HomeCommentaryIsang leksyon sa ‘economics’ ng buhay

Isang leksyon sa ‘economics’ ng buhay

Sa mga nakatatanda na marami nang karanasan, ang YOLO ay paalala na maghinay-hinay pagpasok na mga mapanganib at alanganing sitwasyon dahil iisa lang buhay ng tao

Ayon sa economics professor ko sa kolehiyo, tumataas ang halaga o presyo ng isang bagay kung maraming gustong bumili pero limitado ang suplay nito.

Halimbawa, marami ang gustong mag may-ari ng ginto at diyamante pero hindi madali ang gumawa nito. Sa madaling salita, limitado ang suplay. “Scarcity” ang tawag dito, ayon sa aking propesor. “Law of supply and demand” ‘aniya ang natural na mekanismo ang nagtatakda ng halaga ng mga bagay-bagay.

Kadalasan, mababa ang pagpapahalaga natin sa mga bagay na sa tingin natin ay marami naman ang supply. Kadalasan, hindi natin alam na mataas pala ang demand ng mga ito sa iba.



Naalala ko tuloy ang nangyari sa akin maraming taon na ang nakararaan. Naimbita ako mag-lektyur sa isang writing workshop sa Bukidnon na ginanap sa isang venue na nasa gitna ng malawak na malawak na pinyahang pag-aari ng isang sikat na kumpanya.

Masasarap naman ang mga pinakaing inihain sa amin sa loob ng ilang araw na nandoon kami, ngunit may napansin ako—hindi pa kami hinahainan ng pinya bilang panghimagas o kaya ay meryenda. Takam na takam pa naman kaming nagwo-workshop dahil amoy na amoy namin ang mga nahihinog na pinyang nakatanim sa paligid namin.

Nang sumapit ang umaga ng huling araw ay hindi na kami nakatiis. Nilapitan ko ang mga naghahanda ng pagkain at diretsa ko silang tinanong: “Kailan ba ninyo balak patikimin kami ng pinya?”

Napatingin sila sa akin na tila ba manghang-mangha sabay sagot na: “Ahh… gusto n’yo po ba? Kasi, sawa na kami d’yan eh.”

- Newsletter -

“Kayo ‘yun,” isip-isip ko. “Palibhasa tagarito kayo. Eh kami?”

Tulad sa kaso ng pinya, may iba-ibang pagpapahalaga ang iba’t ibang tao sa halaga ng buhay. Halimbawa ay ang ibang interpretasyon ng isang sikat na motto ng mga kabataan ngayon: “You only live once” o YOLO.

Sa kanilang pananaw, ito ay isang panawagan na maging malakas ang loob o “adventurous” at gawin maging ang mapapanganib na bagay upang ma-enjoy ang buhay. “Live on the edge,” ‘ika nga.

Sa mga nakatatanda na marami nang karanasan, ang YOLO ay paalala na maghinay-hinay pagpasok na mga mapanganib at alanganing sitwasyon dahil iisa lang buhay ng tao.

Kaya’t kumpara sa buhay, hindi ganoon kahalaga ang pera na maaaring malustay pero mababawi naman. Ang buhay—at oras na rin—ay mas mahalaga hindi na maaaring mabawi ang mga ito oras na lumipas na.

Kaya gayun na lang ang bilin ni Apostol Pablo sa atin: “[m]ag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay… Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon….”

Madalas kong marinig sa matatanda magmula noong bata pa ako na hiram lang ang buhay. Totoo nga yata dahil ayon sa Awit 90:9-10 ang mga salitang ito: “Sa kamay mo’y nagwawakas itong hiram naming buhay, parang bulong lamang ito na basta lamang dumaraan. Buhay nami’y umaabot ng pitumpung taong singkad, minsan nama’y walumpu, kung kam’y malakas; ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa’t hirap, pumapanaw pagkatapos, ditto sa sangmaliwanag.”

Nagulat ako nang madiskubre kong binanggit pala sa Banal na Kasulatan na ang karaniwang itinatagal na buhay ng isang tao ay 70 hanggang 80 anyos. Kinilabutan ako nang kaunti dito (kahit ako’y hindi pa naman “senior.” Isang tumbling pa.).

Kunsabagay, ito’y “average age” lang naman. Alam naman natin na sa reyalidad ay may mga namamatay nang maaga at mayroon namang umaabot sa 100 taong gulang sa kabilang banda.

Ang mga nakatatanda ang mas nakaka-appreciate marahil ng “scarcity” ng oras at buhay. Kaya para sa mga tumanda nang may pinagkatandaan, mahalaga ang bawat oras na lumilipas. Ang buhay ay isang napakahalagang regalo sa kanila ng Diyos kaya’t ipinagpapasalamat nila ito.

Bilang pasasalamat, nagsusumikap silang maging ehemplo ng mga kabataan. Isang paraan upang maging mabuting halimbawa ay ipakitang masaya mabuhay. Tandaan na maaaring piliing maging masaya. Wika nga ng pamosong Rusong nobelista na si Leo Tolstoy: “If you want to be happy, be!”

Maaaring mahirap gawin ito lalo na sa kasalukuyang panahon ng pandemya, ngunit maaari pa rin nating piliing magkaroon ng positibong pananaw sa buhay sa kabila ng lahat. Alam natin ang napakaraming masasamang karanasan at trauma na idinudulot ng COVID-19 pandemic, kabilang na ang pananalanta nito sa kalusugan ng ating pag-iisip.

Parami na nga nang parami ang may isyu ng mental health ay magdaragdag pa ba ang matatanda? Ang isa sa mabisang paraan upang maging masaya ay ang magbilang ng mga biyayang natatanggap. Halimbawa, buhay at humihinga pa naman tayo, ‘di ba? Pangalawa, balita ko ay papatapos na ang pandemya; kaunting kendeng na lang.

Maging “new normal” o “old normal” man ang dadatnan natin makalipas ang pandemya, mas malamang na nabago na rin ang perspektibo ng mga tao tungkol sa buhay at kamatayan.

Sa dami ng mga pumanaw na mga kamag-anak, mahal sa buhay, malalapit na kaibigan o kahit kakilala lamang na nawala na lang nang parang bula sa loob ng nakaraang dalawang taon, wala na tayong choice kundi tanggapin na dapat pahalagahan nang abot-langit ang patuloy pa tayong nabubuhay.

Tandaan na hiram lang ang buhay kaya’t enjoyin lang natin ito pero ‘wag na ‘wag sisirain. Baka magalit ang tunay na may-ari.

Si Fort Nicolas ay isang mamamahayag at editor na nasa “retirement mode” na.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest