Inendorso ng Lipa Archdiocesan Council of the Laity ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo para sa pagkapangulo sa darating na halalan sa Mayo.
Sa opisyal na pahayag ng Lipa Archdiocesan Council of the Laity, ibinahagi nito na ang desisyon ay bunga ng “process of discernment” ng mga opisyal at kasaping layko ng arkidiyosesis.
Ayon sa kanila, dumaan sa mga serye ng pagpupulong, talakayan, at konsultasyon ang nasabing desisyon.
Partikular na tinukoy ng konseho bilang gabay para sa kanilang pagninilay at pagdidesisyon ang mga nakapaloob sa “Aral ng Batangueño” na naglalaman ng mga turo ng Simbahan.
Ayon sa grupo na pinangungunahan ni Maria Elizabeth Quinto, ang aktibong pagkikisangkot sa nakatakdang halalan ay ang kanilang tugon sa hamon ng Second Plenary Council of the Philippines na pangunahan ng mga layko ang paghubog sa “civic conscience” ng mga botante.
Ipinaliwanag ng konseho na hindi lamang limitado sa “non-partisan involvement” ang pakikisangkot ng mga layko sa usapin ng pulitika sapagkat higit na kinakailangan ang pangunguna ng mga layko sa “principled partisan participation” sa pagpili ng karapat-dapat na kandidato.
Kabilang sa mga pamantayan at katangiang kinilatis ng Lipa Archdiocesan Council of the Laity ay ang pagiging matapat, makatotohanan, may paninindigan at may tunay na intensyong maglingkod sa bayan ng mga kumakandidato para sa pagkapangulo kung saan higit na nangibabaw si Robredo.