Ang mga dokumento ng Vatican II at Canon Law ang ginamit ng mga manunulat upang patunayan na ang kaparian ay hindi maaaring lumahok sa usaping pulitikal sapagkat ang angkop na misyon ng Simbahan ay “pang-relihiyoso.”
Ayon sa mga nasusulat sa ibaba at sa iba pang dokumentong pang-Simbahan, ang konklusyon ay ang mga obispo at mga pari ay hindi maaaring makilahok sa partisan politics. Ang gawaing ito ay maaaring paglampas na kanyang layunin, tulad ng sabi ng isang manunulat.
Si Kristo ay hindi nagbigay sa Simbahan ng tuwirang misyon sa pulitikal, ekonomik, o panlipunang gawain. Ang layunin na iniatas Niya sa Simbahan ay “religious.”
Ang Simbahan, sa kanyang gampanin at kakayahan, ay hindi maaaring iugnay sa kahit anong paraan sa pamayanang pulitikal o kaya ay sa isang sistemang pulitikal. Siya ay palagiang tanda at tagapangalaga ng sumasaibayong karakter ng isang tao.
Tuklasin natin ang ibig ipakahulugan nito sa konteksto ng Vatican II:
Una, ang “Simbahan” ay hindi katumbas ng mga obispo at ng mga pari. Gamit ang parehong mga dokumento, ang Simbahan ay ang “buong sambayanan ng Diyos” – layko, mga relihiyoso at relihiyosa, at mga pari. Kaya kung ilarawan ang misyon ng Simbahan bilang “religious” ay magiging patungkol ito sa Simbahan bilang isang buong katawan, bilang isang buong institusyon. Upang limitahan ito para sa mga pari lamang ay maituturing na “clericalism.”
Ikalawa, kapag binasa nating lubos ang Gaudium et Spes (GS), ang kanyang layunin ay upang tukuyin ang ginagampanan ng Simbahan sa “modernong panahon.” Upang ihiwalay ang Simbahan sa mundo ng pulitika at ekonomiks ay labag sa layunin ng Vatican II.
Sa totoo, pagkatapos ng pagtukoy sa gampanin ng Simbahan bilang isang “religious,” isang mahalagang pahayag ang sumunod dito: “Subalit mula sa misyong pang-relihiyon niya mismo ay uusbong ang isang gampanin” sa panlipunan, ekonomik, at pulitikal na mundo. Ang sumusunod na kabanata ay tumutukoy sa mga maka-Kristiyanong gawain nito sa mundo – paglinang sa kultura (Ch 2); buhay ekonomik (Ch 3); pulitika (Ch 4); pagsusulong ng kapayapaan (Ch 5). Ito ay nilalaman ng Gaudium et Spes.
Upang isulong pa na ang Simbahan ay hindi dapat makihalubilo sa secular na usapin dahil ang misyon niya ay “religious” lamang ay hindi naman ipinapahiwatig ng Vatican II. GS 43 – iyong susunod na pahayag sa nabanggit na sa itaas na madalas gawing batayan ay may mahalagang paalala: “The split between the faith which many profess and their daily lives [in the cultural, economic and political worlds] deserves to be counted among the more serious errors of our age.” (GS 43)
Ang dualismo na ito ay hindi nakakatulong. Sa kabilang banda, sinusuportahan pa nito ang balikong espiritwalidad na mababakas sa marami ngayon—sa parehong layko at pari. Sa kabilang banda, ito ngayon ay siyang ginagamit ng mga kumakapit sa kapangyarihan upang limitahan ang pagsalungat at humingi ng accountability sa pamamagitan ng pagtukoy dito sa usapin ng “separation of the Church and State.”
Isinalin mula sa Ingles ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan.
Si Father Daniel Franklin Pilario, C.M. ay isang theologian, professor, at pastor ng urban poor community sa Payatas. Siya rin ay Vincentian Chair for Social Justice sa St. John’s University sa New York.