HomeDiocesan ReportsObispo ng Puerto Princesa, nangangamba dahil sa patuloy na pagmimina

Obispo ng Puerto Princesa, nangangamba dahil sa patuloy na pagmimina

Ayon kay Bishop Mesiona, lubhang maaapektuhan ng pagmimina ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa mga ginagamit na kemikal

Nangangamba si Bishop Socrates Mesiona ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa para sa kalagayan ng mga magsasaka sa Brooke’s Point, Palawan, dahil sa epekto ng pagmimina.

Kaugnay ito sa binabalak na muling ipagpatuloy ang pagmimina sa Barangay Ipilan, Brooke’s Point, ng Lebach Mining Corporation kasunod ng pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ban ng “open-pit mining.”

Ayon kay Bishop Mesiona, chairman ng Episcopal Commission on Mission ng CBCP, lubhang maaapektuhan ng pagmimina ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa mga ginagamit na kemikal na mapanganib kapag napunta sa mga pananim.



Sinabi ng obispo na nagreresulta rin sa malawakang pagbaha ang pagmimina lalo na kapag may kalamidad dahil ang mga tubig na magmumula sa mga pinatag na kabundukan ay bababa sa paanan ng bundok at direktang makakaapekto sa hanapbuhay ng mga magsasaka.

“Maapektuhan na naman ang mga magsasaka dahil sa chemicals na gagamitin sa pagmimina,” ayon sa obispo.

“Tiyak tayo na pag umuulan at bumabaha ay pupunta ito sa mga palayan at sakahan ng mga magsasaka,” pahayag ni Bishop Mesiona sa panayam ng Radio Veritas 846.

Nauna nang sinabi ni Bishop Mesiona na ang pagmimina sa Palawan ang dahilan ng madalas nang pagbaha sa lalawigan na naranasan noong Disyembre 2021 dulot ng Bagyong Odette.

- Newsletter -

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa halos limang bilyong piso ang halaga ng mga nasirang pananim dahil sa pinsalang iniwan ng bagyo.

Nanawagan naman si Bishop Mesiona sa mga kinauukulan na gampanan ang kanilang mga tungkulin at isaalang-alang ang kapakanan ng kalikasan at taumbayan bago pahintulutan ang proyekto.

“Kaya panawagan po natin sa kinauukulan na pag-isipang maigi bago ipagpatuloy ang planong pagbubukas ng minahang ito,” ayon kay Bishop Mesiona.

Ang Lebach Mining Corporation na nakatuon sa nickel ore extraction project ay kabilang sa 28 minahan sa bansa na sinuspinde noong 2017 ng dating Department of Environment and Natural Resources Secretary at yumaong si Gina Lopez.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest