nangahuhulugang hindi na iintindihin ng Pilipinas ang mitigasyon. Bilang isang bansang nananawagan ng hustisyang pangklima sa mga pandaigdigang pagpupulong, hindi dapat nito sundin ang pamamaraan ng pag-unlad ng mga mayayamang bansa na nagbuga ng sobrang daming GHG at silang nagdulot ng krisis sa klima.
Mahalaga rin para sa Pilipinas ang iba pang benepisyong ibinibigay ng mitigasyon na makatutulong sa pambansang pag-unlad. Kabilang dito ang seguridad sa pagkain at tubig, pag-aalaga sa ating kalikasan, at panlipunang seguridad, na kasama sa mga sakop na sektor sa ilalim ng National Climate Change Action Plan.
Dapat bigyang-pansin ang pagpapalaganap ng RE. Bagaman may batas ang Pilipinas pagdating sa RE simula noong 2008, bumababa ang porsyento ng RE sa ating energy mix sa nakalipas na dalawang dekada. Posible ang 40% RE pagdating ng 2040 o mas maaga pa, na dapat nang ipatupad ng pamahalaan.
Kailangang agarang ipatupad ang just transition patungo sa pagpapalaganap ng RE, kabilang na ang pag-phaseout ng mga coal-fired power plant. Kung pagbabasehan ang ulat ng IPCC, dapat ring itigil ang mga panukalang magtayo ng mga planta para sa natural gas. Nararapat na iwasan ang mga di-tunay na solusyon, lalo na ang nuclear power, at gamitin sa halip ang pondo upang palaganapin ang solar, wind, at iba pang uri ng RE.
Ang Pilipinas ay nangangailangan rin ng mga polisiya na magtutulak sa mga korporasyon na mag-divest ng kanilang pera mula sa mga fossil fuel at ilipat ito sa RE at iba pang mas malinis na teknolohiya. Ang desisyon ng Rizal Commercial Banking Corporation na tuluyan nang iwan ang pagpopondo ng coal at ituon ang kanilang pagpopondo sa RE pagdating ng 2031 ay patunay na lumalaganap ang ganitong pagtingin.
Alam na natin ang problema at ang solusyon. Posible palang ating bawasan ng 50% ang ating polusyon sa susunod na dekada. Iba siyempre ang pagsasalita sa paggawa. Kaya pagdating sa pagaksyon laban sa krisis sa klima, kailangan nating mamuhunan sa ating kinabukasan.
Si John Leo ang deputy executive director for programs and campaigns ng Living Laudato Si’ Philippines, at miyembro ng interim Secretariat ng Aksyon Klima Pilipinas. Isa rin siya sa mga reviewers ng IPCC Working Group II Sixth Assessment Report.