HomeCommentaryPagbabago ng kasaysayan

Pagbabago ng kasaysayan

Marahil ay mababalangkas natin ang ating kasaysayan sa pamamagitan ng paghahanap at pag-i-interpret ng mga katotohanan o historical facts na walang halong political agenda

“Nasusuklam ako sa mga gera!” pagalit na pagdedeklara ng isang estudyante sa kolehiyo sa harap ng kanyang history professor. “Ibig kong mahinto ang lahat ng ganitong kaguluhan!”

Napangiti ang professor. Naisip niya, “Sa wakas ay nakatagpo ako ng brilliant student na may paninindigan at wastong pagpapahalaga sa sangkatauhan at lipunan.”

Nanabik ang huli na minahin pa ang kaisipan ng estudyante kaya’t nagtanong siya dito: “At bakit ganyan na lamang ang galit mo sa paglalaban-laban ng mga bansa? Maaari mo bang ipaliwanag sa akin at sa buong klase?”



Tumayo na mula sa pagkakaupo ang estudyante sabay pagpapahayag ng: “Never akong sasang-ayon sa mga gera dahil ang mga ito ang lumilikha ng kasaysayan. At mahina ako sa subject na History.”

Sino namang kabataan ang hindi masusuklam sa History? Marami na nga silang “angst” ay isang tambak pang detalye tungkol sa mga pangyayari daang taon na ang nakalilipas ang kailangang isaulo. Nasaan ang lohika dito? Nasaan ang katarungan?

Mahirap nga naman ang mag-aral ng kasaysayan, kaya’t makakasimpatiya tayo sa mag-aaral sa kwento. Maraming petsa, personalidad, at lugar ng mga pangyayari ang ipinapakabisa sa mga guro ng Kasaysayan, pero hindi naman nila ipinapaliwanag kung bakit mahalaga ang mga ito at kung paano ito maiuugnay sa buhay ng mga tao at sa kasalukuyang panahon.

Ang isa pa ay parami nang parami ang detalye sa pagtakbo ng panahon. Dumadami ang kakabisaduhin.

- Newsletter -

Gayunpaman, hindi maaaring iisantabi ang kasaysayan. Ang wika nga ng Amerikanong manunulat na si Robert Heinlein, “Ang isang henerasyon na hindi pumapansin sa kasaysayan ay walang nakaraan at walang kinabukasan.”

Ang kasaysayan ay hindi nahahawakan. Nababasa lamang ito o kaya ay naririnig sa mga pagkukwento ng matatanda. Gayunpaman, ito ay isang matibay na pinanghahawakan ng mga tao kaya nagkakaisa sila.

Ang tanong ay sino ang nagsusulat o nagkukwento ng kasaysayan? ‘Yun nga lang, ang kasaysayan ay idinidikta ng mga nananalo sa isang pagtutunggaling pulitikal o militar, ayon na rin kay Sir Winston Churchill. Ang bersyon nila ang kumakalat bilang kaalaman ng karamihan kahit may ibang bersyon ang kanila tinalong grupo.

Kaya naman ganoon na lamang ang pangangalaga ng mga naghaharing-uri o powers-that-be sa kanilang posisyon ng kapangyarihan. Kung sila’y mapapalitan, maiiba ang kwento, ang kasaysayan, ang pagpapahalaga ng mga tao, ang kanilang pagtingin sa buhay bilang isang nasyon.

Kaya ba marami ang tumututol sa tinatawag na “historical revisionism?” Ano nga ba ang ibig sabihin nito?

Sister Mary John Mananzan, a missionary Benedictine nun, speaks before the crowd during the 33rd anniversary of the 1986 ‘People Power’ revolution in 2019. (Photo by Jire Carreon)

Sa paghahanap ko ng kasagutan ay napagtanto ko na hindi naman pala masama ang historical revisionism per se. Parati naman palang ginagawa ito. Ito ay ang “re-interpretation” o muling pagtingin sa mga rekord ng kasaysayan.

Ang kasaysayan ay kwento ng isang kolektibo ng mga tao sa loob ng mga henerasyon. Ito ang bukal na pinagmumulan ng mga pagpapahalagang pinanghahawakan ng populasyon na naniniwala sa kwentong ito.

Kailan lamang ay nag-conduct ng isang online forum tungkol umano sa krisis ng disinformation at historical revisionism ang church and society committee ng aming denominasyon. Sayang at hindi ako nakadalo, may nauna na kasi akong naka-iskedyul na lakad. Pero nagtanong ako sa isang kaibigan.

“Kumusta naman ang forum noong Sabado?” tanong ko.

“Ayun, naging forum para tirahin si BBM,” sagot niyang halatang inis. Mas malamang ay maka-Bong Bong Marcos itong napagtanungan ko.

Ang inaasahan umano niya mula sa tatlong nagsalita na pawang professor ng Unibersidad ng Pilipinas ay magbibigay sila ng mga obhetibong pananaw tungkol sa nasabing mga topiko. Kung sana aniya ay hindi tinatratong isang kasangkapang pulitikal ang kasaysayan, may kapaki-pakinabang ang forum.

Dagdag niya, ang mga historyador ay hindi kailangang magdala ng pangsariling agenda sa paghahanap ng mga historical facts, at obhetibo ang pag-i-interpret sa mga ito, sana’y hinog ang ating kaalaman bilang matatalinong mamamayan ng mga bansa.

Naintindihan ko naman ang punto ng kausap ko. Panahon ng kampanya ng mga pulitiko ngayon. Ramdam na ramdam ang umiigting na tensyon sa pagitan ng mga nag-i-interpret ng kasaysayan. May kanya-kanyang ipinipresentang bagong detalye na makapagbabago — o makakapagpatibay — ng tanggap na narrative na nabuo matapos ang tinatawag na People Power Revolt.

Bago kasi mangyari ito noong 1986, iba ang kasaysayang itinuturo sa mga paaralan. Iba ang bida at iba ang kontrabida. Nabaliktad nga ito nang mangyari ang People Power. Babaliktarin na naman kaya ito ng kung sino man ang mananalo ng pagtutunggaling pulitikal na magaganap sa darating na Mayo? Abangan ang susunod na kabanata.

‘Yan ang katunayan na ang tinatawag na historical revisionism ay hindi bago, Ito ay nangyayari tuwing nagpapalitan ng kapangyarihan. Kaya hindi rin natin masisi kung galit ang college student na binanggit natin sa subject na History.

Hindi siya nag-iisa sa pagiging bopols sa nasabing subject. Sino ba ang hindi mabobobo? Kung kailan mo nakabisado na ang mga dapat kabisaduhan ay saka nila babaguhin ang mga detalye o kaya ang buong kwento mismo.

Marahil ay mababalangkas natin ang ating kasaysayan sa pamamagitan ng paghahanap at pag-i-interpret ng mga katotohanan o historical facts na walang halong political agenda, saka lamang natin ito mabibigyan ng wastong pagpapahalaga.

At hindi na rin ito kasusuklamang ng mga estudyante.

Si Fort Nicolas ay isang mamahayag at editor na, aniya, ay nasa ‘retirement mode’ na pero di pa rin mapipigilan ang kati sa kamay na magsulat. 

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest