Kung susumahin ang taong 2021 sa isang salita, ang sagot ay “ambisyon.”
Pansamantala lamang ang idinulot na pagbaba ng polusyon sa ating kapaligiran ng pandemyang COVID-19. Sa halip, bumagal ang pagpapatupad ng mga solusyon laban sa krisis sa klima, polusyong plastik, at iba pang mga isyu.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga biktima ng sakuna, pagkawala ng kabuhayan, at pinsala sa mga pamayanan at kalikasan, lumakas ang mga tawag sa buong mundo upang lalong mapabuti ang mga stratehiya, programa, at istilo ng pamumuno sa mga suliraning pangklima at pangkalikasan.
Sa ating pagbalik-tanaw sa nakalipas na 12 buwan, masakit tanggapin ang katotohanang nananatiling bingi ang ating mga lider sa panaghoy ng daigdig at mahihirap.
Isang halimbawa ay ang naganap na pandaigdigang negosasyon ukol sa krisis sa klima sa Glasgow, Scotland, kung saan literal na “mas mataas na ambisyon” ang pangunahing tema. Bago ang komperensya, ipinakita ng isang pandaigdigang ulat na kung hindi agad babawasan ang ibinubugang greenhouse gas ng mga bansa sa ating kapaligiran, aabot sa 1.5 degrees Celsius ang pag-init ng ating mundo bago ang taong 2040.
Para sa Pilipinas, ang anumang pagtaas pa ng temperatura ay magdudulot ng mas matinding kawalan at pinsala mula sa mas malakas na bagyo, mas matinding tagtuyot, pagtaas ng nibel ng tubig-dagat, at iba pa. Ang iniwang pinsala ng bagyong Odette, na halos kasinlakas ng Yolanda, sa Visayas at Mindanao ay isa na namang paalala na hindi tayo dapat maging kampante pagdating sa krisis sa klima.
Matapos ang dalawang linggong pag-uusap, muling nangako ang mga bansa upang bawasan ang paggamit ng mga maruming pinagmumulan ng enerhiya, lalo na ang coal. Tumaas ang ilalaang pondo sa mas epektibong renewable energy (RE), adaptasyon ng mga bulnerableng bansa katulad ng Pilipinas, at pag-aalaga ng kagubatan at iba pang ecosystems. Sa harap ng buong mundo, nagbigay ng talumpati, nagkamayan, at nagpalitrato ang mga pinuno ng mga pamahalaan at malalaking korporasyon.
Subalit aabot sa 2.4 degrees Celsius ang idudulot ng mga nasabing bagong plano na pag-init ng mundo, higit na mas mataas sa target na 1.5. Kung kulang na agad ang ambisyon, gaano kaepektibo ang mga planong pag-aksyon laban sa pinakamalubhang suliranin ng ating panahon?
Tinimbang ngunit kulang
Hindi sapat ang naging ambisyon o aksyon ng Pilipinas laban sa mga isyung pangklima at pangkalikasan. Hindi ito dahil sa kakulangan ng inisyatibo ng mga komunidad at eksperto; nananatili ang nakadidismayang pamamahalang pangkapaligiran dahil sa mga pamilyar na problema sa burukrasya na nagpapahina ng mabuting epekto ng mga polisiya at programa.
Halimbawa, tumagal ng ilang taon bago natapos ang pagbuo ng ating Nationally Determined Contributions, ang ating ipinangakong plano upang labanan ang krisis sa klima. Sa unang tingin, mukhang ambisyoso ang target na bawasan ang ibinubugang carbon dioxide at iba pang uri ng polusyon ng 75% sa loob ng kasalukuyang dekada. Ngunit wala pa ring isinapublikong pangmatagalang stratehiya at klarong listahan ng mga solusyon upang makamit ito, na magpapahirap sa ating pag-unlad.
Mahalagang maging likas-kaya ang sektor ng enerhiya upang mapalakas ang katumbalikwasan o resilience ng ating bansa. Gayunpaman, nanatiling urong-sulong ang gobyerno sa naturang usapin sa nakalipas na taon. Kahit na mayroong polisiya laban sa pagpapatayo ng mga bagong coal-fired power plant at tuluyan nang ipinapatupad ang RE Law isang dekada matapos itong maisabatas, patuloy ang pagpabor ng maraming opisyal ng gobyerno sa maruming enerhiya.
May ilang nagtutulak ng pagtaas ng ating pagkadepende sa natural gas bilang pinagkukunan ng kuryente, sa paniniwalang ito ang tamang gamitin sa ating pagtransisyon mula sa coal patungo sa RE. Subalit ayon sa mga kritiko, mahihirapan ang Pilipinas na tuparin ang pangako nitong magbawas ng polusyon. Dahil malamang na ipapasok ang natural gas mula sa ibang bansa katulad ng coal, mananatiling mahal ang kuryenteng babayaran ng mga Pilipino; pangalawa ang bansa sa Asya pagdating sa presyo ng kuryente.
Nakita natin sa Kongreso ang pagtutulak ng mga panukalang batas na ilang taon nang pinag-uusapan. Kabilang dito ang pag-aalis ng single-use plastic, na naisapasa sa Kamara pero hindi pa sa Senado. Kasama ang 500 lokal na pamahalaang nagbawal na ng plastik, ilalapit ng mga naturang aksyon ang ating bansa tungo sa mas malinis na ekonomiya at lipunan.
Sa kabilang dako, hindi pa rin naipasa ang mga panukalang batas sa tamang paggamit ng mga lupain at pangangasiwa ng ating kagubatan. Bigo ang administrasyong Duterte sa pagbuo ng Department of Disaster Resilience, na kasama sa kanilang prayoridad. Bagamat naipasa na sa Kamara, matindi ang pagsalungat dito ng mga nagsasabing hindi dapat bigyan ang iisang ahensiya ng malaking responsibilidad sa pagtugon sa isyung nangangailangan ng malakas na lokal na pag-aksyon.
Nanatiling pinakamapanganib na bansa sa Asya ang Pilipinas sa mga tagapagtanggol ng kalikasan. Patuloy ang paglitaw ng mga insidente kung saan naaapi ang mga bulnerableng komunidad, lalo na ang mga katutubo, sa mga proyekto katulad ng pagmimina at pagtatayo ng mga dam. Kung lalong pinapahirap ang mga mahihirap, nakatutulong ba talaga ang mga proyektong ito sa pambansang pag-unlad?
Maaaring makatulong sa pagresolba sa nasabing problema ang pagkilala ng UN Human Rights Council ngayong taon ang karapatan sa malinis, mabuti, at likas-kayang kapaligiran bilang karapatang pantao. Makatutulong din ang paglalabas ng ulat ng Commission on Human Rights tungkol sa National Inquiry on Climate Change, na naglahad na maaaring kasuhan ang mga korporasyong nagbubuga ng polusyong nagpapalala ng krisis sa klima at paghihirap ng mga komunidad.
Sa susunod na taon …
Asahan na madalas pag-uusapan sa 2022 ang mga plataporma ng mga tatakbo sa darating na eleksyon. Dapat na maging prayoridad ang “green agenda” sa opisyal na panahon ng kampanya, bilang pagkilala sa katotohanang imposible ang pag-unlad kung patuloy ang pagsira sa kalikasan. Dapat matuto ang mga susunod nating lider sa pagkukulang ng mga nakalipas na administrasyon, pagdating sa usaping pangklima at pangkalikasan.
Sa ating pagbalik-tanaw sa susunod na Disyembre, paulit-ulit na lang ba ang ating mababalitaan maliban sa taon at mga pangalan? O makikita na ba natin sa wakas na maisasakatuparan ang ating ambisyon tungo sa makabubuting pagbabago?
Sa totoo lang, hindi pa siguro. Pero para sa ating kapakanan, dapat tayong patuloy na umasa.
Si John Leo ay ang Deputy Executive Director for Programs and Campaigns ng Living Laudato Si’ Philippines at kasapi ng interim Secretariat ng Aksyon Klima Pilipinas. Kumakatawan siya sa lipunang sibil ng Pilipinas sa pandaigdigan at panrehiyong pagpupulong sa ilalim ng UN mula noong 2017. Isa siyang pangmamamayang mamahayag sa mga suliraning pangkalikasan at panlipunan.